Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mapagkakatiwalaan Mo ba ang Relihiyon Pagdating sa Pera?

Mapagkakatiwalaan Mo ba ang Relihiyon Pagdating sa Pera?

Si Estelle * ay regular na nagsisimba kasama ng kaniyang mga anak. “Sinabi ko sa ministro namin na gusto kong mag-aral ng Bibliya,” ang sabi niya. Pero hindi siya tinuruan nito. Nang maglaon, hindi na siya nagsimba. Sinabi pa niya: “Sumulat ang mga opisyal ng simbahan at sinabi na kung hindi ako makasisimba, magpadala na lang ako ng pera. Naisip ko, ‘Wala silang pakialam kung magsimba ako o hindi; gusto lang nila ang pera ko.’”

Ganito naman ang sinabi ni Angelina na isang relihiyosa: “Sa aming simbahan, tatlong beses ipinapasa ang basket tuwing may serbisyo sa pagsamba, at inaasahang magbibigay kami sa bawat pagpasa. Lagi silang humihingi ng pera. Naisip ko, ‘Wala silang espiritu ng Diyos.’”

Gumagamit ba ang mga relihiyon sa inyong lugar ng iba’t ibang paraan para pilitin ang mga taong magbigay ng pera? Kaayon ba iyan ng sinasabi sa Bibliya?

ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA?

Ang tagapagtatag ng Kristiyanismo na si Jesus ay nagsabi: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Ang mensahe ng Bibliya ay hindi mabibili ng pera ni dapat mang ipagkait sa sinumang may gusto nito.

Paano natustusan ng unang mga Kristiyano ang gastusin ng kongregasyon?

Ang bawat isa ay nagbigay “ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Sinabi ni apostol Pablo: “Ipinangaral namin . . . ang mabuting balita ng Diyos na may kasamang paggawa sa gabi at araw, upang hindi maglagay ng magastos na pasanin sa sinuman sa inyo.” (1 Tesalonica 2:9) Si Pablo ay nagtrabaho bilang manggagawa ng tolda para suportahan ang kaniyang ministeryo.Gawa 18:2, 3.

PAANO NAKAAABOT SA PAMANTAYAN ANG MGA SAKSI NI JEHOVA?

Karaniwan nang nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova sa simpleng mga gusali na tinatawag na mga Kingdom Hall. Paano natutustusan ang kanilang gastusin? Hindi sila nagpapasa ng plato para mangolekta ng pera, ni nagpapadala man sila ng sobre para mangilak ng donasyon. Sa halip, ang sinumang nagpapahalaga sa pagtuturo tungkol sa Bibliya ay maaaring maghulog ng donasyon sa isang kahon ng kontribusyon sa Kingdom Hall.

Paano dapat tustusan ang relihiyon?

Maliwanag na kailangan ng pera para mailimbag at maihatid sa iba’t ibang lugar ang magasing ito. Pero wala itong advertisement o panawagan para sa donasyon. Ang pangunahing layunin nito ay mapalaganap ang katotohanan sa Bibliya.

Ano sa palagay mo: Nakaaabot ba sa pamantayan ni Jesus at sa halimbawa ng unang mga Kristiyano ang paraang ito ng pagtustos sa gastusin?

^ par. 2 Binago ang ilang pangalan sa seryeng ito ng mga artikulo.