Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Salita ng Diyos

Bakit May Organisasyon ang Diyos?

Bakit May Organisasyon ang Diyos?

Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.

1. Bakit inorganisa ng Diyos ang mga Israelita?

Inorganisa ng Diyos ang mga inapo ng patriyarkang si Abraham bilang isang bansa at binigyan sila ng mga kautusan. Tinawag niyang Israel ang bansa, at ginawa itong tagapag-ingat ng tunay na pagsamba at ng kaniyang Salita, ang Banal na Kasulatan. (Awit 147:19, 20) Dahil dito, nakinabang ang mga tao sa lahat ng bansa.​—Basahin ang Genesis 22:18.

Pinili ng Diyos ang mga Israelita para maging mga saksi niya. Kapag sila’y sumusunod, nakikinabang sila mula sa mga kautusan ng Diyos. (Deuteronomio 4:6) Sa pamamagitan ng pag-aaral sa kasaysayan ng mga Israelita, marami tayong matututuhan tungkol sa tunay na Diyos.​—Basahin ang Isaias 43:10, 12.

2. Bakit inoorganisa ang tunay na mga Kristiyano?

Nang maglaon, naiwala ng Israel ang pabor ng Diyos, at ipinalit ni Jehova sa bansang iyon ang kongregasyong Kristiyano. (Mateo 21:43; 23:37, 38) Dati, ang mga Israelita ang mga saksi ng Diyos. Pero ngayon, ang mga tunay na Kristiyano na ang nagsisilbing mga saksi ni Jehova.​—Basahin ang Gawa 15:14, 17.

Inorganisa ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod para magpatotoo tungkol kay Jehova at gumawa ng mga alagad sa lahat ng bansa. (Mateo 10:7, 11; 24:14; 28:19, 20) Nasa kasukdulan na ang gawaing ito. Sa kauna-unahang pagkakataon, napagkaisa ni Jehova sa tunay na pagsamba ang milyun-milyon mula sa lahat ng bansa. (Apocalipsis 7:9, 10) Inoorganisa rin ang tunay na mga Kristiyano para magpatibayan at magtulungan. Sa buong daigdig, mayroon silang iisang programa ng pagtuturo mula sa Bibliya sa kanilang mga pulong.​—Basahin ang Hebreo 10:24, 25.

3. Sa modernong panahon, paano nagsimula ang mga Saksi ni Jehova?

Ang modernong-panahong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagsimula noong dekada ng 1870. Muling natagpuan ng isang maliit na grupo ng mga estudyante ng Bibliya ang matagal nang hinahanap na mga katotohanan sa Bibliya. Alam nilang inorganisa ni Jesus ang kongregasyong Kristiyano para mangaral. Kaya pinasimulan nila ang pambuong-daigdig na pangangaral ng Kaharian. Noong 1931, ginamit nila ang pangalang mga Saksi ni Jehova.​—Basahin ang Gawa 1:8; 2:1, 4; 5:42.

4. Paano inoorganisa sa ngayon ang mga Saksi ni Jehova?

Noong unang siglo, ang mga kongregasyong Kristiyano sa maraming lupain ay nakikinabang sa isang lupong tagapamahala na binubuo ng mga apostol at elder. Kinikilala ng mga ito si Jesus bilang Ulo ng kongregasyon. (Gawa 16:4, 5) Sa ngayon, kinikilala rin ng mga Saksi ni Jehova si Jesus bilang kanilang Lider. (Mateo 23:9, 10) Nakikinabang din sila sa patnubay ng isang Lupong Tagapamahala na binubuo ng makaranasang mga tagapangasiwa na naglalaan ng pampatibay-loob at patnubay mula sa Kasulatan para sa mahigit 100,000 kongregasyon. Sa bawat kongregasyon, may kuwalipikadong mga lalaki na naglilingkod bilang mga elder, o tagapangasiwa. Ang mga lalaking ito ay maibiging nangangalaga sa kawan ng Diyos.​—Basahin ang 1 Pedro 5:2, 3.

Ang mga Saksi ni Jehova ay inoorganisa para mangaral ng mabuting balita at gumawa ng mga alagad. Upang matulungan ang mga tao sa lahat ng lugar, ang mga Saksi ay nagsasalin, nag-iimprenta, at namamahagi ng mga materyal para sa pag-aaral ng Bibliya sa mahigit 500 wika. Gaya ng mga apostol, nangangaral din sila sa bahay-bahay. (Gawa 20:20) Inaalok nila ng pag-aaral sa Bibliya ang mga taimtim na umiibig sa katotohanan. Dahil pangunahin sa bayan ni Jehova na mapaluguran ang Diyos at makatulong sa iba, sila ay isang organisasyon ng maliligayang tao.​—Basahin ang Awit 33:12; Gawa 20:35.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 19 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.