Alam Mo Ba?
Paano nakatulong kay apostol Pablo ang pagiging mamamayang Romano?
Ang pagkamamamayang Romano ay nagbibigay sa isang tao ng ilang karapatan at pribilehiyo saanman siya magpunta sa imperyo. Ang isang mamamayang Romano ay nasa ilalim ng batas ng Roma, hindi ng sariling batas ng mga lunsod o probinsiyang sakop nito. Kapag inakusahan, puwede siyang pumayag na litisin ayon sa batas doon, pero may karapatan pa rin siyang dinggin sa hukumang Romano. Para sa kasong may parusang kamatayan, may karapatan siyang umapela sa emperador.
Batay sa gayong karapatan, sinabi ni Cicero, isang estadistang Romano noong unang siglo B.C.E.: “Isang krimen na gapusin ang isang mamamayang Romano; ang hagupitin siya ay napakasama; ang ipapatay siya ay para na ring pagpatay sa isang magulang o kamag-anak.”
Si apostol Pablo ay nangaral sa buong Imperyo ng Roma. Ginamit niya ang kaniyang karapatan bilang mamamayang Romano sa tatlong napaulat na pangyayari: (1) Sinabi niya sa mga mahistrado sa Filipos na nilabag nila ang karapatan niya nang pagpapaluin nila siya. (2) Ipinaalam niya ang kaniyang pagiging mamamayang Romano para hindi siya hagupitin sa Jerusalem. (3) Inapela niya ang kaniyang kaso kay Cesar, ang emperador ng Roma, para ito mismo ang duminig.—Gawa 16:37-39; 22:25-28; 25:10-12.
Paano binabayaran ang mga pastol noong panahon ng Bibliya?
Ang patriyarkang si Jacob ay nagpastol sa kawan ng kaniyang tiyuhing si Laban nang 20 taon. Ang 14 dito ay para mapangasawa ang dalawang anak na babae ni Laban, at para sa natitirang 6 na taon, siya ay binayaran ng mga alagang hayop. (Genesis 30:25-33) Sinabi ng magasing Biblical Archaeology Review: “Alam na alam ng sinaunang mga manunulat at mambabasa ng Bibliya ang gayong mga kasunduan sa pagpapastol gaya ng ginawa nina Laban at Jacob.”
Makikita ang gayong mga kasunduan sa nahukay na mga sinaunang kontrata sa Nuzi, Larsa, at sa iba pang lugar sa makabagong Iraq. Ang karaniwang kontrata ay nagsisimula sa taunang paggugupit sa mga tupa hanggang sa susunod na taon. Aalagaan ng mga pastol ang espesipikong bilang ng mga hayop na nakalista ayon sa edad at kasarian nito. Pagkatapos ng isang taon, tatanggapin ng may-ari ang itinakdang dami ng lana, mga produktong mula sa gatas, mga alagang hayop, at iba pa. Anumang sobra ay mapupunta sa pastol.
Ang pagdami ng kawan ay depende sa bilang ng babaeng tupa na ipinagkatiwala sa pastol. Ang 100 babaeng tupa ay karaniwan nang nagkakaanak ng 80 kordero. Gagawin ng pastol ang lahat para walang mawala sa mga ito. Kaya may dahilan siya para alagaang mabuti ang mga hayop na ipinagkatiwala sa kaniya.