SUSI SA MALIGAYANG PAMILYA
Kung Paano Makikitungo sa mga Taong Malalapít sa Inyong Stepfamily
SI MARGARET, * ISANG STEPMOTHER SA AUSTRALIA: “Sinabihan ng dating asawa ng mister ko ang kanilang mga anak na huwag makinig sa akin—kahit sa simpleng paalaala ko na ‘Magsipilyo sila.’” Para kay Margaret, nakaaapekto ito sa kanilang mag-asawa.
Ang mga stepfamily ay karaniwan nang nahihirapang makitungo sa mga taong malalapít sa kanilang pamilya. * Karamihan sa mga stepparent ay kailangang makipag-usap sa tunay na ina o ama ng bata tungkol sa iskedyul ng pagdalaw, pagdidisiplina, at sustento. Baka mahirapan din ang mga kaibigan at kamag-anak nila na mag-adjust sa mga bagong miyembro ng pamilya. Alamin kung paano makatutulong ang payo ng Bibliya para maharap ng inyong stepfamily ang mga hamong iyan.
1. DATING ASAWA
Binanggit ni Judith, isang stepmother sa Namibia: “Sinabi ng dating asawa ng mister ko sa mga anak nila na ako ay bagong asawa lang ng kanilang tatay at na hindi nila kapatid ang magiging anak namin. Nasaktan ako sa sinabi niya dahil mahal ko ang mga bata na parang tunay kong mga anak.”
Aminado ang mga eksperto na posibleng lumikha ng isyu sa isang stepfamily ang pakikipag-ugnayan sa dating asawa. Kadalasan, ang tunay na ina at ang stepmother ang di-nagkakasundo. Ano ang makatutulong?
Isang susi sa tagumpay: Magtakda ng makatuwirang mga limitasyon. Kung tuluyan mo nang puputulin ang anumang pakikipag-ugnayan sa dati mong asawa, baka masaktan ang inyong anak. * Ang tunay na magulang ay laging may espesyal na dako sa buhay ng anak. (Kawikaan 23:22, 25) Pero, kung hahayaan mo namang magkaroon ng sobrang impluwensiya sa inyong tahanan ang dati mong asawa, baka mainis o magalit pa nga ang bago mong asawa. Kaya maging timbang, magtakda ng makatuwirang mga limitasyon para maprotektahan ang inyong pagsasama, habang nakikipagtulungan hangga’t posible sa dati mong asawa.
TIP PARA SA MGA MAGULANG
Kapag nakikipag-usap sa dati mong asawa, magpokus sa inyong mga anak at huwag masyadong pag-usapan ang ibang bagay. Halimbawa, baka puwede mong itanong kung posibleng sa umaga o hapon mag-iskedyul ng regular na pagtawag sa telepono. Karaniwan nang mas mabuti iyon kaysa sa gabi o kung kailan lang maisipan.
Kung wala sa poder mo ang iyong mga anak, puwede mo silang regular na tawagan, sulatan, i-text, o padalhan ng e-mail. (Deuteronomio 6:6, 7) Ang iba ay gumagamit pa nga ng videoconferencing. Makikilala mo nang higit pa ang iyong mga anak—at makapagbibigay ka ng positibong impluwensiya sa kanila—kaysa sa inaakala mo.
TIP PARA SA MGA STEPMOTHER
Magpakita ng simpatiya sa tunay na ina ng mga bata, anupat nililinaw na hindi mo inaagaw ang papel niya bilang ina. (1 Pedro 3:8) Kapag nasa iyo ang mga bata, i-update mo siya at magpokus lang hangga’t maaari sa mga positibong bagay. (Kawikaan 16:24) Hingin ang payo niya, at magpasalamat kapag nagpayo siya.
Huwag masyadong maglambing sa mga bata sa harap ng tunay na ina. Sinabi ni Beverly, isang stepmother na taga-Estados Unidos: “Gusto akong tawaging Mommy ng mga bata. Sinabi namin na okey lang iyon sa bahay pero huwag nilang gagawin iyon kapag nandiyan ang nanay nilang si Jane, o ang pamilya nito. Mula noon ay mas gumanda ang samahan namin ni Jane. Nagtutulungan pa nga kami kapag may school play at field trip ang mga bata.”
TIP PARA SA MGA MAGULANG AT STEPPARENT
Kapag wala ang isang magulang o stepparent, huwag magsalita ng di-maganda tungkol sa kaniya lalo na kung naririnig ito ng mga bata. Madaling mauwi sa ganito ang usapan, pero nakasasakit ito sa bata. At baka makarating pa ang sinabi mo o kumalat pa nga. (Eclesiastes 10:20) Kung magsumbong naman ang bata tungkol sa pangit na sinabi sa iyo ng isang magulang o stepparent, magpokus sa damdamin ng bata. Ganito ang puwede mong sabihin: “Pasensiya na sa narinig mo. Galít kasi sa akin ang mommy mo, at kung minsan kapag galít ang isa, nakakapagsalita siya nang di-maganda.”
Sikaping magkaroon ng magkakaparehong patakaran at paraan ng pagdidisiplina sa dalawang tahanan. Kung imposible iyon, ipaliwanag ang pagkakaiba nang hindi minamaliit ang isa’t isa. Isaalang-alang ito:
Stepmother: Tim, pakisampay ‘yung basang tuwalya mo.
Tim: Sa bahay ng mommy ko, iniiwan lang namin ‘yan at siya ang nagsasampay.
Stepmother (galít): A ganun, puwes tinuturuan ka niyang maging tamad!
Hindi ba’t mas maganda kung ganito ang sasabihin mo?
Stepmother (mahinahon): A, okey. Dito kasi, kani-kaniya tayong sampay ng tuwalya.
Huwag mag-iskedyul ng mga activity para sa mga bata sa panahong dapat ay nasa kabilang magulang sila. (Mateo 7:12) Kung hindi mo maia-adjust ang activity, magpaalam muna sa kabilang magulang bago mo sabihin sa mga bata ang iyong plano.
SUBUKAN ITO: Gawin ito kapag nagkita kayo ng dating asawa ng kabiyak mo o kaya’y ng asawa ng dati mong kabiyak:
Tingnan siya sa mata at ngitian. Iwasang kumilos na parang hindi ka komportable sa kaniya.
Batiin siya sa kaniyang pangalan. Halimbawa, “Kumusta Jane!”
Kapag magkasama sa isang grupo, isali siya sa usapan.
2. MALALAKI NANG ANAK
Sa aklat na Step Wars, binabanggit ang isang babaing nagrereklamo na kinakampihan ng kaniyang mister ang malalaki na nitong anak at na hindi ito naniniwalang masama ang trato nila sa kaniya. “Nanggagalaiti tuloy ako sa galit,” ang sabi niya. Paano ninyo maiiwasang makasira sa pagsasama ninyong mag-asawa ang malalaki nang mga anak?
Isang susi sa tagumpay: Magpakita ng empatiya. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” (1 Corinto 10:24) Sikaping maintindihan ang nadarama ng iba. Baka natatakot lang ang mga anak na mawala ang pagmamahal ng kanilang magulang. O baka pakiramdam nila ay nagtataksil sila sa kanilang pamilya kapag tinanggap nila ang kanilang stepparent. Sa kabilang dako, baka nag-aalala naman ang tunay na magulang na lumayo ang loob ng mga anak kapag pinagsabihan sila.
Huwag mong piliting maging magkaibigan kayo agad ng mga anak ng asawa mo. Kalimitan nang hindi makabubuting pilitin ang iba na mahalin ka. (Awit ni Solomon 8:4) Kaya maging makatuwiran at makatotohanan tungkol sa mga inaasahan mo sa relasyon ninyo ng mga anak ng iyong asawa.
Magpigil sa pagsasalita, kahit hindi maganda ang trato sa iyo. (Kawikaan 29:11) Kung nahihirapan kang gawin ito, manalangin gaya ni Haring David ng Israel: “Maglagay ka ng bantay, O Jehova, para sa aking bibig; bantayan mo ang pinto ng aking mga labi.”—Awit 141:3.
Kung titira kayo sa bahay na kinalakhan ng mga bata, baka magulat ka kapag nakita mong napakasentimental nito para sa kanila. Kaya huwag mong gaanong baguhin ito, lalo na ang kuwarto ng mga bata. Puwede rin ninyong pag-isipang lumipat ng bahay.
SUBUKAN ITO: Kung hindi ka pa rin tinatrato nang maganda o iginagalang ng mga anak ng asawa mo, sabihin mo sa iyong asawa ang nadarama mo at makinig sa sasabihin niya. Huwag mo siyang piliting pagsabihan ang mga anak niya. Sa halip, sikaping unawain ang isa’t isa. Kapag magkasuwato na ang iniisip ninyo tungkol sa sitwasyon, makapagtutulungan na kayo para maayos iyon.—2 Corinto 13:11.
3. IBANG MGA KAMAG-ANAK AT KAIBIGAN
Sinabi ni Marion, isang stepmother sa Canada: “Madalas magregalo sa anak ko ang aking mga magulang, pero hindi sa mga anak ng mister ko. Kaya kami na lang ang nagreregalo sa kanila. Pero kung minsan, hindi namin kaya.”
Isang susi sa tagumpay: Unahin ang iyong bagong pamilya. Sabihin mo sa iyong mga kamag-anak at kaibigan na mahalaga sa iyo ang bago mong pamilya. (1 Timoteo 5:8) Hindi mo maaasahang mamahalin agad ng lahat ng kamag-anak at kaibigan mo ang iyong bagong pamilya, pero puwede mo silang pakiusapang maging magalang at makatuwiran. Ipaliwanag na masasaktan ang mga bata kung babale-walain sila.
Hayaan mong maging bahagi pa rin ng buhay ng iyong mga anak ang kanilang lolo’t lola sa dati mong asawa. Sinabi ni Susan, isang ina sa England: “Pagkaraan ng 18 buwan mula nang mabiyuda ako, nag-asawa akong muli. Nahirapan ang dati kong mga biyenan na tanggapin ang bago kong asawa. Bumuti ang sitwasyon nang madalas namin silang makasama, pinatatawag namin sa kanila ang mga bata, at pinasasalamatan sila sa kanilang suporta.”
SUBUKAN ITO: Alamin kung sinong kaibigan o kamag-anak ang nahihirapan kang pakisamahan. Pag-usapan ninyong mag-asawa kung paano mo mapabubuti ang relasyon sa taong iyon.
Maaaring maging hamon ang pakikitungo sa mga taong malalapít sa inyong stepfamily. Pero kung ikakapit ninyo ang payo ng Bibliya, matatamo ng inyong pamilya ang pagpapalang ipinangangako nito: “Sa karunungan ay mapatitibay ang sambahayan, at sa kaunawaan ay matatatag ito nang matibay.”—Kawikaan 24:3.
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 4 Para sa impormasyon kung paano haharapin ang iba pang mga hamon, tingnan ang seryeng itinatampok sa pabalat na “Susi sa Maligayang Stepfamily,” sa Abril 2012 ng Gumising! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 8 Siyempre pa, kung mapanganib o nanggugulo ang dating asawa, baka kailangan mong maging mas mahigpit para sa kaligtasan ng inyong pamilya.
TANUNGIN ANG SARILI . . .
Paano kami magkakasundo ng dating asawa ng asawa ko?
Paano namin matutulungan ang aming mga kamag-anak at kaibigan na maiwasang saktan ang aming pamilya?