Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Puwede Mo Bang Makita ang Di-nakikitang Diyos?

Puwede Mo Bang Makita ang Di-nakikitang Diyos?

“ANG Diyos ay Espiritu.” (Juan 4:24) Hindi siya nakikita ng tao. Pero sa Bibliya, may mga tao na parang nakakita sa Diyos. (Hebreo 11:27) Paano nangyari iyon? Puwede mo ba talagang makita ang “di-nakikitang Diyos”?Colosas 1:15.

Ikumpara ang ating sitwasyon sa isa na ipinanganak na bulag. Dahil ba bulag siya, hindi na niya maiintindihan ang daigdig sa palibot niya? Hindi naman. Nakakakuha siya ng impormasyon sa iba’t ibang paraan kaya nauunawaan niya ang mga bagay-bagay. Sabi ng isang lalaking bulag, “Hindi lang mata ang nakakakita, ang isip din.”

Sa katulad na paraan, kahit hindi nakikita ng iyong pisikal na mga mata ang Diyos, makikita mo siya gamit ang “mga mata ng [iyong] puso.” (Efeso 1:18) Magagawa mo ito sa tatlong paraan.

“MALINAW NA NAKIKITA MULA PA SA PAGKALALANG NG SANLIBUTAN”

Karaniwan nang mas matalas ang pandinig at pandamdam ng isang bulag, na ginagamit niya para maunawaan ang mga hindi niya nakikita. Magagamit mo rin ang iyong mga pandama para masuri ang daigdig sa palibot mo at maunawaan ang di-nakikitang Diyos na lumalang nito. “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.”Roma 1:20.

Kuning halimbawa ang ating planetang Lupa. Hindi ito dinisenyo para lang mabuhay tayo, kundi para masiyahan din sa buhay. Kapag nararamdaman natin ang simoy ng hangin at init ng araw, nalalasahan ang masasarap na prutas, o naririnig ang huni ng mga ibon, talagang natutuwa tayo. Hindi ba ipinakikita niyan na maalalahanin, magiliw, at bukas-palad ang ating Maylalang?

Ano ang matututuhan mo tungkol sa Diyos mula sa nakikita mo sa uniberso? Ipinakikita ng mga langit ang kapangyarihan ng Diyos. Ipinahihiwatig ng kamakailang pagsasaliksik sa siyensiya na ang uniberso ay hindi lang basta lumalawak, kundi bumibilis pa ang paglawak! Kapag tinitingnan mo ang langit sa gabi, isipin ito: Saan nanggagaling ang enerhiyang nagpapabilis sa paglawak ng uniberso? Sinasabi ng Bibliya na ang Maylalang ay ‘sagana sa dinamikong lakas.’ (Isaias 40:26) Ipinakikita ng paglalang ng Diyos na siya ang “Makapangyarihan-sa-lahat”—ang Isa na “dakila sa kapangyarihan.”Job 37:23.

“SIYANG NAKAPAGPALIWANAGTUNGKOL SA KANIYA”

Isang ina ng dalawang batang may depekto sa paningin ang nagsabi: “Napakalaking bagay ng pagkukuwento para matuto sila. Sabihin sa kanila ang lahat ng nakikita’t naririnig mo, [at] ipaliwanag ang mga iyon. Ikaw ang mata nila.” Sa katulad na paraan, bagaman “walang taong nakakita sa Diyos kailanman,” ang Anak niyang si Jesus na nasa tabi niya, ang “siyang nakapagpaliwanag tungkol sa kaniya.” (Juan 1:18) Bilang unang nilalang at bugtong na Anak ng Diyos, si Jesus ang naging “mata” natin sa langit. Siya ang pinakamabuting mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa di-nakikitang Diyos.

Pansinin ang ilang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang Ama, na kasama niya sa loob ng di-mabilang na mga taon:

  • Napakasipag ng Diyos. “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon.”Juan 5:17.

  • Alam ng Diyos ang ating kailangan. “Nalalaman ng . . . inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa man ninyo hingin sa kaniya.”Mateo 6:8.

  • Ang Diyos ay bukas-palad na naglalaan sa atin. “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.”Mateo 5:45.

  • Mahalaga sa Diyos ang bawat isa sa atin. “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. Ngunit ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat. Kaya nga huwag kayong matakot: nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.”Mateo 10:29-31.

IPINAKITA NG ISANG TAO ANG MGA KATANGIAN NG DI-NAKIKITANG DIYOS

Kadalasan nang iba ang paraan ng mga bulag sa pag-unawa sa mga bagay-bagay. Para sa isang bulag, maaaring ang lilim ay isang lugar na malamig, sa halip na may anino. Kung paanong ang isang taong bulag ay hindi nakakakita ng anino ni ng liwanag, hindi rin natin makikita, o maiintindihan, si Jehova kung sa ganang atin lang. Kaya naglaan si Jehova ng isang tao na makapagpapakita ng Kaniyang personalidad at mga katangian.

Ang taong iyon ay si Jesus. (Filipos 2:7) Hindi lang sinabi sa atin ni Jesus ang tungkol sa kaniyang Ama kundi ipinakita rin niya ang mga katangian ng Diyos. Hiniling ng alagad niyang si Felipe: “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama.” Sumagot si Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:8, 9) Ikaw, ano ang “nakikita” mo tungkol sa Ama batay sa mga ginawa ni Jesus?

Si Jesus ay mapagmahal, mapagpakumbaba, at madaling lapitan. (Mateo 11:28-30) Gustong-gusto siya ng mga tao. Nadarama niya ang kirot na nadarama ng iba, at nakikigalak sa kagalakan nila. (Lucas 10:17, 21; Juan 11:32-35) Kapag binabasa o pinakikinggan mo ang mga ulat ng Bibliya tungkol kay Jesus, gamitin ang iyong mga pandama at gawing buháy na buháy sa isip ang mga pangyayari. Habang pinag-iisipan mo kung paano nakitungo si Jesus sa mga tao, lalo mong makikita ang kahanga-hangang personalidad ng Diyos at mapapalapít ka sa Kaniya.

BUUIN ANG LARAWAN

Ganito ang sinabi ng isang awtor tungkol sa kung paano nauunawaan ng isang bulag ang daigdig sa palibot niya: “Nakakakuha siya ng pira-pirasong detalye sa iba’t ibang paraan (sa pandamdam, pang-amoy, pandinig, at iba pa), at napagsasama-sama niya ang mga ito para mabuo ang impormasyon.” Habang pinagmamasdan mo ang mga lalang ng Diyos, binabasa ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang Ama, at sinusuri kung paano ipinakita ni Jesus ang mga katangian ng Diyos, nabubuo rin ang isang magandang larawan ni Jehova. Sa gayon ay magiging totoong-totoo siya sa iyo.

Ganiyang-ganiyan ang naranasan ni Job na nabuhay noong sinaunang panahon. Noong una, siya ay ‘walang kaunawaan.’ (Job 42:3) Pero matapos pag-isipang mabuti ang kamangha-manghang mga lalang ng Diyos, sinabi ni Job: “Nakarinig ako ng tungkol sa iyo, ngunit ngayon ay nakikita ka nga ng aking mata.”Job 42:5.

‘Kung hahanapin mo si Jehova, hahayaan niyang masumpungan mo siya’

Puwede rin iyang mangyari sa iyo. “Kung hahanapin mo [si Jehova], hahayaan niyang masumpungan mo siya.” (1 Cronica 28:9) Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang hanapin at makita ang di-nakikitang Diyos.