TAMPOK NA PAKSA | MAHALAGA KA BA SA DIYOS?
Binabantayan Ka ng Diyos
“Ang kaniyang mga mata ay nasa mga lakad ng tao, at ang lahat ng hakbang nito ay nakikita niya.”—JOB 34:21.
KUNG BAKIT NAG-AALINLANGAN ANG ILAN: Ayon sa pinakahuling pag-aaral, sa ating galaksi pa lang ay may mga 100 bilyong planeta na. Sa sobrang lawak ng uniberso, marami ang nagtatanong, ‘Bakit pa titingnan ng makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ang ginagawa ng hamak na tao sa isang napakaliit na planeta?’
KUNG ANO ANG ITINUTURO NG SALITA NG DIYOS: Hindi basta ibinigay ng Diyos sa atin ang Bibliya, at pagkatapos ay bahala na tayo sa buhay natin. Sa halip, tinitiyak sa atin ni Jehova: “Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”—Awit 32:8.
Kuning halimbawa si Hagar, isang babaing Ehipsiyo noong ika-20 siglo B.C.E. Walang galang si Hagar sa amo niyang si Sarai, kaya hiniya siya nito. Dahil dito, tumakas siya sa disyerto. Hindi na ba mahalaga sa Diyos si Hagar dahil sa pagkakamali niya? Iniulat ng Bibliya: “Nasumpungan siya ng anghel ni Jehova.” Sinabi ng anghel kay Hagar: “Narinig ni Jehova ang iyong kapighatian.” Kaya sinabi ni Hagar kay Jehova: “Ikaw ay Diyos ng paningin.”—Genesis 16:4-13.
Binabantayan ka rin ng “Diyos ng paningin.” Isipin ito: Mas binabantayan ng mapagmahal na ina ang maliliit niyang anak, dahil miyentras mas maliit ang bata, mas kailangan nito ng higit na atensiyon. Mas binabantayan din tayo ng Diyos kapag mahina tayo at malungkot. “Nananahan akong mataas at banal,” ang sabi ni Jehova, “ngunit naroon din ako sa nagsisisi at aba sa espiritu upang pasiglahin ang espiritu ng mga aba at bigyang-buhay ang puso ng mga nagsisisi.”—Isaias 57:15, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Pero baka maisip mo: ‘Paano ako binabantayan ng Diyos? Panlabas na hitsura lang ba ang nakikita niya o ang buo kong pagkatao? Talaga bang nauunawaan niya ako?’