Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano ang buhay ng mga alipin sa Roma noon?

Kulyar ng alipin sa Roma

Sa Imperyo ng Roma, marami ang naging alipin dahil sa pananakop o pagkidnap. Ang mga bihag na ito ay ipinagbibili at karaniwan nang hindi na nakababalik sa kanilang bayan o pamilya.

Maraming alipin ang pinagtrabaho at pinahirapan sa mga minahan. Pero mas mabuti ang naging kalagayan ng iba na naging magbubukid at kasambahay. Ang isang alipin ay maaaring sapilitang pinagsusuot ng kulyar na bakal. May nakasulat dito na bibigyan ng gantimpala ang sinumang magbabalik ng aliping ito sa kaniyang amo sakaling tumakas ito. Ang mga paulit-ulit na nagtatangkang tumakas ay tinatatakan sa noo, kadalasan ng letrang F, ibig sabihin, fugitivus (takas).

Binabanggit sa aklat ng Bibliya na Filemon ang pagpapabalik ni apostol Pablo sa takas na aliping si Onesimo sa amo nitong si Filemon. Kahit may legal na karapatan si Filemon na parusahan nang matindi si Onesimo, pinakiusapan ni Pablo si Filemon na “tanggapin [ito] nang may kabaitan,” alang-alang sa pag-ibig at pagkakaibigan.Filemon 10, 11, 15-18.

Bakit kilala ang sinaunang Fenicia sa tinang purpura nito?

Ang Fenicia, na malamang na tumutukoy sa Lebanon ngayon, ay kilala sa tinang Tyrian purple, na isinunod sa pangalan ng lunsod ng Tiro. Ginamit ni Haring Solomon ng sinaunang Israel sa kaniyang templo ang “lanang tinina sa mamula-mulang purpura,” na ginawa ng isang dalubhasa mula sa Tiro.2 Cronica 2:13, 14.

Ang Tyrian purple ang pinakamahal na tina noon, dahil hindi madali ang proseso sa paggawa nito. Una, mangunguha ang mga mangingisda ng napakaraming kabibing murex sa dagat. * Mga 12,000 nito ang kailangan para makagawa ng pantina sa isang damit lang. Pagkatapos, inaalis ang laman ng kabibi upang matanggal ang glandula ng tina nito. Inaasnan ito ng mga gumagawa ng tina at ibinibilad ito sa loob ng tatlong araw. Saka ito inilalagay sa tangke na may tubig-dagat at iinitin sa mahinang apoy sa loob ng ilang araw.

Dahil sa komersiyo at pananakop, nakontrol ng mga taga-Fenicia sa loob ng daan-daang taon ang pagbebenta ng Tyrian purple at ang kasanayan sa paggawa nito. May natagpuang mga relikya ng kanilang paggawa ng tina sa palibot ng Dagat Mediteraneo at hanggang sa kanluran sa Cádiz, Espanya.

^ par. 8 Ang kabibing ito ay mga lima hanggang walong sentimetro ang haba.