Alam Mo Ba?
Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niyang sumama ng dalawang milya?
▪ Sa kaniyang kilaláng Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Kung ang isang may awtoridad ay pumipilit sa iyo na maglingkod ng isang milya, sumama ka sa kaniya ng dalawang milya.” (Mateo 5:41) Malamang na naiugnay ng mga tagapakinig ni Jesus ang kaniyang sinabi sa sapilitang paglilingkod na maaaring ipagawa sa mga mamamayan ng isang nasa awtoridad.
Noong unang siglo C.E., sakop ng Roma ang Israel. Kaya naman sapilitang napagtatrabaho ng mga Romano ang mga lalaki at hayop o nakukuha ang anumang bagay na iniisip nilang kailangan para mapabilis ang isang opisyal na gawain. Halimbawa, inobliga ng mga sundalong Romano si Simon ng Cirene na pasanin ang pahirapang tulos ni Jesus hanggang sa lugar na pagpapakuan kay Jesus. (Mateo 27:32) Ang gayong pamimilit ay mapaniil at ayaw na ayaw ng mga Judio.
Hindi alam kung gaano kalayo maaaring piliting magpasan ng isang bagay ang mga mamamayan. Pero malamang na hindi na nila hihigitan ang hinihiling sa kanila. Kaya nang himukin ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na sumama ng dalawang milya, sinasabi niya sa kanila na gawin nang maluwag sa loob ang ipinagagawa sa kanila ng mga nasa awtoridad.—Marcos 12:17.
Sino ang Anas na binanggit sa mga ulat ng Ebanghelyo?
▪ Sa Bibliya, si Anas (Anano) ay tinawag na “punong saserdote,” at nasa gayong katungkulan nang litisin si Jesus. (Lucas 3:2; Juan 18:13; Gawa 4:6) Sa katunayan, siya ang biyenan ni Caifas na mataas na saserdote ng Israel. Pero si Anas ay naglingkod din mismo bilang mataas na saserdote mula mga 6 o 7 C.E. hanggang mga 15 C.E., nang patalsikin siya ng Romanong prokurador na si Valerius Gratus. Gayunman, patuloy na naging makapangyarihan si Anas sa Israel. Ang lima sa kaniyang anak na lalaki at isang manugang ay naging mataas na saserdote rin.
Noong malaya pa ang bansang Israel, habambuhay na nanunungkulan ang isang mataas na saserdote. (Bilang 35:25) Pero dahil sakop ng Roma, ang panunungkulan ng mataas na saserdote sa Israel ay nakadepende sa mga Romanong gobernador at sa mga haring itinatalaga ng Roma, at puwede siyang patalsikin ng mga ito. Iniulat ng istoryador na si Flavius Josephus na inalis ni Quirinio, Romanong gobernador ng Sirya, ang isang Joazar bilang mataas na saserdote noong mga 6 o 7 C.E. at ipinalit si Anas. Lumilitaw na ang mga paganong tagapamahalang iyon ay pumipili ng bagong mataas na saserdote mula rin sa mga saserdote.
Napakaganid at napakayaman ng pamilya ni Anas. Malamang na yumaman sila dahil kontrolado nila ang bentahan ng mga produktong kailangan sa paghahain sa bakuran ng templo, gaya ng kalapati, tupa, langis, at alak. Sinabi ni Josephus na si Anano (Ananias), anak ni Anas, ay may “mga tauhan na barumbado at . . . puwersahang kumukuha ng ikapu para sa mga saserdote; at hindi sila nangingiming bugbugin ang tumatangging magbigay.”