Maging Malapít sa Diyos
“Payagan Mo Sana Kaming Makabalik”
Dati ka bang naglilingkod kay Jehova? Gusto mo bang maglingkod muli sa kaniya pero hindi mo tiyak kung tatanggapin ka pa niya? Pakisuyong basahin ang artikulong ito at ang susunod na artikulo. Ang mga ito ay para talaga sa iyo.
“NANALANGIN ako kay Jehova na payagan sana niya akong makabalik at patawarin niya ako dahil nasaktan ko siya.” Iyan ang sinabi ng isang babaing Kristiyano na naligaw ng landas at tumigil sa paglilingkod sa Diyos. Nauunawaan mo ba ang nadarama niya? Baka maitanong mo: ‘Ano kaya ang nadarama ng Diyos sa mga dating naglilingkod sa kaniya? Naaalaala kaya niya sila? Gusto ba niyang “makabalik” sila?’ Para masagot ang mga iyan, suriin natin ang mga pananalitang isinulat ni Jeremias. Tiyak na maaantig ang iyong puso.—Basahin ang Jeremias 31:18-20.
Ano ba ang kalagayan nang isulat ni Jeremias ang mga pananalitang iyon? Noong 740 B.C.E., ilang dekada bago ang panahon ni Jeremias, pinahintulutan ni Jehova ang mga Asiryano na gawing bihag ang sampung-tribong kaharian ng Israel. * Dinisiplina ng Diyos ang kaniyang bayan dahil sa kanilang malulubhang kasalanan, anupat paulit-ulit nilang binale-wala ang babala ng kaniyang mga propeta. (2 Hari 17:5-18) Nagsisi ba sila nang magdusa sila, mahiwalay sa kanilang Diyos, at maging tapon sa ibang lupain? Tuluyan na ba silang kinalimutan ni Jehova? Tatanggapin ba niya silang muli?
“Nagsisi Ako”
Habang bihag, nagsisi ang bayan. Nakita ni Jehova na tunay ang kanilang pagsisisi. Pansinin kung paano inilarawan ni Jehova ang saloobin at damdamin ng mga Israelita na tinukoy bilang Efraim.
“Narinig ko nga ang Efraim na naghihinagpis para sa kaniyang sarili,” ang sabi ni Jehova. (Talata 18) Narinig niya ang panaghoy ng mga Israelita sa ibinunga ng kanilang mga kasalanan. Ang pariralang “naghihinagpis para sa kaniyang sarili” ay maaaring mangahulugang “pagyugyog o pag-uga,” ayon sa isang iskolar. Ang mga Israelita ay parang isang suwail na anak na nagyuyugyog ng kaniyang ulo, o napapailing, habang iniisip ang mga pagdurusang idinulot niya sa kaniyang sarili at habang ninanais na makabalik sa dati niyang buhay. (Lucas 15:11-17) Ano ang sinabi ng bayan?
“Itinuwid mo ako . . . tulad ng isang guya na hindi pa nasasanay.” (Talata 18) Tinanggap ng bayan ang disiplina para sa kanila yamang sila ay parang isang guya na hindi pa nasasanay. Ang paghahalintulad na ito ay puwedeng mangahulugan na sila ay parang isang batang toro na hindi sana “masasaktan ng tungkod na pantaboy kung hindi ito nagrebelde laban sa pamatok,” ang sabi ng isang reperensiya.
“Panumbalikin mo ako, at ako ay kusang-loob na manunumbalik, sapagkat ikaw ay si Jehova na aking Diyos.” (Talata 18) Nagpakumbaba ang mga Israelita at nagsumamo sa Diyos. Naligaw sila ng landas, pero ngayon ay nagmamakaawa sila na tulungan niya silang makabalik sa kaniya. Ganito ang sabi ng isang salin: “Ikaw ang aming Diyos—payagan mo sana kaming makabalik.”—Contemporary English Version.
“Nagsisi ako. . . . Ako ay napahiya, at nakadama rin ako ng pagkaaba.” (Talata 19) Ang bayan ay nagsisi at umamin sa kanilang mga kasalanan. Nakadama sila ng pagkapahiya at pagkaaba, anupat mistulang dinadagukan ang kanilang dibdib.—Lucas 15:18, 19, 21.
Tunay ang pagsisisi ng mga Israelita—lungkot na lungkot sila, inamin sa Diyos ang kanilang mga kasalanan, at tinalikuran nila ang kanilang masasamang gawain. Mapalalambot kaya nila ang puso ng Diyos? Papayagan niya kaya silang makabalik?
“Tiyak na Kahahabagan Ko Siya”
Si Jehova ay may espesyal na kaugnayan sa mga Israelita. Sinabi niya: “Ako ay naging Ama ng Israel; at kung tungkol sa Efraim, siya ang aking panganay.” (Jeremias 31:9) Matatanggihan ba ng isang mapagmahal na ama ang nanunumbalik niyang anak na tunay na nagsisisi? Pansinin kung paano ipinahayag ni Jehova bilang Ama ang nadarama niya para sa kaniyang bayan.
“Ang Efraim ba ay anak na mahal sa akin, o isang batang kinagigiliwan? Sapagkat kung paanong nagsasalita ako laban sa kaniya ay gayon ko nga siya aalalahanin nang higit pa.” (Talata 20) Talagang nakaaantig ang mga pananalitang iyan! Gaya ng isang matatag pero mapagmahal na magulang, nagsalita ang Diyos “laban” sa kaniyang mga anak, anupat paulit-ulit na nagbabala tungkol sa kanilang masasamang paggawi. Nang hindi sila nakinig, hinayaan niya silang maging tapon sa ibang lupain—sa diwa, pinaalis niya sila sa kanilang “tahanan.” Pero kahit pinarusahan niya sila, hindi naman niya sila kinalimutan. Hinding-hindi niya magagawa iyan. Hindi kinalilimutan ng isang mapagmahal na ama ang kaniyang mga anak. Ano naman ang nadama ni Jehova nang makita niyang tunay na nagsisisi ang kaniyang mga anak?
“Ang aking mga bituka ay nagkakaingay dahil sa kaniya. * Tiyak na kahahabagan ko siya.” (Talata 20) Nanabik nang husto si Jehova sa kaniyang mga anak. Naantig siya sa kanilang taimtim na pagsisisi, at gustung-gusto niyang magbalik sila sa kaniya. Gaya ng ama sa talinghaga ni Jesus tungkol sa alibughang anak, si Jehova ay “nahabag” sa kaniyang mga anak, anupat nananabik na tanggapin silang muli sa kanilang pagbabalik.—Lucas 15:20.
“Pinayagan Ako ni Jehova na Makabalik!”
Mula sa mga pananalita sa Jeremias 31:18-20, naunawaan natin na napakamahabagin at napakamaawain ni Jehova. Hindi kinalilimutan ng Diyos ang mga dating naglilingkod sa kaniya. Paano kung gusto na nilang bumalik sa kaniya? “Handang magpatawad” ang Diyos. (Awit 86:5) Hindi niya itataboy ang mga lumalapit sa kaniya na tunay na nagsisisi. (Awit 51:17) Sa halip, masaya niyang tatanggapin silang muli.—Lucas 15:22-24.
Ang babaing nabanggit sa simula ay kusang-loob na bumalik kay Jehova. Nagpunta siya sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar. Noong una, kailangan niyang paglabanan ang kaniyang negatibong mga damdamin. “Pakiramdam ko’y wala akong halaga,” ang sabi niya. Pero pinatibay siya ng mga elder sa kongregasyon at tinulungang manumbalik ang kaniyang kaugnayan sa Diyos. Kaya nasabi niya, “Laking pasasalamat ko na pinayagan ako ni Jehova na makabalik!”
Kung dati kang naglilingkod kay Jehova at gusto mong manumbalik sa kaniya, bakit hindi ka magpunta sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar? Tandaan na si Jehova ay mahabagin at maawain sa mga nagsisisi at nagsusumamo sa kaniya, “Payagan mo sana kaming makabalik.”
Pagbabasa ng Bibliya para sa Abril:
[Mga talababa]
^ par. 2 Ilang daang taon bago nito, noong 997 B.C.E., ang mga Israelita ay nahati sa dalawang kaharian. Ang isa sa mga ito ay ang dalawang-tribong kaharian ng Juda sa timog. Ang isa naman ay ang sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga, na tinawag ding Efraim dahil ito ang pinakaprominenteng tribo.
^ par. 5 May kinalaman sa pagkakaingay na ito ng bituka, ganito ang paliwanag ng isang reperensiya para sa mga tagapagsalin ng Bibliya: “Para sa mga Judio, ang loob ng katawan ang sentro ng mga emosyon.”