Hula 3. Sakit
Hula 3. Sakit
“Ang mga tao ay . . . daranas ng nakapangingilabot na mga sakit.”—LUCAS 21:11, Contemporary English Version.
● Sa isang bansa sa Aprika na apektado ng gera sibil, sinikap ng public health officer na si Bonzali na gamutin ang mga minerong may sakit na Marburg * sa kanilang lugar. Humingi siya ng tulong sa mga opisyal sa mas malaking lunsod pero walang tumugon. Pagkaraan ng apat na buwan, dumating din sa wakas ang tulong pero patay na si Bonzali. Nahawahan din siya ng Marburg.
ANO ANG IPINAKIKITA NG MGA ULAT? Ang mga impeksiyon sa palahingahan (gaya ng pulmonya), sakit na nauugnay sa diarrhea, HIV/AIDS, tuberkulosis, at malarya ay kabilang sa pinakanakamamatay na mga sakit na sumasalot sa mga tao. Noong 2004, tinatayang 10.7 milyon katao ang namatay dahil sa mga sakit na ito. Sa ibang salita, humigit-kumulang isang tao ang namamatay kada tatlong segundo.
ANO ANG KARANIWANG PAGTUTOL? Patuloy na lumolobo ang populasyon ng daigdig kaya talagang mas marami ang nagkakasakit at puwedeng mahawahan.
MAKATUWIRAN BA ANG PAGTUTOL NA IYAN? Napakabilis nga ng paglobo ng populasyon ng daigdig. Pero sumulong din ang kakayahan ng tao na suriin, kontrolin, at gamutin ang mga sakit. Kaya hindi ba dapat sana’y nababawasan ang mga ito? Pero baligtad ang nangyayari.
ANO SA PALAGAY MO? Dumaranas ba ng mga nakapangingilabot na sakit ang mga tao gaya ng inihula sa Bibliya?
Ang lindol, taggutom, at sakit ay nagdudulot ng napakalaking pinsala sa milyun-milyong tao. Pero milyun-milyon pa ang nagdurusa sa kamay naman ng kanilang kapuwa—marami ay biktima ng mga taong dapat sana’y nagsasanggalang sa kanila. Tingnan natin ang inihula ng Bibliya na mangyayari.
[Talababa]
^ par. 3 Ang Marburg Hemorrhagic Fever ay dulot ng isang virus na nahahawig sa Ebola.
[Blurb sa pahina 6]
“Nakapangingilabot makain nang buháy ng isang leon, pero nakapangingilabot ding makain nang buháy ng isang sakit at makitang nangyayari ito sa iba.”—MICHAEL OSTERHOLM, ISANG EPIDEMIOLOGIST.
[Picture Credit Line sa pahina 6]
© William Daniels/Panos Pictures