Magpatuloy sa Buhay Pagkatapos ng Diborsiyo
“Parang gumuho ang mundo ko. Ayos naman ang buhay ko nang biglang maglaho ang lahat.”
—MARK, * isang taon nang diborsiyado.
“Ang mister ko ay nagkaroon ng relasyon sa ibang babae na kasing-edad lang ng anak naming babae. Nang magdiborsiyo kami, para akong nabunutan ng tinik dahil natakasan ko ang pagiging magagalitin niya, pero nanliit ako at nadama kong wala akong halaga.”
—EMMELINE, 17 taon nang diborsiyada.
Ang ilang tao ay nakikipagdiborsiyo dahil umaasa silang mas bubuti ang kanilang buhay. Ang iba naman ay gustong manatiling may-asawa pero iniwan sila ng kanilang asawa. Gayunman, nasumpungan ng halos lahat ng nagdiborsiyo na naging mas mahirap ang buhay kaysa sa inaasahan nila. Sa katunayan, kung bago ka lang nakipagdiborsiyo, baka masabi mong isa ito sa pinakamahirap na hamong nararanasan mo. Kaya kapaki-pakinabang na isaalang-alang ang ilang praktikal na payo mula sa Bibliya na makatutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang mga hamon ng diborsiyo.
HAMON 1: NEGATIBONG MGA DAMDAMIN.
Ang stress na dulot ng problema sa pera, pagpapalaki ng mga anak, at kalungkutan ay maaaring maging matindi, at madalas na hindi ito madaling maalis. Natuklasan ng yumaong sikologong si Judith Wallerstein na kahit lumipas ang mga taon pagkatapos ng diborsiyo, nadarama pa rin ng iba na pinagtaksilan at iniwan sila, anupat naniniwala na ang “buhay ay di-patas, nakakadismaya, at malungkot.”
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Ilabas mo ang iyong nadaramang kalungkutan. Baka hinahanap-hanap mo ang pakikisama sa taong mahal mo pa rin. Kahit na hindi naging maganda ang inyong pagsasama, natural lang na malungkot ka dahil hindi iyon ang inaasahan mo. (Kawikaan 5:18) Huwag mahiyang umiyak.
—Eclesiastes 3:1, 4. Huwag ibukod ang sarili. Bagaman kailangan mong mapag-isa para magdalamhati, hindi mabuti na magtagal ito. (Kawikaan 18:1) Gawing nakapagpapatibay ang pakikipag-usap sa mga kaibigan, yamang maaari kang layuan ng iba kung madalas mong ireklamo ang dati mong asawa, kahit may dahilan ka namang gawin iyon. Kung kailangan mong gumawa ng mahahalagang desisyon pagkatapos ng iyong diborsiyo, humingi ng tulong sa isa na mapagkakatiwalaan mo.
Alagaan ang iyong kalusugan. Ang stress dahil sa diborsiyo ay kadalasang nagdudulot ng sakit, gaya ng alta presyon o migraine. Kumain nang mabuti, mag-ehersisyo, at matulog nang sapat.
—Efeso 5:29. Alisin ang mga bagay na nakapagpapagalit sa iyo sa dati mong asawa o mga bagay na hindi mo kailangan, pero ingatan ang importanteng mga papeles. Kung nasasaktan kang makita ang mga bagay na gaya ng litrato ng kasal ninyo, itago at ingatan na lang ito para sa iyong mga anak.
Labanan ang negatibong kaisipan. Si Olga na nakipagdiborsiyo sa kaniyang asawa pagkatapos itong mangalunya ay nagsabi: “Lagi kong tinatanong ang aking sarili, ‘Ano ba ang mayroon sa babaing iyon na wala sa akin?’” Pero gaya ng natanto ni Olga, ang patuloy na pag-iisip nang negatibo ay maaaring magdulot ng “bagbag na espiritu.”
—Kawikaan 18:14. Nasumpungan ng marami na ang pagsulat ng mga nasa isip nila ay nakatulong para maging malinaw ang kanilang pag-iisip at makontrol ito. Kung gagawin mo ito, bakit hindi sikaping palitan ng positibo ang negatibong kaisipan? (Efeso 4:23) Isaalang-alang ang dalawang halimbawa:
Noon: Kasalanan ko kung bakit nagtaksil ang aking asawa.
Ngayon: Ang mga pagkukulang ko ay hindi dahilan para pagtaksilan niya ako.
Noon: Sinayang ko ang buhay ko sa kaniya.
Ngayon: Mas magiging masaya ako kung magpopokus ako sa hinaharap sa halip na sa nakaraan.
Palampasin ang masasakit na komento. Ang mga kaibigan at kamag-anak na may mabuting intensiyon ay baka magsabi ng mga bagay na nakasasakit o mali pa nga: ‘Huwag mo siyang panghinayangan’ o ‘Ayaw ng Diyos ang pagdidiborsiyo.’ * Kaya nagpapayo ang Bibliya: “Huwag mong ilagak ang iyong puso sa lahat ng salita na sinasalita ng mga tao.” (Eclesiastes 7:21) Ganito ang sinabi ni Martina na dalawang taon nang diborsiyada: “Sa halip na magpokus sa masasakit na salita, sinisikap kong tingnan ang mga bagay-bagay mula sa pangmalas ng Diyos. Ang kaniyang kaisipan ay mas mataas kaysa sa ating kaisipan.”
—Isaias 55:8, 9. Manalangin sa Diyos. Hinihimok niya ang kaniyang mga mananamba na ‘ihagis sa kaniya ang lahat ng kanilang kabalisahan,’ lalo na kapag may mabigat silang problema.
—1 Pedro 5:7.
SUBUKAN ITO: Isulat ang mga teksto sa Bibliya na alam mong makatutulong sa iyo, at ilagay ang mga ito sa mga lugar kung saan madalas mo itong makikita. Bukod sa nabanggit nang mga teksto, nakatulong sa maraming nakipagdiborsiyo ang mga teksto na: Awit 27:10; 34:18; Isaias 41:10; at Roma 8:38, 39.
HAMON 2: ANG KAUGNAYAN MO SA IYONG DATING ASAWA.
Si Juliana na 11 taon nang kasal ay nagsabi: “Nagmakaawa ako sa aking asawa na huwag akong iwan. Nang iwan niya ko, galit na galit ako sa kaniya at sa babaing kinakasama niya.” Hindi naalis ng maraming nakipagdiborsiyo ang matinding galit sa kanilang dating asawa kahit lumipas na ang maraming taon. Gayunman, napipilitan silang kausapin ito, lalo na kung may mga anak sila.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Maging magalang sa dati mong asawa. Magpokus sa mahahalagang bagay at huwag magpaliguy-ligoy. Nasumpungan ng marami na ito ay nakatutulong sa pagkakaroon ng kapayapaan.
—Roma 12:18. Iwasan ang nakasasakit na salita. Lalo na kapag nasasaktan ka, ikapit ang matalinong payo ng Bibliya: “Ang sinumang nagpipigil ng kaniyang mga pananalita ay nagtataglay ng kaalaman.” (Kawikaan 17:27) Kung sa kabila ng iyong pagsisikap ay parang walang patutunguhan ang inyong pag-uusap, maaari mong sabihin: “Pag-iisipan ko muna ang sinabi mo. Saka na tayo mag-usap.”
Hangga’t maaari, ihiwalay ang mga papeles mo sa papeles ng dati mong asawa, gaya ng legal, pinansiyal, at medikal na mga rekord.
SUBUKAN ITO: Sa susunod na pagkakataong makipag-usap ka sa dati mong asawa, bantayan ang mga palatandaan na sinuman sa inyo ay nagiging palaban o nagmamatigas. Kung kinakailangan, itigil muna ang pag-uusap o magkasundong mag-email na lang.
HAMON 3: TULUNGAN ANG INYONG MGA ANAK NA MAG-ADJUST.
Naaalaala ni Maria ang kaniyang sitwasyon pagkatapos ng diborsiyo: “Iyak nang iyak ang mas bata kong anak na babae at umiihi na naman siya sa kama. Bagaman sinisikap itago ng nakatatanda kong anak na babae ang kaniyang damdamin, alam kong apektado rin siya.” Nakalulungkot, baka nadarama mong wala kang panahon o lakas na tulungan ang iyong mga anak kung kailan kailangang-kailangan ka nila.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Pasiglahin ang iyong mga anak na magsabi ng kanilang nadarama, kahit na waring ito ay “padalus-dalos na pananalita.”
—Job 6:2, 3. Panatilihin ang inyong papel sa loob ng pamilya. Bagaman kailangan mo ng emosyonal na suporta at baka gusto namang tumulong ng iyong anak, hindi makatuwiran at hindi makabubuti na magpatulong sa isang bata para sa mga problema ng mga adulto. (1 Corinto 13:11) Iwasang sabihin ang lahat ng iyong niloloob sa iyong anak o gawin siyang tagapamagitan mo at ng dati mong asawa.
Panatilihing maayos ang buhay ng iyong anak. Makatutulong na huwag magpalipat-lipat ng tirahan o magpabagu-bago ng iskedyul. Higit sa lahat, panatilihin ang inyong mabuting kaugnayan sa Diyos bilang isang pamilya sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya at pagsamba ng pamilya.
—Deuteronomio 6:6-9.
SUBUKAN ITO: Sabihin sa iyong mga anak na mahal mo sila at na hindi sila ang dahilan ng pagdidiborsiyo ninyong mag-asawa. Sagutin ang kanilang mga tanong nang hindi sinisisi ang isang magulang.
Maaari kang magpatuloy sa buhay pagkatapos ng diborsiyo. Ganito ang sinabi ni Melissa na 16 na taon nang kasal, “Nang makipagdiborsiyo ako, naisip ko, ‘Hindi ito ang buhay na gusto ko.’” Pero ngayon kontento na siya sa kabila ng kaniyang kalagayan. Sinabi niya, “Nang matanggap ko na ang aking sitwasyon, mas gumaan ang pakiramdam ko.”
^ par. 2 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
^ par. 18 Kinapopootan ng Diyos ang mapanlinlang at mapandayang pagdidiborsiyo. Ngunit kapag nakiapid ang isang kabiyak, binibigyan ng Diyos ang isa na pinagtaksilan ng karapatang magpasiya kung siya ay makikipagdiborsiyo o hindi. (Malakias 2:16; Mateo 19:9) Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya
TANUNGIN ANG SARILI . . .
Talaga bang nabigyan ko ang aking sarili ng pagkakataong ilabas ang aking kalungkutan dahil sa diborsiyo?
Paano ko aalisin ang anumang hinanakit sa dati kong asawa?