Tanong ng mga Mambabasa
May Pinapaboran Bang Lahi ang Diyos?
▪ Wala. Malinaw na sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Ang kaisipan ng Diyos ay talagang nakahihigit sa kaisipan ng di-perpektong mga tao. Marami ang naniniwalang may isang lahi (karaniwan nang lahi nila) na nakahihigit kaysa sa iba. Makikita sa paniniwalang ito ang kaisipan ni Charles Darwin, na sumulat: “Sa hinaharap, . . . halos lubusan nang malilipol at mapapalitan ng mga sibilisadong lahi ng tao ang mga di-sibilisadong lahi.” Nakalulungkot, marami na ang nagiging biktima ng mga taong nag-iisip na ang lahi nila ay nakahihigit sa iba.
May basehan ba tayo para isiping may isang lahi na nakahihigit sa iba? Halimbawa, napatunayan ba ng siyensiya na mas nakahihigit ang gene ng ilang lahi ng tao kaysa sa iba? Sa kabaligtaran, ganito ang sabi ng geneticist at propesor sa Oxford na si Bryan Sykes: “Hindi puwedeng gamitin ang gene para maging saligan ng anumang istriktong pag-uuri ng grupo o lahi ng mga tao. . . . Lagi akong tinatanong kung meron bang Griegong DNA o Italyanong gene, siyempre wala. . . . Napakalapit ng kaugnayan natin sa isa’t isa.”
Ang impormasyong ito ay tumutugma sa mababasa natin sa Kasulatan. Itinuturo ng Bibliya na isang lalaki at isang babae lang ang nilalang ng Diyos, at sa mga ito nagmula ang lahat ng tao. (Genesis 3:20; Gawa 17:26) Kaya para sa Diyos, iisa lang ang lahi ng tao.
Si Jehova ay hindi tumitingin sa kulay o hitsura ng tao. Ang mahalaga sa kaniya ay ang ating puso, o pagkatao. Sinabi niya: “Hinahatulan ng mga tao ang iba batay sa kanilang hitsura, ngunit hinahatulan ko ang mga tao batay sa kung ano ang nasa puso nila.” (1 Samuel 16:7, Contemporary English Version) Mapatitibay tayo ng katotohanang ito. Paano?
Anuman ang lahi natin, marami sa atin ang di-kontento sa ating hitsura, pero wala tayong gaanong magagawa para mabago ito. Gayunman, puwede naman nating baguhin ang pinakamahalagang bagay na taglay natin—ang ating puso. (Colosas 3:9-11) Ang totoo, may tendensiya tayong makadama na medyo nakahihigit tayo, o marahil ay nakabababa, sa ibang lahi. Dahil pareho itong di-kaayon ng kaisipan ng Diyos, dapat tayong magsikap na alisin ang ganitong damdamin sa ating puso.—Awit 139:23, 24.
Habang nagsisikap tayong tingnan ang ating sarili at ang iba ayon sa pangmalas ni Jehova, makaaasa tayong tutulungan niya tayo. Ipinaaalaala sa atin ng kaniyang Salita: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Totoo ito anuman ang ating lahi.