Maging Malapít sa Diyos
Napopoot si Jehova sa Kawalang-Katarungan
“ANG tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Ang mga salitang iyan, na isinulat mga 3,000 taon na ang nakararaan, ay tamang-tamang paglalarawan sa kalagayan ng daigdig natin sa ngayon. Ang mga tao, sinuman o tagasaan man sila, ay may tendensiyang umabuso sa kapangyarihan. Kadalasan pa, binibiktima nila ang mahihina at mga dukha. Ano kaya ang nadarama ni Jehova sa gayong kawalang-katarungan? Malalaman natin ang sagot sa Ezekiel 22:6, 7, 31.—Basahin.
Sa kaniyang Kautusan sa Israel, nilinaw ni Jehova na ang mga nasa awtoridad ay hindi kailanman dapat umabuso sa kanilang kapangyarihan. Pagpapalain lang niya ang bansa kung ang mga lider nito ay makikitungo nang may kabaitan at konsiderasyon sa mga maralita at dukha. (Deuteronomio 27:19; 28:15, 45) Pero noong panahon ni Ezekiel, ginamit ng mga pinuno sa Jerusalem at Juda ang kanilang kapangyarihan sa karumal-dumal na paraan. Paano?
Ginamit ng mga pinuno ang kanilang “bisig sa layuning magbubo ng dugo.” (Talata 6) Ang terminong “bisig” ay kumakatawan sa kapangyarihan o awtoridad. Sinabi ng isa pang salin: “Ang kapangyarihan ng bawat prinsipe ng Israel . . . ay ginagamit para magbubo ng dugo.” Paano magkakaroon ng katarungan kung ang mismong mga tagapagpatupad ng batas ay hindi sumusunod dito, anupat umaabuso sa kapangyarihan at pumapatay ng inosenteng mga tao?
Pagkatapos, tinuligsa rin ni Ezekiel hindi lang ang mga lider, kundi pati na ang mga tumulad sa kanilang pagsuway sa Kautusan ni Jehova. “Ang ama at ang ina ay hinamak nila,” ang sabi ni Ezekiel. (Talata 7) Dahil hindi nila kinilala ang posisyong ibinigay ni Jehova sa mga magulang, sinira ng bayan ang pundasyon ng bansa—ang matatag na pamilya.—Exodo 20:12.
Sinamantala ng mga tiwaling tao ang kahinaan ng iba. Tuwing sinusuway nila ang Kautusan ng Diyos, winawalang-halaga nila ang pag-ibig sa likod nito. Halimbawa, ayon sa Kautusan ng Diyos, dapat magpakita ang mga Israelita ng pantanging konsiderasyon sa mga di-Israelitang naninirahang kasama nila. (Exodo 22:21; 23:9; Levitico 19:33, 34) Pero “gumawi [ang bayan] nang may pandaraya” sa mga naninirahang dayuhan.—Talata 7.
Minaltrato rin nila ang mga walang-kalaban-laban—“ang batang lalaking walang ama at ang babaing balo.” (Talata 7) Talagang pinagmamalasakitan ni Jehova ang mga ulila o balo. Ipinangako ng Diyos na siya mismo ang magpaparusa sa mga umaapi sa mga ito.—Exodo 22:22-24.
Sa ganiyang paraan nilapastangan ng mga Israelita noong panahon ni Ezekiel ang Kautusan ng Diyos at ang pag-ibig sa likod nito. Ano kaya ang gagawin ni Jehova? “Ibubuhos ko sa kanila ang aking pagtuligsa,” ang pangako niya. (Talata 31) Tinupad niya ito nang hayaan niyang wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem at gawing bihag ang mga naninirahan dito noong 607 B.C.E.
Sa mga salita ni Ezekiel, dalawang aral ang matututuhan natin tungkol kay Jehova at sa kawalang-katarungan: Una, kinapopootan ni Jehova ang kawalang-katarungan; ikalawa, naaawa siya sa mga inosenteng biktima nito. Hindi pa rin nagbabago ang Diyos. (Malakias 3:6) Ipinangangako niyang malapit na niyang alisin ang kawalang-katarungan at ang mga nagsasagawa nito. (Kawikaan 2:21, 22) Bakit hindi mo alamin nang higit pa ang tungkol sa Diyos na “maibigin sa katarungan” at kung paano ka mapapalapít sa kaniya?—Awit 37:28.
Pagbabasa ng Bibliya para sa Agosto:
[Blurb sa pahina 27]
Nilinaw ni Jehova na ang mga nasa awtoridad ay hindi kailanman dapat umabuso sa kanilang kapangyarihan