Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Tuturuan ang mga Bata Tungkol sa Diyos—Anu-anong Paraan ang Mabisa?

Kung Paano Tuturuan ang mga Bata Tungkol sa Diyos—Anu-anong Paraan ang Mabisa?

Kung Paano Tuturuan ang mga Bata Tungkol sa Diyos​—Anu-anong Paraan ang Mabisa?

“Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.”​—DEUTERONOMIO 6:6, 7.

KUNG minsan, ang mga magulang ay nabibigatan sa responsibilidad na sanayin ang kanilang mga anak. Kapag humihingi naman sila ng payo, lalo lamang silang nalilito. Kadalasan nang nag-aalok agad ng payo ang kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. Napakarami ring payo mula sa mga aklat, magasin, at Internet na nagkakasalungatan naman kung minsan.

Pero ibang-iba ang Bibliya. Bukod sa maaasahang payo kung ano ang ituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak, may praktikal na mga tagubilin din ito kung paano sila magtuturo. Gaya ng binanggit ng teksto sa itaas, ang mga magulang ay dapat humanap ng pagkakataon araw-araw para ipakipag-usap sa kanilang mga anak ang tungkol sa Diyos. May mga mungkahi mula sa Bibliya na nakatulong sa libu-libong magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak tungkol sa Diyos. Talakayin natin ang apat sa mga ito.

1. Magturo ng aral mula sa mga nilalang. Sumulat si apostol Pablo: ‘Ang di-nakikitang mga katangian ng Diyos ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.’ (Roma 1:20) Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging totoong-totoo sa mga ito ang Diyos kung itatawag-pansin nila sa mga ito ang mga nilalang ng Diyos para maunawaan ang Kaniyang mga katangian.

Ginamit ni Jesus ang paraang ito sa pagtuturo sa kaniyang mga alagad. Halimbawa, sinabi niya: “Masdan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?” (Mateo 6:26) Itinampok dito ni Jesus ang mga katangian ni Jehova na pag-ibig at pagkamahabagin. Pero hindi lang iyan. Tinulungan din niya ang kaniyang mga alagad na mangatuwiran kung paano ipinakita ng Diyos ang mga katangiang iyon sa Kaniyang mga anak.

Tinukoy naman ni Haring Solomon ang likas na karunungang ibinigay ng Diyos sa mga langgam, at ginamit niya ang maliliit na nilalang na ito para idiin ang isang mahalagang aral. “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad,” ang sabi niya, “tingnan mo ang mga lakad nito at magpakarunong ka. Bagaman wala itong kumandante, opisyal o tagapamahala, naghahanda ito ng kaniyang pagkain sa tag-araw; nagtitipon ito ng kaniyang laang pagkain sa pag-aani.” (Kawikaan 6:6-8) Isa ngang napakabisang paraan para ituro na mahalagang magkaroon ng mga plano at gamitin ang kakayahan para matupad ang mga iyon!

Matutularan ng mga magulang sina Jesus at Solomon sa paggawa ng mga sumusunod: (1) Tanungin ang mga anak kung anong mga hayop at halaman ang gusto nila. (2) Pag-aralan ang mga hayop at halamang iyon bilang isang pamilya. (3) Magturo ng mga aral tungkol sa Diyos mula sa mga iyon.

2. Tularan ang damdamin ni Jesus sa mga tinuturuan niya. Sa lahat ng tao, si Jesus ang may pinakaimportanteng mga bagay na masasabi. Pero mas madalas ay nagtatanong siya. Gustung-gusto niyang malaman ang iniisip at nadarama ng mga tinuturuan niya. (Mateo 17:24, 25; Marcos 8:27-29) Marami ring importanteng aral na maituturo ang mga magulang sa kanilang mga anak. Pero upang maging mabisa, kailangan nilang tularan si Jesus at himukin ang kanilang mga anak na sabihin ang kanilang nadarama.

Paano kaya kung may masamang ugali ang bata o kaya’y nahihirapan siyang matutuhan ang isang mahalagang aral? Tingnan natin kung paano tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga apostol. May mga pagkakataong nagtalu-talo ang mga ito at nahirapang matutuhan ang mga kapakinabangan ng pagiging mapagpakumbaba. Pero nanatiling matiyaga si Jesus at paulit-ulit niya silang tinuruan na maging mapagpakumbaba. (Marcos 9:33, 34; Lucas 9:46-48; 22:24, 25) Gaya ni Jesus, ang mga magulang ay dapat na maging matiyaga sa pagtutuwid sa mga anak at, kung kailangan, ulit-ulitin ang isang aral hanggang sa maintindihan ng mga anak ang kahalagahan nito. *

3. Magturo sa pamamagitan ng halimbawa. Makabubuti para sa mga magulang na sundin ang payo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili? Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba?”​—Roma 2:21.

Praktikal ang payong iyan dahil mas natatandaan ng mga anak ang ginagawa ng kanilang mga magulang kaysa sa sinasabi ng mga ito. Sa katunayan, kapag ginagawa ng mga magulang ang kanilang itinuturo, malamang na sundin sila ng kanilang mga anak.

4. Turuan ang bata habang maliit pa. Si Timoteo, na kasama ni apostol Pablo sa pagmimisyonero, ay may napakagandang reputasyon sa komunidad. (Gawa 16:1, 2) Ang isang dahilan ay sapagkat “mula sa pagkasanggol,” itinuro na sa kaniya ang “banal na mga kasulatan.” Hindi lang binasa ng nanay at lola ni Timoteo sa kaniya ang Kasulatan, kundi tinulungan din nila siyang mangatuwiran tungkol sa mga katotohanang nakasulat doon.​—2 Timoteo 1:5; 3:14, 15.

Kung Saan Makakakuha ng Tulong

Ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala ng maraming publikasyon na talagang dinisenyo para tulungan ang mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng katotohanan tungkol sa Diyos. Ang ilan dito ay isinulat para sa mga bata. Ang iba naman ay para tulungan ang mga magulang at ang kanilang mga anak na tin-edyer na magkaroon ng mahusay na komunikasyon. *

Siyempre pa, bago makapagturo ang mga magulang tungkol sa Diyos, kailangan muna nilang malaman ang mga sagot sa ilang mahihirap na tanong na posibleng iharap ng mga bata. Halimbawa, paano mo sasagutin ang sumusunod na mga tanong: Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa? Nasaan ang mga patay? Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang masagot ang mga iyan at ang iba pang mga tanong para ikaw at ang iyong pamilya ay maging malapít sa Diyos.​—Santiago 4:8.

[Mga talababa]

^ par. 10 Ang salitang Hebreo na isinaling “ikikintal” sa Deuteronomio 6:7 ay nangangahulugan ding uulit-ulitin ang isang punto.

^ par. 15 Para sa maliliit na anak, magagamit ng mga magulang ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro, na nagtatampok ng mga turo ni Jesu-Kristo, o Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, na nagtuturo ng mahahalagang aral mula sa Bibliya gamit ang simpleng pananalita. Para naman sa mga kabataan, magagamit ng mga magulang ang Tomo 1 at 2 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas.