Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kasaysayan, Hindi Alamat

Kasaysayan, Hindi Alamat

“Tinalunton ko ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan.”​—LUCAS 1:3.

BAKIT NAIIBA ANG BIBLIYA? Ang mga alamat ay kathang-isip na mga kuwento na hindi bumabanggit ng partikular na lugar, petsa, at pangalan ng mga taong totoong umiral sa kasaysayan. Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay naglalaman ng napakaraming detalye sa kasaysayan na tumitiyak sa mga mambabasa na ang “mga salita [nito] ay totoong-totoo.”​—Awit 119:160, The Psalms for Today, ni R. K. Harrison.

HALIMBAWA: Iniuulat ng Bibliya na dinala ni ‘Nabucodonosor na hari ng Babilonya si Jehoiakin na hari ng Juda sa pagkatapon sa Babilonya.’ Nang maglaon, “itinaas ni Evil-merodac na hari ng Babilonya, nang taon ng kaniyang pagiging hari, ang ulo ni Jehoiakin na hari ng Juda mula sa bahay-kulungan.” Isa pa, “may panustos na palagiang ibinibigay [kay Jehoiakin] mula sa hari, araw-araw gaya ng nararapat, sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.”​—2 Hari 24:11, 15; 25:27-30.

ANG NATUKLASAN NG MGA ARKEOLOGO: Mula sa mga guho ng sinaunang Babilonya, nakahukay ang mga arkeologo ng mga dokumentong administratibo na ginawa sa panahon ng pamamahala ni Nabucodonosor II. Nakalista roon ang rasyon sa mga bilanggo at sa iba pang umaasa sa sambahayan ng hari. Kabilang sa listahan si “Yaukin [Jehoiakin],” na “hari ng lupain ng Yahud (Juda),” at ang kaniyang sambahayan. Kumusta naman ang kahalili ni Nabucodonosor na si Evil-merodac? Ganito ang inskripsiyon sa plorerang natagpuan malapit sa lunsod ng Susa: “Palasyo ni Amil-Marduk [Evil-merodac], Hari ng Babilonya, anak ni Nabucodonosor, Hari ng Babilonya.”

ANO SA PALAGAY MO? May iba pa bang banal na aklat na ganito rin kaespesipiko at katumpak pagdating sa kasaysayan? O talagang natatangi ang Bibliya?

[Blurb sa pahina 5]

“Ang kronolohikal at heograpikong mga ulat [ng Bibliya] ay mas wasto at mas mapanghahawakan kaysa sa ibang sinaunang mga dokumento.”​—A SCIENTIFIC INVESTIGATION OF THE OLD TESTAMENT, NI ROBERT D. WILSON

[Larawan sa pahina 5]

Babilonyong dokumento na bumabanggit kay Haring Jehoiakin ng Juda

[Credit Line]

© bpk, Berlin/Vorderasiatisches Museum, SMB/Olaf M. Tessmer/Art Resource, NY