Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

BAKIT iniwan ng isang nagtatanim ng tabako hindi lang ang kaniyang hanapbuhay kundi pati na ang kaniyang pinakamamahal na relihiyon? Bakit nagbago ang isang alkoholiko? Basahin ang kanilang kuwento.

“Tuwang-tuwa Akong Mapabilang sa Malaking Pamilyang Ito.”​—DINO ALI

ISINILANG: 1949

BANSANG PINAGMULAN: AUSTRALIA

DATING NAGTATANIM NG TABAKO

ANG AKING NAKARAAN: Noong 1939, ang aking mga magulang na mga taga-Albania ay nandayuhan sa Mareeba, isang maliit na bayan sa Queensland, Australia. Marami ring galing sa Bosnia, Gresya, Italya, at Serbia ang lumipat doon baon ang kanilang sariling mga paniniwala, kostumbre, at kultura. Ang Mareeba ay isang lugar na taniman ng tabako, kaya nagtanim na rin nito ang aking mga magulang.

Di-nagtagal, isinilang ang aking ate, ang dalawa kong kuya, at pagkatapos ay ako. Nakalulungkot, namatay si Itay dahil sa atake sa puso noong isang taóng gulang ako. Nag-asawa ulit si Inay at nagkaroon ng apat na anak na lalaki. Lumaki kaming lahat sa taniman ng tabako ng aking amain.

Tin-edyer pa lang ako nang umalis ako sa amin. Noong 23 anyos ako, nagpakasal kami ni Saime sa isang moske dahil pareho kaming Muslim. Puro Muslim ang mga kamag-anak ko. Binasa ko ang Koran at ang isang aklat tungkol sa buhay ng propetang si Muhammad. Kasabay nito, nagbasa rin ako ng isang maliit na Bibliya. Binabanggit sa Koran ang mga propetang nasa Bibliya, at nakatulong sa akin ang pagbabasa ng Bibliya para malaman kung kailan sila nabuhay.

May mga Saksi ni Jehova na dumadalaw sa amin at regular na nag-iiwan ng mga magasin at mga aklat na gustung-gusto naming basahin ni Saime. Naaalaala ko pa ang masisiglang pakikipag-usap ko sa mga Saksi tungkol sa iba’t ibang paksa sa relihiyon. Sa halip na magbigay ng sariling opinyon, lagi silang gumagamit ng Bibliya para sagutín ang mga tanong ko. Iyan ang hinangaan ko sa kanila.

Inaalok ako ng mga Saksi na makipag-aral sa kanila ng Bibliya at inaanyayahang dumalo sa kanilang mga pulong, pero lagi akong tumatanggi. Pangarap ko kasing magkaroon ng sariling taniman at mas malaking pamilya. Bagaman hindi ako nagkaroon ng sariling taniman, nagkaroon naman ako ng limang anak.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Siyam na taon mula nang makausap ko ang mga Saksi ni Jehova, hindi ko pa rin iniiwan ang aking relihiyon. Pero gustung-gusto kong tumanggap at magbasa ng mga publikasyon nila. Tuwing Linggo, binabasa namin ni Saime ang mga ito. Iningatan namin ang lahat ng magasing natanggap namin. Napakalaking tulong ng mga ito nang magsimulang subukin ng iba ang pananampalatayang sumisibol sa aking puso.

Halimbawa, isang pastor ang pumilit sa akin na tanggapin si Jesus bilang aking Tagapagligtas. Nakumbinsi na niya ang kapatid na lalaki ni Saime at ang isang kapatid ko sa ina. Di-nagtagal, kinukumbinsi na rin ako ng aking mga kakilala mula sa iba’t ibang relihiyon na sumama sa kanila. May ilang nagbigay sa akin ng literaturang naninira sa mga Saksi ni Jehova. Tinanong ko ang mga kritikong ito kung saan sa Bibliya mababasa ang mga doktrinang itinuturo nila, pero hindi sila makasagot.

Dahil dito, lalo kong sinaliksik ang Bibliya gamit ang mga magasing naipon ko mula sa mga Saksi. Sa wakas, napag-isip-isip kong panahon na para kumilos ako ayon sa aking natututuhan.

Hindi ako nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi; dumalo lang ako sa mga pulong nila. Noong una, nerbiyos na nerbiyos ako at hiyang-hiya, pero mababait ang mga nakikilala ko sa mga pulong na iyon, at gustung-gusto ko ang natututuhan ko. Desidido na ako ngayong maging Saksi ni Jehova at nagpabautismo ako noong 1981.

Hindi tumutol ang aking asawa sa desisyon ko, bagaman nag-aalala siya na baka nalinlang lamang ako. Pero dumalo pa rin siya noong bautismuhan ako. Patuloy kong ibinahagi sa kaniya ang mga katotohanang natututuhan ko. Mga isang taon pagkatapos ng aking bautismo, habang nagmamaneho ako pauwi galing sa aming bakasyon, sinabi ni Saime na gusto na rin niyang maging Saksi. Sa sobrang gulat ko, muntik ko nang makabig ang manibela! Nabautismuhan siya noong 1982.

Hindi naging madaling baguhin ang aming paraan ng pamumuhay. Kailangan ko nang itigil ang pagtatanim ng tabako dahil salungat ito sa sinasabi ng Bibliya. (2 Corinto 7:1; Santiago 2:8) Natagalan din bago kami nakakita ng magandang trabaho. Gayundin, matagal kaming hindi dinalaw ng ilan sa aming mga kamag-anak. Bilang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, sinikap pa rin naming magpakita ng pagmamahal sa kanila. Nang maglaon, hindi na nila kami iniiwasan.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Ang iba’t ibang pagsubok, gaya ng pagkamahiyain, problema sa pinansiyal, o pagsalansang ng pamilya, ay nagturo sa akin kung gaano katiyaga ang Diyos na Jehova sa pagtulong sa akin para maharap ko ang aking mga problema. Halimbawa, naglilingkod ako ngayon bilang isang elder sa kongregasyon kaya kadalasan nang kailangan kong magturo mula sa plataporma. Problema ko pa rin ito dahil nauutal ako kapag ninenerbiyos. Pero sa pamamagitan ng laging pananalangin at sa tulong ni Jehova, nagagampanan ko ang pribilehiyong ito.

Kaming mag-asawa ay lalong naging malapít sa isa’t isa, at hindi ito matutumbasan ng salapi. Bagaman nagkakamali kami habang pinalalaki namin ang aming mga anak, sinisikap naman naming ituro sa kanila ang mga katotohanan sa Bibliya na natututuhan namin. (Deuteronomio 6:6-9) Sa katunayan, naglilingkod ngayon bilang mga misyonero ang aming panganay at ang kaniyang asawa.

Natatandaan ko pa ang isang pangyayari noong bago pa lang kaming dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi. Ipinarada ko ang kotse at tinanaw ang mga nasa loob ng Kingdom Hall. Tinanong ko ang aking pamilya, “Ano ang nakikita n’yo?” Ang nasa loob ay mga taong iba’t iba ang kultura, pinagmulan, at wika​—Aboriginal, Albaniano, Australiano, at Croat​—pero masaya silang nagsasama-sama. Tuwang-tuwa akong mapabilang sa malaking pamilyang ito ng espirituwal na magkakapatid, na hindi lang dito makikita sa Australia kundi sa buong daigdig din.​—1 Pedro 5:9.

“Hindi Sumuko si Ate.”​—YELENA VLADIMIROVNA SYOMINA

ISINILANG: 1952

BANSANG PINAGMULAN: RUSSIA

DATING ALKOHOLIKO AT NAGTANGKANG MAGPAKAMATAY

ANG AKING NAKARAAN: Ipinanganak ako sa Krasnogorsk, isang maliit at tahimik na lunsod malapit sa Moscow. Ang mga magulang ko ay guro. Magaling akong estudyante at nakapag-aral ng musika. Mukhang maganda ang magiging kinabukasan ko.

Nang makapag-asawa ako, lumipat kaming mag-asawa sa isang lugar na karaniwan lang ang pagmumura, paglalasing, at paninigarilyo. Hindi ko agad naisip na magkakaroon ng masamang epekto sa akin ang lugar na iyon. Noong umpisa, pumupunta ako sa mga party para lang kumanta at tumugtog ng gitara. Pero niyayaya akong manigarilyo at uminom ng mga naroroon. Di-nagtagal, naging sugapa ako sa alkohol.

Unti-unti nitong sinira ang buhay ko hanggang sa hindi na ako halos makakain. Wala nang halaga sa akin ang buhay, kaya nagtangka akong magpakamatay. Buti na lang, hindi ako natuluyan.

Noong mga panahong iyon, regular akong dinadalaw ni Ate. Isa na siyang Saksi ni Jehova, at sinikap niyang ipaliwanag sa akin kung paano ako matutulungan ng Bibliya. Hindi ako interesado sa Bibliya kaya gumawa ako ng paraan para tigilan niya ako. Pero hindi sumuko si Ate. Napakatiyaga niya at napakamapagmahal sa akin kaya pumayag na rin akong mag-aral ng Bibliya.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nang mag-aral ako ng Bibliya, ipinasiya kong huminto na sa pag-inom. Noong panahon ding iyon, sinugod ako at binugbog ng lasing kong kapitbahay. Naospital ako. Nabalian ako ng apat na tadyang at napinsala ang retina ng isa kong mata. Pero nakatulong ang pamamalagi kong iyon sa ospital para makayanan ko ang mga sintomas ng paghinto sa pag-inom.

Sa mga panahong iyon, lagi akong nananalangin. Talagang nakaaliw sa akin ang Panaghoy 3:55, 56: “Tinawag ko ang iyong pangalan, O Jehova, mula sa isang hukay na napakalalim. Ang aking tinig ay dinggin mo. Huwag mong ikubli ang iyong pandinig sa aking ikagiginhawa, sa paghingi ko ng tulong.”

Naniniwala akong sinagot ni Jehova ang aking mga panalangin. Binigyan niya ako ng lakas para huwag nang bumalik sa dati kong buhay. May mga panahong natutukso akong uminom ulit. Natutuwa akong sabihin na hindi ako kailanman nagpadaig sa mga tuksong iyon.

Sa patuloy kong pag-aaral ng Bibliya, natutuhan kong dapat ko palang suportahan ang aking asawa sa kaniyang papel bilang ulo ng pamilya. (1 Pedro 3:1, 2) Hindi naging madali iyan para sa akin dahil nasanay akong manduhan ang aking asawa. Humingi ako ng tulong kay Jehova. At unti-unti, ako ay naging mas mabuti at matulunging asawa.

Hangang-hanga ang aking asawa sa pagbabago kong ito. Hindi pa rin siya interesado noon sa Bibliya. Pero nang magdesisyon akong tumigil sa paninigarilyo, sinabi niya: “Kung titigil ka sa paninigarilyo, mag-aaral na ako ng Bibliya!” Sabay kaming tumigil sa paninigarilyo.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Tinupad ng aking asawa ang pangako niyang mag-aaral siya ng Bibliya. Ngayon, magkasama naming binabasa ang Bibliya araw-araw, binubulay-bulay, at ikinakapit ang payo nito.

Napakalaki ng ipinagbago ko at ng aking pamilya. Nagpapasalamat ako kay Jehova at inilapit niya ako sa kaniya. (Juan 6:44) Nagpapasalamat din ako kay Ate at hindi siya sumuko. Dahil diyan, napatunayan ko mismo na talagang kayang baguhin ng Bibliya ang buhay ng mga tao.

[Blurb sa pahina 11]

Napag-isip-isip kong panahon na para kumilos ako

[Blurb sa pahina 13]

Napakatiyaga at napakamapagmahal sa akin ni Ate kaya pumayag na rin akong mag-aral ng Bibliya