Sino si Abraham?
IILANG tao lang ang nagkaroon ng malaking impluwensiya sa iba’t ibang relihiyon sa daigdig. Si Abraham, * na pinagpipitagan ng mga Judio, Muslim, at mga Kristiyano, ay inilarawan bilang “isang napakahalagang tauhan sa Kasulatan” at “isang kahanga-hangang halimbawa ng pananampalataya.” Tinutukoy siya sa Bibliya bilang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya.”—Roma 4:11.
Bakit kaya napakalaki ng respeto ng mga tao kay Abraham? Una sa lahat, si Abraham lang ang tuwirang tinukoy sa Bibliya bilang kaibigan ng Diyos.—Isaias 41:8; Santiago 2:23.
Pero si Abraham ay isa ring ordinaryong tao gaya natin. Dinanas din niya ang marami sa mga problemang pinagdaraanan natin—at nabata naman niya ang mga iyon. Gusto mo bang malaman kung paano niya nagawa iyon? Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahanga-hangang lalaking ito.
Ang Kaniyang Pinagmulan
Si Abraham ay isinilang noong 2018 B.C.E. at lumaki sa Ur. (Genesis 11:27-31) Ang Ur ay isang malaki at mayamang lunsod. Laganap dito ang pagsamba sa idolo. Ang ama ni Abraham, si Tera, ay maaaring kabilang sa mga sumasamba sa iba’t ibang idolo. (Josue 24:2) Pero pinili ni Abraham na sumamba tangi lamang kay Jehova * at hindi sa walang-buhay na mga diyus-diyosan.
Bakit kaya iyon ang pinili ni Abraham? Nagpang-abot nang 150 taon si Abraham at ang anak ni Noe na si Sem. Kung nakasama niya ang lalaking iyon na napakalaki ng tanda sa kaniya, ano kaya ang naging epekto nito sa kaniya? Posibleng ikinuwento ni Sem kay Abraham kung paano nakaligtas ang kanilang pamilya sa pangglobong Baha. Maaaring natutuhan din ni Abraham ang kahalagahan ng pagsamba kay Jehova, ang Diyos na nagligtas kay Sem at sa kanilang pamilya noong panahon ng Delubyo.
Kay Sem man o sa iba pang paraan natutuhan ni Abraham ang tungkol sa tunay na Diyos, tumagos ito sa puso ni Abraham. Nang si Jehova na “tagasuri ng mga puso” ay magbigay-pansin kay Abraham, nakakita siya ng kabutihan sa taong ito—at tinulungan niya si Abraham na mapalago ang kabutihang iyon.—Kawikaan 17:3; 2 Cronica 16:9.
Ang Kaniyang Buhay
Naging makulay ang buhay ni Abraham. Bagaman punung-puno ng mga hamon, hindi naman ito naging walang kabuluhan. Isaalang-alang ang ilang pangyayari sa kaniyang buhay.
▪ Noong nakatira pa sa Ur si Abraham, inutusan siya ng Diyos na iwan ang kaniyang lupang tinubuan para pumunta sa lugar na ituturo Niya sa kaniya. Bagaman hindi alam nina Abraham at Sara ang lahat ng detalye—kung saan sila pupunta o kung bakit sila inutusan ng Diyos na umalis sa Ur—sumunod pa rin sila. Nang maglaon, nanirahan sina Abraham at Sara sa mga tolda sa lupain ng Canaan at patuloy na namuhay roon bilang mga dayuhan.—Gawa 7:2, 3; Hebreo 11:8, 9, 13.
▪ Sina Abraham at Sara ay walang anak, pero nangako si Jehova na gagawa siya ng isang malaking bansa mula kay Abraham. Idinagdag pa ni Jehova na lahat ng pamilya sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan ni Abraham. (Genesis 11:30; 12:1-3) Nang maglaon, inulit ni Jehova ang pangako niyang iyon. Sinabi niya kay Abraham na ang kaniyang supling ay magiging kasindami ng mga bituin sa langit.—Genesis 15:5, 6.
▪ Nang 99 na taóng gulang na si Abraham at si Sara naman ay malapit nang mag-90, pinangakuan sila ni Jehova ng isang anak na lalaki. Para sa mga tao, imposible ito. Pero di-nagtagal, napatunayan nina Abraham at Sara na walang “lubhang pambihira para kay Jehova.” (Genesis 18:14) Pagkalipas ng isang taon, sa edad na 100, si Abraham ay nagkaroon nga ng isang anak na lalaki, na pinangalanan niyang Isaac. (Genesis 17:21; 21:1-5) Ipinangako ng Diyos na sa pamamagitan ni Isaac, dakilang mga pagpapala ang tatamasahin ng sangkatauhan.
▪ Pagkaraan ng ilang taon, isang di-kapani-paniwalang bagay ang hiniling ni Jehova kay Abraham: Sinabi niya kay Abraham na ihain nito ang kaniyang minamahal na anak na si Isaac, gayong wala pa itong asawa at mga anak. * Bagaman napakasakit nito para kay Abraham, handa pa rin niyang ihandog si Isaac. Naniniwala si Abraham na kayang buhaying muli ng Diyos si Isaac, kung kailangan, para matupad ang Kaniyang pangako. (Hebreo 11:19) Noong aktuwal nang ihahandog ni Abraham ang kaniyang anak, hindi ito ipinahintulot ng Diyos. Pinuri niya si Abraham dahil sa pagiging masunurin nito. Pagkatapos, inulit ni Jehova ang kaniyang mga pangako kay Abraham.—Genesis 22:1-18.
▪ Namatay si Abraham sa edad na 175. Sinasabi ng Bibliya na siya ay “namatay sa lubos na katandaan,” anupat “matanda na at nasisiyahan.” (Genesis 25:7, 8) Kaya naranasan ni Abraham ang katuparan ng isa pang pangako ng Diyos—ang magkaroon ng mahabang buhay at mamatay nang payapa.—Genesis 15:15.
Ang Kaniyang Pamana
Si Abraham ay hindi lang basta isang sinaunang tauhan na nakilala sa relihiyon at kasaysayan. Hanggang sa ngayon, ang kaniyang buhay ay nagsisilbing isang napakagandang halimbawa na dapat nating tularan. (Hebreo 11:8-10, 17-19) Isaalang-alang natin ang apat sa magagandang katangian ni Abraham. Simulan natin sa katangian niya na pinakapamilyar sa atin—ang pananampalataya.
[Mga talababa]
^ par. 2 Noong una, kilala si Abraham bilang Abram at ang kaniyang asawa naman bilang Sarai. Nang maglaon, pinalitan ng Diyos ang pangalang Abram ng Abraham, na nangangahulugang “Ama ng Karamihan,” at ang pangalang Sarai ng Sara, na nangangahulugang “Prinsesa.” (Genesis 17:5, 15) Sa seryeng ito, tutukuyin natin sila bilang Abraham at Sara.
^ par. 6 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.
^ par. 14 Tingnan ang artikulong “Tanong ng mga Mambabasa—Bakit Hiniling ng Diyos kay Abraham na Ihandog Niya ang Kaniyang Anak?” sa pahina 23 ng isyung ito.
[Kahon sa pahina 4]
Isang Napakahalagang Tauhan sa Bibliya
Ang unang sampung kabanata ng aklat ng Genesis ay nag-uulat hinggil sa buhay ng ilang lalaking may pananampalataya gaya nina Abel, Enoc, at Noe. Pero ang kalakhang bahagi ng sumunod na 15 kabanata nito ay tumatalakay sa buhay ng iisang lalaki lang—si Abraham.
Bukod diyan, ang ilan sa pinakamahahalagang konsepto sa Bibliya ay unang binanggit may kaugnayan kay Abraham. Halimbawa, sa ulat ng buhay ni Abraham natin nabasa . . .
▪ ang unang pagtukoy sa Diyos bilang Kalasag, o Tagapagsanggalang, ng kaniyang mga lingkod.—Genesis 15:1; tingnan ang Deuteronomio 33:29; Awit 115:9; Kawikaan 30:5.
▪ ang unang pagbanggit sa pananampalataya sa Diyos.—Genesis 15:6.
▪ ang unang paglitaw ng salitang propeta.—Genesis 20:7.
▪ ang unang pagtukoy sa pag-ibig ng isang magulang.—Genesis 22:2.