Dapat Bang Matuto ang mga Bata Tungkol sa Diyos?
Dapat Bang Matuto ang mga Bata Tungkol sa Diyos?
“Sapat na ang relihiyon upang pukawin ang ating poot, ngunit hindi sapat upang udyukan tayong mag-ibigan sa isa’t isa.”—JONATHAN SWIFT, AWTOR NA INGLES.
SINABI iyan ni Swift noong ika-18 siglo, pero marami pa rin ang sasang-ayon dito. Sa katunayan, naniniwala ang ilan na hindi dapat magkaroon ng karapatan ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak tungkol sa Diyos. Para sa kanila, kawawa ang mga batang lumaki sa isang relihiyosong pamilya.
Ano sa palagay mo? Alin kaya sa mga sumusunod ang pinakamakatuwiran?
● Hindi dapat payagan ang mga magulang na magturo sa kanilang mga anak tungkol sa Diyos.
● Dapat munang hayaan ng mga magulang na lumaki ang kanilang mga anak bago nila turuan ang mga ito tungkol sa relihiyon.
● Habang bata pa ang kanilang mga anak, dapat nang ituro ng mga magulang sa mga ito ang mga paniniwala nila tungkol sa Diyos. Pero habang lumalaki sila, dapat silang sanayin na mangatuwiran tungkol sa mga paniniwalang iyon.
● Dapat sumunod ang mga anak sa paniniwala ng kanilang mga magulang tungkol sa Diyos nang walang tanung-tanong.
Nakasásamâ ba sa mga Bata ang Relihiyon?
Walang mapagmahal na magulang ang gustong magpahamak sa kaniyang anak. Pero may batayan ba ang sinasabi ng mga hindi sang-ayon sa pagtuturo sa mga bata tungkol sa Diyos? Maraming dekada nang pinag-aaralang mabuti ng mga mananaliksik ang epekto ng mga relihiyosong paniniwala ng magulang sa kanilang mga anak. Ano ang konklusyon nila?
Natuklasan ng mga mananaliksik na sa halip na makasamâ, ang relihiyon ay may positibong epekto sa isang bata. Noong 2008, isang ulat na inilathala sa Social Science Research * ang nagsabi: “Lumilitaw na ang relihiyon ay nakatutulong sa relasyon ng mga magulang at anak.” Dagdag pa nito: “Ang relihiyon at espirituwalidad ay masasabing mahalaga sa buhay ng maraming bata at sa relasyon ng pamilya.” Pansinin ang pagkakatulad nito sa sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.
Kumusta naman ang ideyang dapat munang lumaki ang mga anak bago turuan tungkol sa Diyos at relihiyon? Nababalewala ng pangmalas na iyan ang katotohanang ito: Ang isip ng bata ay parang isang timba na wala pang laman. Dalawa lang ang pagpipilian ng mga magulang; sila mismo ang magpunô sa ‘timbang’ iyon ng mga simulain sa moral at mga paniniwalang inaakala nilang tama o hayaan nilang ibang tao ang magpunô sa isip at puso ng kanilang anak.
Ano ang Sekreto?
Pinatutunayan ng kasaysayan na ang relihiyon ay posibleng maging dahilan ng pagtatangi at pagkakapootan. Kaya paano maiiwasan ng mga magulang ang sinabi ni Jonathan Swift? Paano nila matuturuan ang kanilang mga anak ng mga paniniwalang tutulong sa mga ito na mahalin ang iba?
Ang sekreto ay nasa sagot sa tatlong tanong na ito: (1) Ano ang dapat matutuhan ng mga bata? (2) Sino ang dapat magturo sa kanila? (3) Anu-anong paraan ng pagtuturo ang epektibo?
[Talababa]
^ par. 11 Ang pag-aaral na ito ay salig sa impormasyong nanggaling sa mahigit 21,000 bata sa Estados Unidos, at sa kanilang mga magulang at guro.