May Magandang Bukas na Naghihintay sa Atin!
May Magandang Bukas na Naghihintay sa Atin!
“Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—AWIT 37:10, 11.
GUSTO mo bang magkatotoo ang hulang nasa itaas? Siguradong oo ang sagot mo. At may matitibay namang dahilan para magtiwalang malapit na itong magkatotoo.
Tinalakay ng naunang mga artikulo ang ilan lamang sa mga hula sa Bibliya na maliwanag na nagpapakitang nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Ginabayan ng Diyos ang mga manunulat ng Bibliya na ihula ang mga pangyayaring iyon para magkaroon tayo ng pag-asa. (Roma 15:4) Ang katuparan ng mga hulang iyon ay nangangahulugang malapit nang mawala ang mga problema natin.
Ano ang susunod sa mga huling araw? Mamamahala ang Kaharian ng Diyos sa buong sangkatauhan. (Mateo 6:9, 10) Tingnan ang paglalarawan ng Bibliya sa magiging kalagayan ng daigdig sa panahong iyon:
● Mawawala na ang taggutom. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.
● Mawawala na ang sakit. “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
● Isasauli ang kagandahan ng lupa. “Ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”—Isaias 35:1.
Ilan lamang iyan sa nakapagpapasiglang hula sa Bibliya na malapit nang matupad. Hilingin sa mga Saksi ni Jehova na ipaliwanag sa iyo kung bakit talagang kumbinsido silang may magandang bukas na naghihintay sa atin.