Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Posible ba ang buhay na walang hanggan?
Ang unang taong si Adan ay nabuhay nang daan-daang taon. Pero nang maglaon, tumanda siya at namatay. Mula noon, sinubukan na ng mga tao ang iba’t ibang paraan para maiwasan ang pagtanda. Pero wala pang sinuman ang nakatakas sa kamatayan. Bakit? Si Adan ay tumanda at namatay dahil nagkasala siya nang sumuway siya sa Diyos. Tayo ay tumatanda dahil nagmana tayo ng kasalanan kay Adan, pati na ng kabayaran nito, ang kamatayan.
Para mabuhay nang walang hanggan, kailangan natin ng isa na tutubos sa atin. (Job 33:24, 25) Ang pantubos ay ang halagang ibinabayad para mapalaya ang isa, at sa ating kalagayan, kailangan nating mapalaya mula sa kamatayan. (Exodo 21:29, 30) Binayaran ni Jesus ang halagang iyan nang mamatay siya para sa atin.
Paano tayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan?
Hindi lahat ay mapalalaya mula sa sakit at pagtanda. Sa katunayan, maiwawala ng mga taong sumusuway sa Diyos, tulad ni Adan, ang pribilehiyong mabuhay. Ang mga tao lamang na pinatawad sa kanilang mga kasalanan ang mabubuhay nang walang hanggan.
Para mapatawad, kailangan nating kumilos. Kailangan nating makilala ang Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Itinuturo nito sa atin kung paano magkakaroon ng mas mabuting buhay at kung paano makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos at ang buhay na walang hanggan.