Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
BAKIT iniwan ng isang kilaláng mang-aawit ang kaniyang karera upang maging buong-panahong ministro ng relihiyon? At ano ang nakatulong sa isang kriminal na maging mabuting mamamayan kahit sinabi ng isang hukom na siya’y wala nang pag-asang magbago? Para malaman ang mga sagot, basahin ang kanilang kuwento.
“Walang Sinuman ang Maaaring Magpaalipin sa Dalawang Panginoon.”—ANTOLINA ORDEN CASTILLO
ISINILANG: 1962
BANSANG PINAGMULAN: ESPANYA
DATING ARTISTA AT MANG-AAWIT SA SARSUWELA
ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa maliit na nayon ng Tresjuncos, sa rehiyon ng La Mancha. Magsasaká ang pamilya ko. Katoliko si Nanay at Protestante naman si Tatay. Tinuruan ako ni Tatay na igalang ang Bibliya; lagi kong nakikitang binabasa niya ito. Pero pinalaki ako ni Nanay bilang Katoliko at isinasama niya ako sa Misa tuwing Linggo.
Noong 15 anyos na ako, umalis ako sa amin at tumira sa Madrid kasama ng ate ko. Nangulila ako sa aking mga magulang pero nang dakong huli ay nasanay na rin ako sa buhay sa lunsod. Pagtuntong ko ng 17 anyos, nakapagtrabaho ako nang ilang buwan sa isang grupong nagtatanghal ng sarsuwela, isang tradisyonal na operang Kastila. Gustung-gusto ko ito at nagpasiya akong maging artista. Huminto ako sa aking kursong secretarial at naging mang-aawit sa iba’t ibang grupong nagtatanghal ng sarsuwela. Nang panahong iyon, nakipagrelasyon ako sa kapatid ng isa sa mga kaibigan ko. Pakiramdam ko’y napakapalad ko dahil mayroon akong magandang trabaho, pera, at boyfriend.
Naglakbay akong kasama ng iba’t ibang grupo ng sarsuwela sa buong Espanya at sa ibang mga bansa, gaya ng Colombia, Costa Rica, Ecuador, at Venezuela. Umawit din akong kasama ng iba’t ibang grupo na kabilang sa isang popular na samahan sa Madrid na kilalá bilang “La movida madrileña.” Sumikat nang husto ang isa sa mga grupo na ako ang pangunahing mang-aawit.
Gusto ko ang trabaho ko pero hindi ang imoral na pamumuhay rito. Bilang mang-aawit, wala rin akong inatupag kundi ang magpaganda at mapanatili ang aking popularidad, kaya masyado akong naging istrikto sa aking pagkain. Dahil dito nagkasakit ako ng anorexia at bulimia.
Pero ang gusto ko talaga ay mag-artista. Sa kalaunan, natanggap ako sa Madrid School of Dramatic Arts. Tinuruan kami na sa pag-arte, kailangang pag-aralang mabuti at damhin ang nadarama ng karakter at ng mismong aktor. Nang sundin ko ang payong ito, napansin kong naging manhid ako, mababaw, at makasarili.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Alam kong para magkaroon ng mabubuting katangian, kailangan kong magsikap. Pero hindi ko alam kung saan magsisimula. Nagpunta ako sa isang simbahang ebangheliko sa Madrid na dati naming pinuntahan ng mga magulang ko. Nanalangin ako sa Diyos gamit ang kaniyang pangalang Jehova.
Di-nagtagal, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa bahay ko. Nakipag-usap ako sa kanila tungkol sa Bibliya, pero marami rin akong tinutulan sa mga itinuturo nila. Ngunit napakatiyaga ni Esther, ang Saksi na regular na nagtuturo sa akin ng Bibliya. Mahal na mahal ako ng kanilang pamilya. Nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi. Di-nagtagal, natanto kong nasumpungan ko na ang katotohanang hinahanap ko.
Nang magtapos ako ng dramatic arts, nagbukas ang lahat ng uri ng oportunidad para sa aking karera. Nabigyan ako ng papel sa isang produksiyong itatanghal sa isang kilaláng teatro sa Madrid. Pero naisip ko rin na upang magtagumpay bilang artista, kailangan kong magpokus sa teatro. Sa wakas, nagpasiya akong humanap ng ibang trabaho na tutulong sa akin na lubusang makapaglingkod sa Diyos. Talagang totoo ang sinabi ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mateo 6:24) Ayaw ng boyfriend ko sa aking paniniwala, kaya naipasiya kong tapusin ang aming walong-taóng relasyon. Hindi madali ang mga pagbabagong ito.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Sa ngayon, part-time akong umaawit at nagtatanghal para pasayahin ang mga may-edad. Kaya naman mas marami akong oras sa pagtuturo ng Bibliya sa mga taong nagsasalita ng Arabe sa aming lugar. Nag-aral akong mabuti para matutuhan ang bagong wikang ito. Kapag nakakatagpo ako ng mga taong mapagpatuloy at gustong matuto tungkol sa Diyos, tuwang-tuwa akong sabihin sa kanila ang magagandang natututuhan ko.
Noong nag-aaral pa akong mag-artista, walang saysay ang buhay ko. Pero ngayon, may layunin na ito. Nadama kong tinulungan ako ni Jehova na maging mas mabuti at mas maligaya.
“Napatunayan Kong Mali ang Hukom.”—PAUL KEVIN RUBERY
ISINILANG: 1954
BANSANG PINAGMULAN: ENGLAND
DATING KRIMINAL
ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa Dudley, isang maunlad at industriyal na bayan sa West Midlands. Mula pagkabata ay tinuruan ako ni Tatay na maging palabasa. Pinasigla rin niya akong pahalagahan ang kamangha-manghang kalikasan na sinasabi niyang bunga ng ebolusyon. Itinuro niya sa akin na walang Diyos. Pero pinag-aral ako ng mga magulang ko sa isang Methodist Sunday school sa aming lugar.
Noong ako ay walong taóng gulang, nakita kong sinunog ng ilang batang lalaki sa aming lugar ang isang bangka. Dumating ang mga pulis, pero natakot akong magsumbong. Pinagbantaan kasi ako ng mga bata. Ako tuloy ang pinagbintangang gumawa ng krimen at mula noon, nagalit na ako sa mundo. Nanira ako ng mga paaralan, simbahan, at mga pabrika sa aming lugar, na nag-iwan ng pinsalang nagkakahalaga ng libu-libong dolyar. Sa edad na sampu, nanloob ako ng mga bahay at tindahan. Nanunog din ako ng maraming ari-arian. Sa paaralan, sanggano ang tingin sa akin ng mga guro.
Nang ako ay 12 anyos, may nakita akong aklat tungkol sa okultismo at gumawa ako ng sarili kong Ouija board. Dahil hindi naniniwala sa Diyos ang aking mga magulang, inisip nilang libangan lamang para sa akin ang espiritismo at mailalayo ako nito sa gulo. Pero bago pa man ako huminto sa pag-aaral, maraming beses na akong humarap sa hukumang dumirinig ng kaso ng mga kabataan. Sumali ako sa isang marahas na grupong tinatawag na skinheads. Labaha at kadena ng bisikleta ang mga sandata ko. Nakahanap ako ng trabaho pero di-nagtagal ay nakulong naman ako nang sandaling panahon. Paglaya ko, nanira na naman ako ng mga ari-arian, naaresto, at nasentensiyahan ng dalawang taóng pagkabilanggo. Sinabi ng hukom na wala na akong pag-asang magbago at salot ako sa lipunan.
Nang makalaya ako, nagkabalikan kami at nagpakasal ng dati kong girlfriend, si Anita. Noong umpisa, hindi na ako nagnanakaw o nanggugulo. Pero pagkalipas ng ilang taon, balik na naman ako sa dati. Mga lugar ng negosyo ang ninanakawan ko. Nagsimula akong magdroga, naging manginginom, at nagbitbit ng baril. Kaya naaresto na naman ako at nakulong.
Dahil sa aking istilo ng pamumuhay, na-stress nang husto si Anita. Niresetahan siya ng kaniyang doktor ng mga tranquilizer, pero sinabi nito na ang talagang kailangan niya ay diborsiyuhin ako. Mabuti naman at hindi niya sinunod ang payong iyon.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Sa simula ng aming pagsasama, sandaling nakipag-aral ng Bibliya si Anita sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos, habang nakabilanggo ako, muli siyang natagpuan ng mga Saksi. Nagkataon naman na noong araw na iyon ay nanalangin din ako sa Diyos: “Kung talagang umiiral kayo, patunayan n’yo sa akin.”
Nang mapalaya ako makalipas ang ilang buwan, pinuntahan ko ang paring Anglikano sa aming lugar at hiniling ko sa kaniya na turuan kami ni Anita ng Bibliya. Sinabi niya na mga paniniwala lamang ng simbahan at panalangin ang ituturo niya sa amin.
Sa wakas, nagbasa ako ng Bibliya. Nagulat ako nang malaman kong hindi sang-ayon ang Bibliya sa espiritismo. (Deuteronomio 18:10-12) Nang maglaon, nakita ko ang kopya ng Ang Bantayan na iniwan ng mga Saksi kay Anita noong araw na nanalangin ako sa Diyos. Dahil sa nabasa ko, hinanap ko ang mga Saksi.
Hindi natuwa ang aming mga pamilya, kaibigan, at mga kasamahan kong kriminal nang malaman nilang nakikipag-aral kami ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi ng ilan na ako ay na-brainwash. Sa totoo lang, kailangan naman talagang mabago ang takbo ng utak ko. Pangit ang aking personalidad, manhid ang budhi, at maraming bisyo. Sa katunayan, nakaka-60 sigarilyo ako sa isang araw. Napakatiyaga at napakabait ng mga Saksing nagturo sa amin ng Bibliya, maging ang mga nakakasama namin sa kongregasyon sa aming lugar. Nang maglaon, naihinto ko na ang aking mga bisyo.—2 Corinto 7:1.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Ngayon ay 35 taon na kaming kasal ni Anita. Ang isa naming anak at dalawang apo ay kasama rin naming naglilingkod kay Jehova. Sa nakalipas na mga taon, kami ni Anita ay nakagugol na ng maraming panahon sa pagtulong sa iba na matuto tungkol sa Bibliya.
Sa paglilingkod sa Diyos na Jehova, nagkaroon ng kabuluhan at tunay na layunin ang aming buhay. Noong 1970, sinabi ng hukom sa korte na wala na akong pag-asang magbago. Pero sa tulong ng Diyos at sa patnubay ng Bibliya, napatunayan kong mali ang hukom.