Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Himalang Malapit Nang Mangyari

Mga Himalang Malapit Nang Mangyari

HALIMBAWANG nakaiskedyul kang operahan ng isang doktor at nalaman mong ito ang unang pagkakataon na gagawin niya ang gayong operasyon, ano ang madarama mo? Tiyak na mag-aalala ka. Pero paano naman kung malaman mong ang doktor na ito ang pinakamagaling na siruhano at napakarami nang naisagawang matagumpay na operasyong gaya ng gagawin sa iyo? Hindi ba’t lalo kang magtitiwala na matutulungan ka niya?

Ang daigdig nating ito ay may sakit at kailangang-kailangan nang “operahan.” Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, nangako ang Diyos na Jehova na ibabalik niya ang Paraiso sa lupang ito. (2 Pedro 3:13) Pero para mangyari iyon, kailangan munang lubusang alisin ang kasamaan. (Awit 37:9-11; Kawikaan 2:21, 22) Bago isauli ang Paraiso, dapat munang alisin ang lahat ng masasamang kalagayang nakikita natin sa ngayon. Isang literal na himala ang kailangan para mangyari iyon!​—Apocalipsis 21:4, 5.

Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na mangyayari ang malalaking pagbabagong iyan. Bakit? Dahil pinatutunayan ng mga himalang ginawa ng Diyos na Jehova na may kapangyarihan siyang tuparin ang kaniyang mga pangako. Paghambingin ang anim na himalang nakaulat sa Bibliya at ang mga pangako nito sa hinaharap.

Patuloy mo sanang pag-aralan ang mga pangako ng Bibliya para sa hinaharap. Habang tumitibay ang iyong pananampalataya, titibay rin ang iyong pag-asa​—ang pag-asang mabuhay sa isang panahon kung saan personal kang makikinabang sa mga himala ni Jehova.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 9, 10]

HIMALA:

PINAKAIN NI JESUS ANG LIBU-LIBO SA PAMAMAGITAN NG ILANG TINAPAY AT ISDA.​—MATEO 14:13-21; MARCOS 8:1-9; JUAN 6:1-14.

PANGAKO:

“Ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin.”​AWIT 67:6.

KAHULUGAN:

WALA NANG MAGUGUTOM KAILANMAN.

HIMALA:

IBINALIK NI JESUS ANG PANINGIN NG BULAG.​—MATEO 9:27-31; MARCOS 8:22-26.

PANGAKO:

“Madidilat ang mga mata ng mga bulag.”​ISAIAS 35:5.

KAHULUGAN:

MAKAKAKITA ANG LAHAT NG BULAG.

HIMALA:

PINAGALING NI JESUS ANG MGA MAY KAPANSANAN.​—MATEO 11:5, 6; JUAN 5:3-9.

PANGAKO:

“Aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.”​ISAIAS 35:6.

KAHULUGAN:

PAGAGALINGIN ANG LAHAT NG MAY KAPANSANAN.

HIMALA:

PINAGALING NI JESUS ANG IBA’T IBANG SAKIT.​—MARCOS 1:32-34; LUCAS 4:40.

PANGAKO:

“Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”​ISAIAS 33:24.

KAHULUGAN:

MAWAWALA NA ANG LAHAT NG SAKIT. MAGKAKAROON TAYO NG PERPEKTONG KALUSUGAN.

HIMALA:

KINONTROL NI JESUS ANG MGA ELEMENTO NG KALIKASAN.​—MATEO 8:23-27; LUCAS 8:22-25.

PANGAKO:

“Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan.”​ISAIAS 65:21, 23.

“Malalayo ka . . . sa anumang nakasisindak, sapagkat hindi ito lalapit sa iyo.”​ISAIAS 54:14.

KAHULUGAN:

MAWAWALA NA ANG LIKAS NA MGA SAKUNA.

HIMALA:

BINUHAY-MULI NI JESUS ANG MGA PATAY.​—MATEO 9:18-26; LUCAS 7:11-17.

PANGAKO:

“Lahat ng nasa mga alaalang libingan ay . . . lalabas.”​JUAN 5:28, 29.

“Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila.”​APOCALIPSIS 20:13.

KAHULUGAN:

BUBUHAYING MULI ANG MGA NAMATAY NATING MAHAL SA BUHAY.