Tanong ng mga Mambabasa
Nakisali ba sa Pulitika ang mga Kristiyano Noong Unang Siglo?
▪ Bago umakyat si Jesus sa langit, binigyan niya ang kaniyang mga alagad ng malinaw na tagubilin kung paano isasagawa ang kanilang ministeryo. Pero wala siyang anumang binanggit hinggil sa pulitika. (Mateo 28:18-20) Patuloy na sinunod ng mga alagad ni Jesus ang ibinigay niyang simulain: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Marcos 12:17.
Paano iyan nakatulong sa mga tagasunod ni Jesus para makapamuhay sila sa sanlibutan pero hindi nagiging bahagi nito? Paano nila natiyak kung alin ang mga bagay na para sa Estado, o kay Cesar, at ang mga bagay na sa Diyos?
Para kay apostol Pablo, ang pakikisali sa pulitika ay hindi kaayon ng simulaing itinuro ni Jesus. “Handa si Pablo na gamitin ang kaniyang pagkamamamayang Romano para sa kaniyang mga karapatan sa paglilitis, pero hindi siya nakisangkot sa mga isyu hinggil sa polisiya ng gobyerno,” ang sabi ng aklat na Beyond Good Intentions—A Biblical View of Politics.
Anong mga panuntunan ang ibinigay ni Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano? Idinagdag ng aklat: “Ang mga liham niya sa mga mananampalataya sa mahahalagang lunsod, gaya ng Corinto, Efeso, at maging sa Roma, ay walang anumang pagbanggit hinggil sa mga awayan sa pulitika.” Binanggit din ng aklat na “iniutos [ni Pablo] ang pagpapasakop sa gobyerno, pero wala ni isa man sa kaniyang mga liham ang nagdetalye ng kahit isang polisiya na nagsasabing ang lokal na simbahan ay dapat humimok ng pakikisali sa mga institusyon ng gobyerno.”—Roma 12:18; 13:1, 5-7.
Maraming taon pagkamatay ni Pablo, patuloy na nanindigan ang mga Kristiyano sa pagiging hiwalay ng kanilang mga obligasyon sa Diyos at sa Estado. Patuloy nilang iginalang ang pulitikal na mga kapangyarihan pero iniwasan nila ang pulitikal na mga gawain. Ganito pa ang sabi ng Beyond Good Intentions: “Bagaman naniniwala silang dapat nilang igalang ang mga nasa awtoridad, hindi naniniwala ang unang mga Kristiyano na dapat silang makisali sa pulitika.”
Pero mga 300 taon pagkamatay ni Kristo, nagbago ang mga bagay-bagay. Sinabi ng teologong si Charles Villa-Vicencio: “Nang baguhin ang kayarian ng pulitika sa ilalim ni Constantino, lumilitaw na maraming Kristiyano ang nagtrabaho sa gobyerno at naglingkod sa militar at humawak ng puwesto sa pamahalaan.” (Between Christ and Caesar) Ang resulta? Sa pagtatapos ng ikaapat na siglo C.E., ang pinagsamang relihiyon at pulitikang iyon ang naging relihiyon ng Estado ng Imperyo ng Roma.
Sa ngayon, maraming relihiyon na nagsasabing sumusunod sila kay Kristo ang patuloy na humihimok sa kanilang mga miyembro na makisali sa pulitika. Gayunman, ang mga relihiyong iyon ay hindi sumusunod kay Kristo, ni tumutulad man sa halimbawa ng mga Kristiyano noong unang siglo.