Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Bakit dapat alalahanin ang kamatayan ni Jesus?
Ang kamatayan ni Jesus ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan—namatay siya para maibalik ang kasakdalan ng tao. Hindi nilalang ang tao para gumawa ng masama, magkasakit, o mamatay. (Genesis 1:31) Pero pumasok ang kasalanan sa sanlibutan dahil sa unang taong si Adan. Ibinigay ni Jesus ang buhay niya para mailigtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan.—Basahin ang Mateo 20:28; Roma 6:23.
Ipinakita ng Diyos ang kaniyang namumukod-tanging pag-ibig nang isugo niya sa lupa ang kaniyang Anak para mamatay alang-alang sa atin. (1 Juan 4:9, 10) Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na alalahanin ang kaniyang kamatayan sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya na may tinapay at alak. Sa pagsasagawa nito taon-taon, maipakikita natin ang ating pasasalamat sa pag-ibig na ipinakita ng Diyos at ni Jesus.—Basahin ang Lucas 22:19, 20.
Sino ang dapat makibahagi sa tinapay at alak?
Nang unang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na alalahanin ang kamatayan niya, binanggit niya ang tungkol sa isang tipan, o kasunduan. (Mateo 26:26-28) Nagbukas ito ng pagkakataon sa kanila at sa iba pa na may limitadong bilang para maging mga hari at saserdote sa langit kasama ni Jesus. Bagaman inaalaala ng milyon-milyon ang kamatayan ni Jesus, ang mga kasama lang sa tipan ang nakikibahagi sa tinapay at alak.—Basahin ang Apocalipsis 5:10.
Sa loob ng halos 2,000 taon, pinipili na ni Jehova kung sino ang magiging mga hari. (Lucas 12:32) Kakaunti lang sila kumpara sa mga mabubuhay magpakailanman sa lupa.—Basahin ang Apocalipsis 7:4, 9, 17.