TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG NILALAMAN NG BIBLIYA?
“Nasumpungan Na Namin ang Mesiyas”!
Mga apat na siglo pagkatapos maisulat ang huling aklat ng Hebreong Kasulatan, natupad ang hula ni Mikas tungkol sa Mesiyas: Si Jesus ay ipinanganak sa Betlehem. Pagkatapos ng mga 30 taon, noong 29 C.E., natupad ang unang bahagi ng hula ni Daniel tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Si Jesus ay binautismuhan at pinahiran ng Diyos ng banal na espiritu. Tamang-tama ang pagdating ng matagal nang hinihintay na Mesiyas, ang Binhi!
Kaagad na sinimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, na “ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 8:1) Katulad ng inihula, si Jesus ay mabait, mahinahon, at mapagmalasakit. Praktikal at maibigin ang kaniyang mga turo, at pinagaling niya ang “bawat uri ng kapansanan” ng mga tao, na nagpapakitang ang Diyos ay sumasakaniya. (Mateo 4:23) Kapuwa matanda’t bata ay lumapit kay Jesus at nagsabi: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas”!
Inihula ni Jesus na bago lubusang mamahala ang kaniyang Kaharian, ang sanlibutan ay daranas ng mga digmaan, lindol, at maraming kapighatian. Hinimok niya ang lahat na “patuloy [na] magbantay.”
Si Jesus ay isang sakdal na taong nanatiling masunurin sa Diyos, pero nang maglaon ay ipinapatay siya ng kaniyang mga kaaway. Sa gayon, sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, inilaan niya ang sakdal na handog upang maibalik sa atin ang naiwala nina Adan at Eva
Natupad ang inihulang kamatayan ni Jesus, gayundin ang pagbuhay-muli ng Diyos sa kaniya pagkalipas ng tatlong araw bilang makapangyarihang espiritung nilalang. Pagkatapos, nagpakita si Jesus sa mahigit 500 alagad niya. Bago umakyat sa langit, inatasan ni Jesus ang mga tagasunod niya na dalhin ang mabuting balita tungkol sa kaniya at sa kaniyang Kaharian sa “mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Paano lubusang naisagawa ang atas na ito?