Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

ANO ang napatunayan ng isang lalaking taga-Scotland na mas mahalaga kaysa sa pagiging matagumpay na negosyante? Ano ang nakatulong sa isang lalaki sa Brazil para iwan ang kaniyang imoral na buhay at tigilan ang paghithit ng crack cocaine? Paano naihinto ng isang lalaki sa Slovenia ang kaniyang pagiging manginginom? Basahin ang kanilang kuwento.

“Parang Wala Na Akong Mahihiling Pa sa Buhay Ko.”​—JOHN RICKETTS

ISINILANG: 1958

BANSANG PINAGMULAN: SCOTLAND

DATING MATAGUMPAY NA NEGOSYANTE

ANG AKING NAKARAAN: Kinagisnan ko na ang maalwang buhay. Ang tatay ko ay isang opisyal sa hukbo ng Britanya, kaya madalas kaming magpalipat-lipat ng lugar. Bukod sa Scotland, tumira din kami sa England, Germany, Kenya, Malaysia, Ireland, at Cyprus. Mula walong taóng gulang, nag-aral na ako sa mga boarding school sa Scotland. Nang maglaon, nagtapos ako sa Cambridge University.

Sa edad na 20, sinimulan ko ang walong-taóng pagnenegosyo ng langis. Nagsimula ako sa Timog Amerika, tapos sa Aprika, at pinakahuli, sa Kanlurang Australia. Sa Australia, nagtayo ako ng isang investment firm, na ibinenta ko rin nang maglaon.

Dahil sa pinagbentahan, nakapagretiro ako sa edad na 40. Mas marami na akong panahon ngayon para maglakbay. Dalawang beses kong nalibot ang Australia sakay ng motorsiklo, at nalibot ko na rin ang buong mundo. Parang wala na akong mahihiling pa sa buhay ko.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Bago pa man ako magretiro, gusto ko nang mapasalamatan ang Diyos, sa paanuman, dahil sa buhay na tinatamasa ko. Sinimulan kong magsimba sa Anglican Church, ang kinagisnan kong relihiyon. Pero wala silang gaanong itinuturo mula sa Bibliya. Pagkatapos, nakipag-aral naman ako sa mga Mormon, pero nawalan ako ng interes dahil hindi sila lubusang nananalig sa Bibliya.

Isang araw, kumatok sa pinto ko ang mga Saksi ni Jehova. Napansin ko agad na sa Bibliya nila talaga ibinabatay ang kanilang mga turo. Ang isang teksto na binasa nila sa akin ay ang 1 Timoteo 2:3, 4. Sinabi roon na kalooban ng Diyos na ang “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” Humanga ako nang idiin ng mga Saksi ang tumpak na kaalaman mula sa Bibliya, sa halip na basta kaalaman lang.

Dahil sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nagkaroon ako ng tumpak na kaalaman. Halimbawa, natutuhan kong ang Diyos at si Jesus ay hindi bahagi ng misteryosong Trinidad; sa halip, sila ay dalawang magkaibang persona. (Juan 14:28; 1 Corinto 11:3) Tuwang-tuwa ako nang matutuhan ko iyon. Nanghihinayang tuloy ako sa panahong inaksaya ko sa pagsisikap na maunawaan ang isang doktrinang hindi naman pala mauunawaan!

Nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Humanga ako sa pagiging palakaibigan nila at sa kanilang mataas na pamantayan sa moral​—para silang mga santo. Dahil sa kanilang taimtim na pag-ibig, nakumbinsi akong ito na ang tunay na relihiyon.​—Juan 13:35.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Nang mabautismuhan ako, nakilala ko ang isang kahanga-hangang babae na si Diane. Lumaki siya sa pamilya ng mga Saksi ni Jehova, at marami siyang magagandang katangian na nagustuhan ko. Nang maglaon, nagpakasal kami. Ang pagmamahal at suporta ni Diane ay talagang pagpapala mula kay Jehova.

Gustung-gusto namin ni Diane na makapaglingkod sa isang lugar na nangangailangan ng mas maraming mángangarál ng mabuting balita ng Bibliya. Noong 2010, lumipat kami sa Belize, Sentral Amerika. Doon, nangangaral kami sa mga taong umiibig sa Diyos at gusto pang matuto nang higit tungkol sa kaniya.

Naging payapa ang isip ko nang malaman ko ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Bilang buong-panahong ministro, marami na akong naturuan sa Bibliya. Nagagalak akong makitang binabago ng katotohanan sa Bibliya ang buhay ng isang tao​—gaya ng nangyari sa akin. Sa wakas, alam ko na kung paano mapasasalamatan ang Diyos sa buhay na tinatamasa ko.

“Napakababait Nila sa Akin.”​—MAURÍCIO ARAÚJO

ISINILANG: 1967

BANSANG PINAGMULAN: BRAZIL

DATING IMORAL

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa Avaré, isang maliit na nayon sa São Paulo. Karamihan sa mga naninirahan dito ay manggagawa.

Namatay si Itay noong ipinagbubuntis pa lang ako ni Inay. Noong bata pa ako, isinusuot ko ang mga damit ni Inay kapag wala siya. Parang babae rin ako kung kumilos, kaya bakla ang tingin sa akin ng mga tao. Nang maglaon, nakikipag-sex na ako sa mga kapuwa ko lalaki, kaedaran ko man o mas matanda kaysa sa akin.

Noong magbebeinte anyos na ako, naging madalas na ang paghahanap ko ng makaka-sex (lalaki man o babae) kaya pumupunta ako sa mga bar, nightclub, at sa mga simbahan pa nga. Kapag panahon ng karnabal, nagdadamit-babae ako at sumasayaw ng samba sa mga parada. Sikat na sikat ako noon.

May mga kaibigan akong bakla, prostitute, at adik. Inimpluwensiyahan ako ng ilan sa kanila na humithit ng crack cocaine, at di-nagtagal, naging adik ako. Kung minsan ay magdamag kaming nagdodroga. May mga pagkakataon namang gusto kong mapag-isa at maghapong humithit ng crack cocaine. Namayat ako nang husto kaya inakala ng mga tao na may AIDS ako.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong mga panahong iyon, may nakausap akong mga Saksi ni Jehova. Napakababait nila sa akin. Ang isa sa mga teksto sa Bibliya na binasa nila sa akin ay ang Roma 10:13: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Natutuhan kong mahalaga palang gamitin ang pangalan ni Jehova. Sa maraming pagkakataon, matapos humithit ng crack cocaine nang buong magdamag, nagbubukas ako ng bintana, tumitingala sa langit, at nananalangin kay Jehova habang umiiyak at nagmamakaawang tulungan niya ako.

Nag-alala ako kay Inay dahil nakikita niyang sinisira ko ang aking buhay, kaya nagpasiya akong tumigil sa pagdodroga. Di-nagtagal, tinanggap ko ang iniaalok ng mga Saksi na pag-aaral sa Bibliya. Tiniyak nila sa akin na makatutulong iyon para tuluyan ko nang matalikuran ang droga​—at tama nga sila!

Habang nag-aaral ako ng Bibliya, napag-isip-isip kong kailangan kong baguhin ang aking paraan ng pamumuhay. Hirap na hirap akong alisin ang homoseksuwal na mga gawain dahil naging bahagi na ito ng buhay ko. Pero nakatulong sa akin ang pag-iwas sa masasamang impluwensiya. Nilayuan ko ang dati kong mga kaibigan at hindi na rin ako nagpunta sa mga bar at nightclub.

Bagaman mahirap magbago, naaliw akong malaman na nagmamalasakit sa akin si Jehova at nauunawaan niya ang kalagayan ko. (1 Juan 3:19, 20) Noong 2002, naihinto ko na ang lahat ng aking homoseksuwal na gawain at nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Hangang-hanga si Inay sa pagbabago ko, kaya nag-aral din siya ng Bibliya. Pero nakalulungkot, naistrok siya. Gayunman, patuloy siyang naglinang ng pag-ibig kay Jehova at sa katotohanang nasa Bibliya.

Walong taon na akong naglilingkod bilang buong-panahong ministro, anupat nagtuturo ng Bibliya sa iba. Inaamin kong pinaglalabanan ko pa rin ang maling mga pagnanasa paminsan-minsan. Pero napatitibay ako dahil alam kong napasasaya ko si Jehova kapag hindi ako nagpapadala sa aking pagnanasa.

Dahil malapít ako kay Jehova at namumuhay sa paraang gusto niya, lalo akong nagkakaroon ng respeto sa aking sarili. Maligaya na ako ngayon.

“Para Daw Akong Butás na Bariles.”​—LUKA ŠUC

ISINILANG: 1975

BANSANG PINAGMULAN: SLOVENIA

DATING MANGINGINOM

ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa Ljubljana, ang kabisera ng Slovenia. Masaya ako noon hanggang sa magpakamatay si Itay noong ako ay apat na taóng gulang. Pagkatapos ng malungkot na pangyayaring iyon, kinailangan ni Inay na kumayod nang husto para buhayin kami ng kuya ko.

Sa edad na 15, tumira ako sa bahay ng lola ko. Gustung-gusto ko roon, dahil ang karamihan sa mga kaibigan ko ay kapitbahay lang namin. Mas nagkaroon din ako ng kalayaang gawin ang gusto ko kaysa noong nakatira pa ako sa bahay namin nila Inay. Noong 16 anyos ako, napabarkada ako sa mga taong laging umiinom tuwing dulo ng sanlinggo. Nagpahaba ako ng buhok, naging rebelyoso ang pananamit, at nahilig sa paninigarilyo.

Bagaman sumubok din ako ng mga droga, mas nagustuhan ko ang pag-inom. Di-nagtagal, mula sa iilang tagay, nakauubos na ako ng mahigit sa isang bote ng alak. Kayang-kaya kong itago ang pagkalasing ko. Kadalasan nang nahahalata lang na nakainom ako dahil sa hininga ko. Pero walang sinuman ang may ideyang litru-litro na ng alak, beer, o vodka ang nalaklak ko!

Madalas na ako ang umaalalay sa mga susuray-suray kong kaibigan pauwi pagkatapos ng magdamag na pagdi-disco, kahit na ang totoo, doble ang dami ng nainom ko kaysa sa nainom nila. Isang araw, narinig kong sinabi ng isa sa mga kaibigan ko na para daw akong butás na bariles​—isang mapanghamak na ekspresyon sa Slovenia para sa isang napakalakas uminom. Nasaktan ako sa sinabi niya.

Naisip ko tuloy kung ano nga ba ang ginagawa ko sa buhay ko. Pakiramdam ko’y wala akong kuwenta at wala akong nagawang maganda sa buhay ko.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong panahong iyon, napansin kong nagbago ang isang kaklase ko; naging mahinahon siya. Dahil dito, inanyayahan ko siya sa isang café. Sa pag-uusap namin, ipinaliwanag niyang nakikipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya sa akin ang ilan sa kaniyang natututuhan na noon ko lang narinig. Wala kasi akong kaalam-alam sa relihiyon. Nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi at nakipag-aral ng Bibliya.

Dahil sa pag-aaral ng Bibliya, nabuksan ang mga mata ko sa maraming katotohanan na nag-udyok sa akin para kumilos. Halimbawa, natutuhan kong nabubuhay na tayo sa tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Natutuhan ko rin na malapit nang alisin ng Diyos ang masasamang tao sa lupa, at na bibigyan niya ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso ang mabubuting tao. (Awit 37:29) Kaya gustung-gusto kong ayusin ang buhay ko para mapabilang sa mabubuting taong iyon.

Sinabi ko rin sa mga kaibigan ko ang mga katotohanan sa Bibliya na natututuhan ko. Dahil dito, marami sa kanila ang nanuya sa akin. Pero sa halip na makasamâ, nakatulong pa iyon sa akin na makitang hindi sila tunay na mga kaibigan. Naisip kong malaki ang kaugnayan ng mga kaibigan ko sa aking problema sa pag-inom. Wala na silang inaabangan kundi ang dulong sanlinggo para makapaglasing.

Iniwan ko ang dati kong mga kaibigan at nakipagkaibigan ako sa mga Saksi ni Jehova. Napatitibay nila ako nang husto​—sila ang mga taong talagang umiibig sa Diyos at nagsisikap mamuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan. Unti-unti, naihinto ko ang aking bisyo na pag-inom.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil hindi ko na kailangan ang alkohol para maging masaya. Hindi ko alam ang posibleng kinahantungan ko kung hindi ako nagbago. Kumbinsido akong napabuti ako ngayon.

Isang pribilehiyo na pitong taon na ako ngayong naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Slovenia. Dahil nakilala ko si Jehova at naglilingkod ako sa kaniya, nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ko.