Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG NILALAMAN NG BIBLIYA?

Paano Tayo Umiral?

Paano Tayo Umiral?

Sa simpleng pananalita, ipinaliliwanag ng Genesis, ang unang aklat ng Bibliya, ang pinagmulan ng uniberso: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Pagkatapos lalangin ng Diyos ang mga halaman at hayop, nilalang niya ang unang mga tao, sina Adan at Eva. Ibang-iba sila sa mga hayop dahil taglay nila sa ilang antas ang mga katangian ng Diyos. Binigyan din sila ng Diyos ng kalayaang magpasiya. Kaya sila ang may pananagutan sa kanilang mga pasiya. Kung susundin nila ang mga tagubilin ng Diyos, maaari silang maging bahagi ng layunin niya bilang unang mga magulang ng pamilya ng tao na magtatamasa ng mapayapa at sakdal na buhay sa lupa magpakailanman.

Gayunman, sinamantala ng isang anghel, o espiritung nilalang, ang pagkakataong gamitin ang mga tao para sa kaniyang sakim na pakinabang. Kaya siya ay naging Satanas, na nangangahulugang “Mananalansang.” Nilinlang ni Satanas si Eva sa pamamagitan ng isang serpiyente. Sinabi niya na mapapabuti si Eva kung wala ang patnubay ng Diyos. Sinunod nina Adan at Eva si Satanas, anupat sinira ang kaugnayan nila sa kanilang Maylikha. Dahil sa kanilang maling pasiya, naiwala ng ating unang mga magulang ang walang-hanggang buhay at naipasa sa atin ang kasalanan, di-kasakdalan, at di-matatakasang kamatayan.

Kaagad na ipinahayag ng Diyos ang kaniyang layunin na ayusin ang masamang sitwasyong ito at bigyan ang magiging mga inapo ni Adan ng pagkakataong magtamo ng buhay na walang hanggan. Inihula ng Diyos na isang “binhi”—isang pantanging indibiduwal—ang pupuksa kay Satanas at mag-aalis sa lahat ng pagdurusang idinulot ni Satanas, ni Adan, at ni Eva. (Genesis 3:15) Sino ang magiging “binhi” na iyon? Panahon lang ang makapagsasabi.

Samantala, patuloy na sinisikap ni Satanas na biguin ang mabuting layunin ng Diyos. Mabilis na lumaganap ang kasalanan at kasamaan. Ipinasiya ng Diyos na puksain ang masasama sa pamamagitan ng isang baha. Inutusan niya si Noe na gumawa ng arka—isang napakalaking lumulutang na kahon—para iligtas ang kaniyang sarili at ang pamilya niya, kasama ang mga hayop na iniutos ng Diyos na ipasok sa arka.

Isang taon pagkatapos magsimula ang Baha, si Noe at ang kaniyang pamilya ay lumabas sa arka tungo sa isang nilinis na lupa. Pero hindi pa rin lumilitaw ang “binhi.”

Batay sa Genesis, kabanata 1-11; Judas 6, 14, 15; Apocalipsis 12:9.