Isang Lalaking Kalugud-lugod sa Puso ni Jehova
Isang Lalaking Kalugud-lugod sa Puso ni Jehova
ANO ang pumapasok sa isip mo kapag naaalaala mo ang tauhan sa Bibliya na si David? Ang kaniyang tagumpay sa higanteng Filisteo na si Goliat? Ang pagtatago niya sa ilang dahil sa pagtugis ni Haring Saul? Ang pagkakasala niya kay Bat-sheba at ang pagdurusa niya dahil dito? O baka ang kaniyang mga katha na nasa aklat ng Bibliya na Mga Awit?
Ang buhay ni David ay punung-puno ng mga pribilehiyo, tagumpay, at mga trahedya. Pero mas interesado tayo sa sinabi ni propeta Samuel tungkol kay David—siya ay magiging ‘isang lalaking kalugud-lugod sa puso ni Jehova.’—1 Samuel 13:14.
Natupad ang hula ni Samuel noong kabataan pa si David. Gusto mo rin bang mailarawan bilang isang taong kalugud-lugod sa puso ni Jehova? Kung gayon, ano ang matututuhan mo sa buhay ni David, lalo na noong kabataan pa siya, na tutulong sa iyo para maging gayunding uri ng tao? Tingnan natin.
Pamilya at Trabaho
Si Jesse, ama ni David at apo nina Ruth at Boaz, ay malamang na isang tapat na lingkod ni Jehova. Noong si David, ang kaniyang pitong kapatid na lalaki, at dalawang kapatid na babae ay mga bata pa, itinuro na sa kanila ni Jesse ang Kautusan ni Moises. Sa isa sa kaniyang mga awit, tinukoy ni David ang kaniyang sarili bilang anak ng “aliping babae” ni Jehova. (Awit 86:16) Dahil dito, sinasabi ng ilan na ang ina ni David, na hindi pinanganlan sa Bibliya, ay naging magandang impluwensiya rin sa kaniya para maging malapít siya sa Diyos. Sinabi ng isang iskolar na malamang na sa mismong mga labi ng kaniyang ina unang narinig ni David ang kamangha-manghang kuwento tungkol sa pakikitungo ng Diyos sa Kaniyang bayan, pati na ang kasaysayan nina Ruth at Boaz.
Nang unang banggitin si David sa Bibliya, siya ay isang batang pastol na nag-aalaga sa mga tupa ng kaniyang ama. Sa trabahong ito, malamang na araw at gabi siyang nag-iisa sa parang.
Ang pamilya ni David ay nakatira sa Betlehem, isang maliit na bayan sa mga buról ng Juda. Ang mabatong kabukiran sa Betlehem ay napakagandang tamnan ng mga binutil. Taniman naman ng mga prutas, olibo, at ubas ang makikita sa mga dalisdis at libis. Noong panahon ni David, malamang na ang mga talampas ay ginagawang pastulan. Nasa kabilang ibayo naman ang ilang ng Juda.
Mapanganib ang trabaho ni David. Sa mga buról na ito siya lumaban sa leon at oso na tumangay sa kaniyang tupa. * Hinabol ng matapang na kabataang ito ang mga maninila, pinatay ang mga iyon, at sinagip ang kaniyang mga tupa mula sa bibig ng mga iyon. (1 Samuel 17:34-36) Marahil sa yugtong ito ng buhay ni David nahasa ang kaniyang kakayahan sa paggamit ng panghilagpos. Malapit sa kaniyang sariling bayan ang teritoryo ng Benjamin. Ang mga asintado sa tribong iyan ay nakapagpapahilagpos ng mga bato “anupat gabuhok man ay hindi sumasala.” Ganiyan din kahusay si David.—Hukom 20:14-16; 1 Samuel 17:49.
Sinulit ang Panahon
Ang pastol ay karaniwan nang nag-iisa sa kaniyang trabaho. Pero hindi hinayaan ni David na mabagot siya. Sa halip, ginamit niya ang mga pagkakataong ito para magbulay-bulay. Malamang na ang ilan sa nilalaman ng mga awit ni David ay mula sa mga naisip niya noong kabataan pa siya. Posibleng sa mga panahon ng kaniyang pag-iisa napag-isipan ni Awit 8:3-9; 19:1-6.
David kung gaano kahamak ang tao kung ihahambing sa mga kahanga-hangang bagay sa uniberso—araw, buwan, at mga bituin, na ‘mga gawa ng mga daliri ni Jehova.’ Maaaring sa mga parang ng Betlehem niya napag-isipan ang tungkol sa mabungang lupain, mga tupa at kambing at barakong baka, mga ibon at “mga hayop sa malawak na parang.”—Tiyak na dahil sa mga naranasan ni David bilang pastol, lalo niyang nadama na mahal na mahal ni Jehova ang mga tapat sa Kaniya. Kaya umawit si David: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman. Sa mga madamong pastulan ay pinahihiga niya ako; sa tabi ng mga pahingahang-dako na natutubigang mainam ay pinapatnubayan niya ako. Bagaman lumalakad ako sa libis ng matinding karimlan, wala akong kinatatakutang masama, sapagkat ikaw ay kasama ko; ang iyong tungkod at ang iyong baston ang siyang umaaliw sa akin.”—Awit 23:1, 2, 4.
Ano ang matututuhan mo rito? Tandaan na ang isa sa mga dahilan kung bakit naging malapít si David kay Jehova anupat tinawag siya na “isang lalaking kalugud-lugod sa kaniyang puso” ay ang malalim at taimtim na pagbubulay-bulay ni David sa mga gawa ni Jehova at sa kaugnayan niya sa Diyos. Kumusta ka naman?
Matapos pagmasdan ang nilalang ng Diyos, napakikilos ka bang purihin at luwalhatiin ang Maylalang? Lumalalim ba ang pagmamahal mo kay Jehova dahil sa kaniyang mga katangian na nakikita sa pakikitungo niya sa mga tao? Siyempre pa, para makadama ng gayong pagpapahalaga kay Jehova, kailangan mong maglaan ng panahon sa pananalangin at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos at sa kaniyang mga nilalang. Sa paggawa nito, lalo mong makikilala si Jehova—at mamahalin siya. Maaari itong gawin ng mga bata at matatanda. Si David ay malapít kay Jehova mula pa noong bata siya. Paano natin nasabi iyan?
Pinahiran si David
Nang si Haring Saul ay hindi na nararapat mamuno sa bayan ng Diyos, sinabi ni Jehova kay propeta Samuel: “Hanggang kailan ka magdadalamhati para kay Saul, gayong itinakwil ko siya mula sa pamamahala bilang hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at yumaon ka. Isusugo kita kay Jesse na Betlehemita, sapagkat naglaan ako mula sa kaniyang mga anak ng isang hari para sa akin.”—1 Samuel 16:1.
Nang dumating ang propeta ng Diyos sa Betlehem, ipinatawag niya kay Jesse ang mga anak nitong lalaki. Sino kaya sa mga ito ang papahiran ni Samuel bilang hari? Nang makita niya ang matikas na panganay na si Eliab, inisip ni Samuel: ‘Tiyak na ito na.’ Pero sinabi ni Jehova kay Samuel: “Huwag kang tumingin sa kaniyang anyo at sa taas ng kaniyang tindig, sapagkat 1 Samuel 16:7, 11.
itinakwil ko siya. Sapagkat hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” Tinanggihan din ni Jehova sina Abinadab, Shamah, at ang apat na iba pa. “Sa kahuli-hulihan,” ang pagpapatuloy ng ulat, “sinabi ni Samuel kay Jesse: ‘Ito na bang lahat ang mga batang lalaki?’ Dito ay sinabi niya: ‘Ang bunso ay wala pa hanggang ngayon, at, narito! nagpapastol siya ng mga tupa.’”—Para na ring sinabi ni Jesse: ‘Imposibleng si David ang hinahanap mo.’ Dahil bunso, si David ay pinag-aalaga lang ng mga tupa. Pero siya ang pinili ng Diyos. Nakikita ni Jehova ang laman ng ating puso, at tiyak na may nakita siyang isang napakahalagang bagay sa kabataang si David. Kaya nang maipasundo na ni Jesse si David, sinabi ni Jehova kay Samuel: “‘Tumindig ka, pahiran mo siya, sapagkat siya na nga!’ Sa gayon ay kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid. At ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang kumilos kay David magmula nang araw na iyon.”—1 Samuel 16:12, 13.
Hindi binanggit kung ano ang edad ni David nang mangyari ito. Pero nang maglaon, ang panganay na si Eliab at ang kasunod niyang sina Abinadab, at Shamah ay kabilang na sa hukbo ni Saul. Malamang na ang limang natitirang lalaki ay napakabata pa para maging sundalo. Posibleng wala pa silang 20 anyos, ang edad para maging sundalo sa hukbo ng Israel. (Bilang 1:3; 1 Samuel 17:13) Tiyak na napakabata pa ni David nang piliin siya ni Jehova. Sa kabila nito, lumilitaw na mayroon na siyang malapít na kaugnayan kay Jehova dahil sa pagbubulay-bulay niya tungkol sa Diyos.
Ang mga kabataan sa ngayon ay dapat pasiglahin na ganiyan din ang gawin. Mga magulang, hinihimok ba ninyo ang inyong mga anak na bulay-bulayin ang espirituwal na mga bagay, pahalagahan ang mga nilalang ng Diyos, at pag-aralan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Maylalang? (Deuteronomio 6:4-9) Mga kabataan, ginagawa ba ninyo ito? Ang mga publikasyong salig sa Bibliya, gaya ng mga magasing Bantayan at Gumising!, * ay dinisenyo para matulungan kayong gawin ito.
Mahusay Tumugtog ng Alpa
Kung paanong may natututuhan tayo sa liriko ng mga awit ni David tungkol sa panahon ng kaniyang pagiging pastol, malamang na gayundin sa musikang isinaliw niya sa mga ito. Siyempre pa, wala na ngayon ang orihinal na mga musikang ito. Pero alam natin na ang lumikha ng mga ito ay isang napakahusay na manunugtog. Sa katunayan, mahusay siyang tumugtog ng alpa kung kaya siya ipinatawag ni Haring Saul para maglingkod sa kaniya.—1 Samuel 16:18-23. *
Saan at kailan nalinang ni David ang talentong ito? Malamang na noong nagpapastol siya ng mga tupa sa parang. At makatuwirang isipin na kahit sa murang edad, si David ay umaawit na ng taos-pusong mga papuri sa kaniyang Diyos. Hindi ba’t dahil sa kaniyang debosyon at malapít na kaugnayan sa Diyos kung kaya siya pinili at inatasan ni Jehova?
Napanatili ni David ang magandang kaugnayan niya kay Jehova hanggang sa magkaedad siya. Pero ang mga katangiang nakita sa kaniya sa buong buhay niya ay ipinahihiwatig ng pananalitang nagpapaalaala ng mga karanasan niya sa parang ng Betlehem noong kabataan pa siya. Isip-isipin ang inawit ni David kay Jehova: “Naaalaala ko ang mga araw noong sinaunang panahon; binubulay-bulay ko ang lahat ng iyong mga gawa; kusang-loob kong itinutuon ang aking pansin sa gawa ng iyong mga kamay.” (Awit 143:5) Ang kataimtiman ng awit na ito at ng iba pang maraming awit ni David ay isang inspirasyon para sa lahat ng gustong maging kalugud-lugod sa puso ni Jehova.
[Mga talababa]
^ par. 9 Ang Syrian brown bear, na dating nakikita sa Palestina, ay tumitimbang nang mga 140 kilo at nakapapatay sa pamamagitan ng mga hampas ng pangalmot nito. Maraming leon noon sa lugar na iyon. Sinasabi sa Isaias 31:4 na hindi kayang itaboy maging ng “hustong bilang ng mga pastol” ang isang “may-kilíng na batang leon” mula sa nasila nito.
^ par. 20 Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 22 Sinabi rin ng tagapaglingkod ng hari na nagrekomenda kay David na ito’y “isang matalinong tagapagsalita at isang lalaking may makisig na anyo, at si Jehova ay sumasakaniya.”—1 Samuel 16:18.