Tanong ng mga Mambabasa
Bakit May mga Hindi Nagdiriwang ng Pasko?
Sa buong daigdig, halos dalawang bilyon katao ang nagdiriwang ng Pasko tuwing Disyembre 25, samantalang mga 200 milyong iba pa ang nagdiriwang naman ng kaarawan ni Jesu-Kristo tuwing Enero 7. Pero milyun-milyon din ang nagpasiyang huwag magdiwang ng Pasko. Bakit?
Una sa lahat, ang kanilang relihiyon ay maaaring hindi bahagi ng Sangkakristiyanuhan. Baka sila ay mga Judio, Hindu, o Shinto. Para naman sa iba, ang kuwento tungkol sa Pasko ay isang alamat lang.
Pero ang nakapagtataka, marami rin sa mga naniniwala kay Jesus ang hindi nagpapasko. Bakit? Tingnan natin ang apat sa kanilang mga dahilan.
Una, hindi sila naniniwalang si Jesus ay ipinanganak noong Disyembre o kaya’y Enero. Walang espesipikong petsa na binabanggit ang Bibliya. Ang sinabi lang nito: “Mayroon ding mga pastol sa mismong lupaing iyon na naninirahan sa labas at patuloy na nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan. At bigla na lang, ang anghel ni Jehova ay tumayo sa tabi nila, at . . . sinabi ng anghel sa kanila: ‘. . . Ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.’ ”—Lucas 2:8-11.
Ipinakikita ng mga pangyayari na si Jesus ay ipinanganak noong mga unang araw ng Oktubre, nang ang mga pastol ay puwede pang manatili sa labas habang nagbabantay sa kanilang kawan. Napakalamig sa Betlehem kapag Disyembre at Enero. Kaya para hindi ginawin sa gabi, ang mga kawan ay ipinapasok sa kulungan.
Ikalawa, ang tanging okasyon na espesipikong iniutos ni Jesus na alalahanin ng kaniyang mga tagasunod ay ang kaniyang kamatayan, hindi ang kaniyang kapanganakan. (Lucas 22:19, 20) Pansinin na wala ring binabanggit ang mga Ebanghelyo nina Marcos at Juan tungkol sa kapanganakan ni Jesus.
Ang tanging okasyon na espesipikong iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na alalahanin ay ang kaniyang kamatayan, hindi ang kaniyang kapanganakan
Ikatlo, walang ebidensiya sa kasaysayan na ang sinaunang mga Kristiyano ay nagdiwang ng kapanganakan ni Kristo. Pero inalaala nila ang kaniyang kamatayan. (1 Corinto 11:23-26) Lumipas pa ang mahigit 300 taon matapos isilang si Jesus nang simulang ipagdiwang ng Sangkakristiyanuhan ang Pasko tuwing Disyembre 25. Kapansin-pansin, noong kalagitnaan ng ika-17 siglo, ipinagbawal ng isang batas ng Parlamento ang pagdiriwang ng Pasko sa Inglatera. Gayundin ang ginawa ng Massachusetts General Court sa Estados Unidos. Bakit? Sinasabi ng aklat na The Battle for Christmas: “Walang basehan sa Bibliya o sa kasaysayan para sabihing si Jesus ay ipinanganak noong Disyembre 25.” Idinagdag nito na para sa mga Puritan, “Ang Pasko ay isang paganong kapistahan lang na pinagmukhang Kristiyano.”
Ikaapat, hindi maganda ang pinagmulan ng mismong pagdiriwang. Ang Pasko ay nagmula pa sa paganong Roma, kung saan may pinaghalong mga kapistahang nagpaparangal sa diyos ng agrikultura na si Saturn at sa diyos ng araw na si Sol Invictus, o Mithra. Sumulat ang mga antropologong sina Christian Rätsch at Claudia Müller-Ebeling, mga awtor din ng aklat na Pagan Christmas: “Gaya ng maraming kaugalian at paniniwala bago ang panahong Kristiyano, ang sinaunang kapistahan ng pag-alaala sa taunang pagbabalik ng araw ay naging pagdiriwang na ngayon ng kapanganakan ni Kristo.”
Batay sa mga tinalakay, naunawaan mo ba kung bakit hindi ipinagdiriwang ng tunay na mga Kristiyano ang Pasko?