Tanong 1: May Layunin Ba ang Buhay Ko?
SI Rosalind ay lumaki sa England, at maraming bagay siyang gustong malaman. Gusto rin niyang makatulong sa mga tao. Pagka-graduate niya, pumasok siya sa isang trabahong tumutulong sa mga walang matirhan. Tumulong din siya sa mga may pisikal at mental na kapansanan. Pero sa kabila ng magandang trabaho at maalwang buhay, sinabi niya, “Ang tagal-tagal ko nang pinag-iisipan, ‘Bakit tayo naririto?’ at ‘Ano ang layunin ng buhay?’”
Bakit ito itinatanong?
Di-gaya ng mga hayop, ang mga tao ay may kakayahang mangatuwiran. May kakayahan tayong matuto mula sa ating nakaraan, magplano para sa hinaharap, at humanap ng layunin sa buhay.
Ano ang sinasabi ng ilan?
Iniisip ng marami na ang pangunahing layunin ng buhay ay ang pagiging mayaman o sikat, at sa gayon ay magiging maligaya sila.
Ano ang ipinahihiwatig niyan?
Tayo ang nagtatakda ng ating priyoridad sa buhay. Mas mahalaga ang gusto natin kaysa sa kalooban ng Diyos.
Ano ang itinuturo ng Bibliya?
Si Haring Solomon ay nagkaroon ng napakalaking kayamanan at masarap na buhay, pero nakita niyang hindi ito nakapagbibigay ng tunay na layunin sa buhay. Sinabi niya kung ano ang nagdudulot ng tunay na layunin sa buhay: “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:13) Ano ang nasasangkot sa pagtupad sa mga utos ng Diyos?
Kasama sa layunin ng Diyos para sa atin ang masiyahan tayo sa buhay. Sumulat si Solomon: “Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang kumain siya at uminom nga at magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang Eclesiastes 2:24.
pagpapagal. Ito rin ay nakita ko mismo, na ito ay mula sa kamay ng tunay na Diyos.”—Gusto rin ng Diyos na mahalin natin at alagaan ang ating pamilya. Pansinin ang simple at praktikal na tagubiling ibinigay sa bawat miyembro ng pamilya.
-
“Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan.”—Efeso 5:28.
-
“Ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”—Efeso 5:33.
-
“Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang.”—Efeso 6:1.
Kung susundin natin ang mga simulaing iyan sa Bibliya, tayo ay magiging maligaya at kontento. Pero ang pinakamahalagang magagawa natin ay ang alamin ang lahat ng puwede nating matutuhan tungkol sa Maylalang at maging malapít sa kaniya bilang ating Kaibigan. Sa katunayan, inaanyayahan tayo ng Bibliya na ‘lumapit sa Diyos.’ At nangangako ito: “Lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Kung tatanggapin mo ang paanyayang iyan, magkakaroon ng tunay na layunin ang iyong buhay.
Kumbinsido na ngayon si Rosalind, binanggit sa simula, na natagpuan na niya ang layunin ng buhay. Sa artikulong “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay,” mababasa mo kung bakit.