Turuan ang Iyong mga Anak
Nag-iisa Ka ba at Natatakot?
MARAMI sa ngayon ang nakadaramang nag-iisa sila at walang nagmamahal sa kanila. Ganiyan ang kadalasang nadarama ng mga may-edad na. Pero marami ring bata sa ngayon, kahit ang mga naglilingkod sa Diyos, ang nakadaramang nag-iisa sila at natatakot. Alam mo ba kung bakit?— *
Maraming dahilan. Tingnan natin ang karanasan ng isang lalaking nabuhay halos isang libong taon bago ipanganak si Jesus. Elias ang pangalan niya. Nabuhay siya noong panahong iniwan ng mga mamamayan ng bansang Israel ang paglilingkod sa tunay na Diyos, si Jehova. Karamihan sa kanila ay sumasamba na sa huwad na diyos na si Baal. Sinabi ni Elias: “Ako lamang ang natira.” Pero sa palagay mo, si Elias na nga lang ba ang natitirang naglilingkod kay Jehova?—
Hindi alam ni Elias na mayroon pa ring sumasamba sa tunay na Diyos sa Israel. Pero nagtagô na sila dahil sa takot. Bakit kaya?—
Ang hari ng Israel na si Ahab ay hindi naglilingkod kay Jehova; ang sinasamba niya ay si Baal, ang huwad na diyos ng asawa niyang si Jezebel. Kaya pinaghahanap nilang mag-asawa ang mga lingkod ni Jehova para patayin ang mga ito, lalo na si Elias. Dahil dito, tumakas si Elias. Naglakbay siya nang halos 480 kilometro sa disyerto papunta sa Horeb, na tinatawag ding Sinai sa Bibliya. Sa lugar na iyon, ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan ang Sampung Utos at ang iba pa niyang Kautusan daan-daang taon bago ang panahon ni Elias. Mag-
isang nagtago si Elias sa isang kuweba sa Horeb. Sa palagay mo, dapat kayang matakot si Elias?—Ayon sa Bibliya, ginamit na ni Jehova si Elias para gumawa ng malalaking himala. Minsan, sinagot ni Jehova ang panalangin ni Elias na magpadala ng apoy mula sa langit para sunugin ang isang handog. Sa gayon, pinatunayan ni Jehova na Siya ang tunay na Diyos, hindi si Baal. Ngayon, habang nasa kuweba si Elias, kinausap siya ni Jehova.
“Ano ang ginagawa mo rito?” ang tanong ni Jehova. Sinabi ni Elias, ‘Ako lamang ang natirang sumasamba sa iyo.’ Pagkatapos, may-kabaitang itinuwid ni Jehova si Elias, na sinasabi, ‘May pitong libo pang naglilingkod sa akin.’ Inutusan ni Jehova si Elias na bumalik at ipinaliwanag Niya na marami pa Siyang ipagagawa sa kaniya.
Ano kaya ang matututuhan natin sa karanasan ni Elias?— Kahit ang mga lingkod ni Jehova ay natatakot din kung minsan. Kaya lahat tayo, bata man o matanda, ay kailangang humingi ng tulong kay Jehova. Nangangako ang Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.”
May isa pang aral: Saanmang lugar, may mga kapatid tayo na nagmamahal kay Jehova at sa atin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang gayunding mga bagay sa pamamagitan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng [ating] mga kapatid sa sanlibutan.” Hindi ka ba natutuwang malaman na hindi talaga tayo nag-iisa?—
Basahin sa iyong Bibliya
^ par. 3 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.