Jesus—Bakit Kailangan Siyang Mamatay?
Jesus—Bakit Kailangan Siyang Mamatay?
“Ang Anak ng tao ay dumating . . . upang . . . ibigay ang kaniyang kaluluwa [o buhay] bilang pantubos na kapalit ng marami.”—MARCOS 10:45.
ALAM ni Jesus ang mangyayari sa kaniya. Nauunawaan niyang hindi siya mamumuhay nang payapa, kundi mamamatay agad sa edad na mahigit 30 at sa kalunus-lunos na paraan. Pero handang-handa siyang harapin ang kaniyang kamatayan.
Sa Bibliya, mahalaga ang kamatayan ni Jesus. Ayon sa isang reperensiya, ang kamatayan ni Jesus ay tuwirang binabanggit nang mga 175 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, o Bagong Tipan. Pero bakit nga ba kailangang magdusa at mamatay si Jesus? Mahalagang malaman natin ang sagot sapagkat ang kamatayan ni Jesus ay may malaking epekto sa ating buhay.
▪ Ano ang inaasahan ni Jesus? Noong huling taon ng buhay ni Jesus, ilang ulit niyang binabalaan ang kaniyang mga alagad tungkol sa pagdurusa at kamatayan na naghihintay sa kaniya. Noong papunta sila sa Jerusalem upang ipagdiwang ang kaniyang huling Paskuwa, sinabi niya sa kaniyang 12 apostol: “Ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at sa mga eskriba, at hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay siya sa mga tao ng mga bansa, at gagawin nila siyang katatawanan at duduraan siya at hahagupitin siya at papatayin siya.” * (Marcos 10:33, 34) Bakit alam na alam niya ang mangyayari sa kaniya?
Pamilyar si Jesus sa maraming hula sa Hebreong Kasulatan tungkol sa kaniyang kamatayan. (Lucas 18:31-33) Isaalang-alang ang ilang hula at kung paano natupad ang mga ito ayon sa Kasulatan.
Ang Mesiyas ay . . .
▪ Ipagkakanulo kapalit ng 30 piraso ng pilak.—ZACARIAS 11:12; MATEO 26:14-16.
▪ Sasampalin at duduraan.—ISAIAS 50:6; MATEO 26:67; 27:26, 30.
▪ Ibabayubay.—AWIT 22:16, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References; MARCOS 15:24, 25.
▪ Aalipustain habang nasa tulos.—AWIT 22:7, 8; MATEO 27:39-43.
▪ Papatayin nang walang mababaling buto.—AWIT 34:20; JUAN 19:33, 36.
Natupad kay Jesus ang mga ito at ang maraming iba pang hula. Hindi niya ito sinadyang mangyari sa kaniya. Pinatutunayan ng katuparan ng lahat ng hulang ito tungkol kay Jesus na siya nga ay isinugo ng Diyos. *
Pero bakit nga ba kailangang magdusa at mamatay si Jesus?
▪ Namatay si Jesus para lutasin ang napakahalagang mga isyu Alam ni Jesus ang napakahalagang mga isyu na ibinangon sa hardin ng Eden. Palibhasa’y naimpluwensiyahan ng mapaghimagsik na espiritung nilalang sina Adan at Eva, pinili nilang sumuway sa Diyos. Sa paggawa nito, para na rin nilang kinuwestiyon ang pagiging matuwid ng pagkasoberano, o ang paraan ng pamamahala ng Diyos. Naging isyu rin kung may sinumang tao na mananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng pagsubok.—Genesis 3:1-6; Job 2:1-5.
Si Jesus ay nagbigay ng di-mapag-aalinlanganang sagot sa isyu ng pagkasoberano ni Jehova at ng katapatan ng tao. Sa pamamagitan ng kaniyang lubusang pagsunod “hanggang sa kamatayan . . . sa pahirapang tulos,” itinaguyod ni Filipos 2:8) Pinatunayan din ni Jesus na maaaring manatiling tapat kay Jehova ang perpektong tao kahit sa ilalim ng pinakamatinding mga pagsubok.
Jesus ang pagkasoberano ng Diyos. (▪ Namatay si Jesus para tubusin ang sangkatauhan Inihula ni propeta Isaias na ang pagdurusa at kamatayan ng ipinangakong Mesiyas ay maglalaan ng pambayad-sala para sa mga kasalanan ng mga tao. (Isaias 53:5, 10) Maliwanag na naunawaan ito ni Jesus, at kusa niyang ibinigay ang “kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ang kaniyang sakripisyong kamatayan ay nagbukas ng daan upang ang di-perpektong mga tao ay magkaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova at mailigtas mula sa kasalanan at kamatayan. Ang kamatayan ni Jesus ay nagbukas ng pagkakataon upang maibalik ang naiwala nina Adan at Eva—ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa napakainam na mga kalagayan sa lupa. *—Apocalipsis 21:3, 4.
▪ Ano ang dapat mong gawin? Sa seryeng ito, nasuri natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus—kung saan siya nagmula, kung paano siya namuhay, at kung bakit kailangan siyang mamatay. Hindi lamang basta nililinaw ng mga katotohanang ito ang maling mga ideya tungkol sa kaniya. Ang pagkilos ayon dito ay maaaring magdulot ng mga pagpapala—mas mabuting buhay ngayon at walang-hanggang buhay sa hinaharap. Sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang kailangan nating gawin upang matamo ito.
▪ Matuto nang higit pa tungkol kay Jesu-Kristo at sa kaniyang papel sa layunin ni Jehova.—JUAN 17:3.
▪ Manampalataya kay Jesus at ipakita sa iyong pamumuhay na tinatanggap mo siya bilang iyong Tagapagligtas.—JUAN 3:36; GAWA 5:31.
Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang matuto nang higit pa tungkol kay Jesu-Kristo, ang “bugtong na Anak” ng Diyos. Sa pamamagitan ni Jesus, maaari tayong tumanggap ng regalong “buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
[Mga talababa]
^ par. 5 Madalas tukuyin ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang Anak ng tao.” (Mateo 8:20) Ipinakikita nito na hindi lamang siya ganap na tao kundi na siya rin ang “anak ng tao” na tinutukoy sa hula ng Bibliya.—Daniel 7:13, 14.
^ par. 13 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga hulang natupad kay Jesus, tingnan ang apendise na may paksang “Si Jesu-Kristo—Ang Ipinangakong Mesiyas” sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 17 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa halaga ng sakripisyong kamatayan ni Jesus, tingnan ang kabanata 5, “Ang Pantubos—Ang Pinakamahalagang Regalo ng Diyos,” ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?