Ang Pinakatiwaling Paglilitis sa Kasaysayan
Ang Pinakatiwaling Paglilitis sa Kasaysayan
ISA ito sa ilang kilaláng kaso noon sa hukuman. Detalyadong iniulat ng apat na Ebanghelyo sa Bibliya ang tungkol sa pag-aresto, paglilitis, at pagpatay kay Jesu-Kristo. Bakit dapat kang maging interesado rito? Una, sinabihan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na alalahanin ang kaniyang kamatayan, kaya mahalaga ring suriin ang paglilitis na humantong sa kamatayang ito. Ikalawa, dapat nating alamin kung totoo ang mga paratang kay Jesus. At ikatlo, nakasalalay ang ating buhay at kinabukasan sa sakripisyong ginawa ni Jesus sa pamamagitan ng kusang pagbibigay ng kaniyang buhay.—Lucas 22:19; Juan 6:40.
Nang litisin si Jesus, ang Palestina ay pinamamahalaan ng Roma. Pinahihintulutan ng mga Romano ang lokal na mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio na humatol sa mga Judio ayon sa sarili nilang kautusan pero lumilitaw na hindi ang pumatay ng mga kriminal. Kaya ang relihiyosong mga kaaway na Judio ni Jesus ang umaresto sa kaniya, pero ang mga Romano ang pumatay sa kaniya. Napahiya nang husto ang mga lider ng relihiyon noong panahong iyon sa pangangaral ni Jesus anupat ipinasiya *
nilang dapat siyang mamatay. Pero gusto nilang magmukhang legal ang pagpatay sa kaniya. Sa isang pagsusuri sa kanilang mga pagsisikap upang maisagawa ang layunin nila, tinawag ng isang law professor ang paglilitis na ito bilang “ang pinakamalubhang krimen sa kasaysayan ng hurisprudensiya.”Mga Iregularidad
Ang Kautusang inihatid ni Moises sa Israel ay itinuturing na “ang pinakamahusay at pinakamakatuwirang sistema ng batas na naitatag kailanman.” Pero noong panahon ni Jesus, dinagdagan ito ng mga rabbi ng napakaraming tuntunin na wala naman sa Bibliya, at ang karamihan sa mga ito nang maglaon ay isinama sa Talmud, isang relihiyosong komentaryo para sa mga Judio. (Tingnan ang kahon na “Mga Kautusang Judio Noong Unang mga Siglo,” sa pahina 20.) Nasunod ba sa paglilitis kay Jesus ang mga tuntuning ito at ang mga tuntunin sa Bibliya?
Inaresto ba si Jesus dahil sa magkatugmang testimonya ng dalawang saksi sa hukuman tungkol sa isang espesipikong krimen? Upang maging legal ang pag-aresto, dapat na gayon nga. Sa Palestina noong unang siglo, ang paratang ng isang Judio na paglabag sa batas ay isinasampa niya sa hukuman sa regular na mga sesyon nito. Hindi nagpaparatang ang hukuman, kundi nag-iimbestiga lamang ng mga akusasyong isinampa rito. Ang mga saksi lamang ang nagsisilbing tagausig sa akusado. Nagsisimula ang paglilitis kapag magkatugma ang pahayag ng di-kukulangin sa dalawang saksi. Ang kanilang testimonya ang magiging paratang, na hahantong naman sa pag-aresto. Hindi puwede ang patotoo ng isa lamang saksi. (Deuteronomio 19:15) Pero sa kaso ni Jesus, ang mga Judiong awtoridad ay naghanap lamang ng “mabisang paraan” upang iligpit siya. Inaresto siya nang bumangon ang “mabuting pagkakataon”—noong gabi at “habang walang pulutong sa paligid.”—Lucas 22:2, 5, 6, 53.
Si Jesus ay inaresto nang wala namang paratang sa kaniya. Saka lamang humanap ng mga saksi ang mga saserdote at ang Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio, nang madakip na si Jesus. (Mateo 26:59) Wala silang makitang dalawang saksi na magkatugma ang testimonya. Pero hindi trabaho ng hukuman na humanap ng mga saksi. At “ang paglitis sa isang tao, lalo na’t buhay niya ang nakataya, nang hindi patiunang sinasabi ang krimeng ipinaparatang sa kaniya ay isang kalokohan,” ang sabi ng abogado at awtor na si A. Taylor Innes.
Dinala ng mga umarestong mang-uumog si Jesus sa bahay ng dating mataas na saserdoteng si Anas, na nagsimulang magtanong sa kaniya. (Lucas 22:54; Juan 18:12, 13) Nilabag ni Anas ang tuntunin na ang mga kasong kamatayan ang parusa ay dapat litisin sa araw, hindi sa gabi. Isa pa, ang pagdinig sa kaso ay dapat na nasasaksihan ng publiko. Palibhasa’y alam ni Jesus na ilegal ang interogasyon ni Anas, sinabi niya: “Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo yaong mga nakarinig sa mga sinalita ko sa kanila. Tingnan mo! Alam ng mga ito kung ano ang sinabi ko.” (Juan 18:21) Dapat sanang ang mga saksi ang tanungin ni Anas, hindi ang akusado. Ang obserbasyon ni Jesus ay maaari sanang magpakilos sa isang tapat na hukom na sundin ang tamang proseso, pero hindi interesado si Anas sa hustisya.
Dahil sa naging tugon ni Jesus, sinampal siya ng isang opisyal—hindi lamang iyon ang binatâ niya nang gabing iyon. (Lucas 22:63; Juan 18:22) Ayon sa kautusan tungkol sa mga kanlungang lunsod na makikita sa kabanata 35 ng aklat ng Bibliya na Mga Bilang, ang akusado ay dapat ipagsanggalang laban sa pagmamaltrato hangga’t hindi siya napatutunayang may-sala. Dapat sanang binigyan ng gayong proteksiyon si Jesus.
Dinala naman ngayon si Jesus sa bahay ng mataas na saserdoteng si Caifas, kung saan nagpatuloy ang ilegal na paglilitis sa gabi. (Lucas 22:54; Juan 18:24) Doon, bilang paglabag sa lahat ng simulain ng katarungan, ang mga saserdote ay humanap ng “bulaang patotoo laban kay Jesus upang patayin siya,” pero walang dalawang saksi na magkatugma ang ulat tungkol sa sinabi ni Jesus. (Mateo 26:59; Marcos 14:56-59) Sinikap ng mataas na saserdote na maidiin si Jesus batay sa sasabihin nito. “Wala ka bang sasabihin bilang tugon?” ang tanong niya. “Ano ang pinatototohanan ng mga ito laban sa iyo?” (Marcos 14:60) Hindi tama ang taktikang ito. “Ang pagtatanong sa akusado, at paghatol batay sa kaniyang isinagot, ay [isang] paglabag sa katarungan,” ang sabi ni Innes na sinipi kanina.
Sa wakas, ang kapulungang iyon ay may nakitang maiaakusa mula sa sinabi ni Jesus. Bilang sagot sa tanong na: “Ikaw ba ang Kristo na Anak ng Isa na Pinagpala?” sinabi ni Jesus: “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng kapangyarihan at dumarating na kasama ng mga ulap sa langit.” Itinuring ng mga saserdote na ito ay pamumusong, at “silang lahat ay humatol na nararapat siyang mamatay.”—Marcos 14:61-64. *
Ayon sa Kautusang ibinigay sa mga Israelita, ang mga paglilitis ay dapat gawin sa publiko. (Deuteronomio 16:18; Ruth 4:1) Ngunit ito ay lihim na paglilitis. Walang sinuman ang nagtangka o pinahintulutang magsalita nang pabor kay Jesus. Hindi sinuri ang mga merito ng pag-aangkin ni Jesus na siya ang Mesiyas. Wala siyang pagkakataong kumuha ng mga saksi para sa kaniyang depensa. Hindi pinagbotohan ng mga hukom kung siya ay may-sala o wala.
Sa Harap ni Pilato
Dahil lumilitaw na walang awtoridad ang mga Judio na patayin si Jesus, dinala nila siya kay Poncio Pilato, ang Romanong gobernador. Ang unang tanong ni Pilato ay: “Anong akusasyon ang inihaharap ninyo laban sa taong ito?” Palibhasa’y alam nila na mababaw para kay Pilato ang paratang nilang pamumusong, sinikap ng mga Judio na kumbinsihin siyang hatulan si Jesus nang walang imbestigasyon. “Kung ang taong ito ay hindi isang manggagawa ng kamalian, hindi sana namin siya dinala sa iyo,” ang sabi nila. (Juan 18:29, 30) Hindi binili ni Pilato ang argumentong ito, kaya gumawa uli ng bagong akusasyon ang mga Judio: “Nasumpungan namin ang taong ito na iginugupo ang aming bansa at ipinagbabawal ang pagbabayad ng mga buwis kay Cesar at sinasabi na siya mismo ang Kristo na isang hari.” (Lucas 23:2) Ang paratang na pamumusong ay may-katusuhan nilang ginawang pagtataksil sa bayan.
Ang akusasyon na “ipinagbabawal ang pagbabayad ng mga buwis” ay hindi totoo, at alam ito ng mga tagapag-akusa. Kabaligtaran pa nga ang itinuro ni Jesus. (Mateo 22:15-22) Kung tungkol naman sa paratang na ginagawang hari ni Jesus ang kaniyang sarili, agad na nakita ni Pilato na ang taong nasa harap niya ay hindi banta sa Roma. “Wala akong masumpungang pagkakamali sa kaniya,” ang sabi niya. (Juan 18:38) Nanatiling ganito ang paniniwala ni Pilato sa buong paglilitis.
Sinikap ni Pilato na palayain si Jesus sa pamamagitan ng kaugalian na pagpapalaya sa isang bilanggo kapag Paskuwa. Pero nang dakong huli, ang pinalaya ni Pilato ay si Barabas, na sedisyon at pagpaslang ang kasalanan.—Lucas 23:18, 19; Juan 18:39, 40.
Sa sumunod na pagsisikap ng Romanong gobernador na palayain si Jesus, ipinahagupit niya si Jesus, pinabihisan ng purpura, nilagyan ng Lucas 23:22) Pero hindi nagkagayon.
koronang tinik, ipinabugbog, at nilibak. Muli niyang ipinahayag na walang kasalanan si Jesus. Para bang sinasabi ni Pilato: ‘Hindi pa ba ito sapat sa inyo, mga saserdote?’ Marahil, umaasa siya na kapag nakita nilang bugbog-sarado na ng mga Romano ang taong ito, makokontento na sila at hindi na maghihiganti o kaya’y maaawa sila. (“Patuloy na naghanap si Pilato ng paraan kung paano siya [si Jesus] mapalalaya. Ngunit sumigaw ang mga Judio, na sinasabi: ‘Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar. Bawat tao na ginagawang hari ang kaniyang sarili ay nagsasalita laban kay Cesar.’” (Juan 19:12) Ang Cesar nang panahong iyon ay si Tiberio, isang emperador na kilalá sa pagpapapatay sa sinumang itinuturing niyang taksil—kahit pa matataas na opisyal. Noon pa man ay inis na ang mga Judio kay Pilato, kaya ayaw na niyang lumala pa ito o maakusahan pa siya ng pagtataksil. Makikita sa pananalita ng mga pulutong na iyon ang pagbabanta—pangba-blackmail—kaya natakot si Pilato. Napadaig siya sa panggigipit at ipinapako niya ang taong walang kasalanan, si Jesus.—Juan 19:16.
Pagrerepaso sa Ebidensiya
Sinuri ng maraming komentarista tungkol sa batas ang mga ulat ng Ebanghelyo may kinalaman sa paglilitis kay Jesus. Sinabi nila na ito ay lubhang di-makatarungan. “Ang paglilitis na iyon na kung tutuusin ay hindi dapat nagsimula, nagtapos, at nagkasentensiya agad, sa pagitan ng hatinggabi at umaga, ay paglapastangan sa lahat ng anyo at tuntunin ng Hebreong batas at ng mga prinsipyo ng hustisya,” ang isinulat ng isang abogado. Sinabi naman ng isang law professor: “Napakailegal at napakaraming iregularidad ng buong proseso anupat ang resulta ay maituturing na isang pagpaslang sa katarungan.”
Walang-sala si Jesus. Pero alam niya na kailangan niyang mamatay para mailigtas ang masunuring sangkatauhan. (Mateo 20:28) Napakalaki ng pag-ibig niya sa katarungan at sa mga makasalanang gaya natin kung kaya tinanggap niya ang pinakamalubhang kawalang-katarungan sa kasaysayan. Hinding-hindi natin ito dapat kalimutan.
[Mga talababa]
^ par. 3 Ginamit ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa kamatayan ni Jesus para pumukaw ng galit laban sa mga Judio, pero ang ideyang ito ay wala sa isipan ng mga manunulat ng Ebanghelyo, na mga Judio rin naman.
^ par. 11 Ang pamumusong ay ang walang-pitagang paggamit sa pangalan ng Diyos o pag-angkin sa kapangyarihan o awtoridad ng Diyos. Walang maipakitang ebidensiya ang mga tagapag-akusa ni Jesus na ginawa niya ang mga ito.
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
Mga Kautusang Judio Noong Unang mga Siglo
Kabilang ang sumusunod na mga tuntunin sa bibigang tradisyon, na isinulat noong unang mga siglo C.E. pero pinaniniwalaang napakatanda na:
▪ Sa mga kasong kamatayan ang parusa, dinirinig muna ang mga argumento sa pagpapawalang-sala
▪ Dapat sikapin ng mga hukom na iligtas ang akusado
▪ Maaaring mangatuwiran ang mga hukom nang pabor sa akusado ngunit hindi laban sa kaniya
▪ Ang mga saksi ay binabalaan tungkol sa kaselangan ng kanilang papel
▪ Ang mga saksi ay sinusuri nang magkahiwalay, hindi sa harap ng kapuwa nila saksi
▪ Ang mga testimonya ay dapat na magkakatugma sa lahat ng mahahalagang detalye—petsa, lugar, oras ng pangyayari, at iba pa
▪ Ang mga kasong kamatayan ang parusa ay dapat litisin at tapusin sa araw, hindi sa gabi
▪ Ang mga kasong kamatayan ang parusa ay hindi puwedeng litisin sa gabi bago ang Sabbath o ang isang kapistahan
▪ Ang mga kasong kamatayan ang parusa ay maaaring simulan at tapusin sa maghapon kung ang hatol ay pabor sa akusado; kung hindi naman, ang kaso ay dapat tapusin kinabukasan, kung kailan ipahahayag at ilalapat ang hatol
▪ Ang mga kasong kamatayan ang parusa ay nililitis ng di-bababa sa 23 hukom
▪ Ang mga hukom ay isa-isang bumoboto, mula sa pinakabata, kung pawawalang-sala o parurusahan ang akusado; itinatala ng mga eskriba ang pananalita ng mga pabor sa pagpapawalang-sala at ng mga pabor sa pagpaparusa
▪ Sapat na ang lamáng na isang boto ng mayorya para mapawalang-sala ang akusado, pero kung ang hatol ay pagpaparusa, dapat na dalawang boto ang lamáng ng mayorya; kung isang boto lang ang lamáng ng mayorya, patuloy na magdaragdag ng dalawang hukom hanggang sa maabot ang kinakailangang lamáng ng boto
▪ Kung walang isa mang hukom na nagtanggol sa akusado, walang bisa ang hatol na may-sala ang akusado; kung nagkakaisa naman ang lahat ng hukom sa hatol na may-sala ang akusado, itinuturing ito na “katibayan ng pagsasabuwatan”
Ilegal na mga Hakbang Nang Litisin si Jesus
▪ Walang dininig na mga argumento o mga saksi para mapawalang-sala siya
▪ Walang hukom na nagtanggol kay Jesus; mga kaaway niya sila
▪ Ang mga saserdote ang humanap ng mga bulaang saksi upang mahatulan ng kamatayan si Jesus
▪ Ang kaso ay dininig sa gabi at nang palihim
▪ Ang paglilitis ay nagsimula at natapos sa loob ng isang araw, bago ang isang kapistahan
▪ Walang paratang bago arestuhin si Jesus
▪ Hindi sinuri ang “pamumusong” diumano ni Jesus nang angkinin niyang siya ang Mesiyas
▪ Binago ang paratang nang dalhin kay Pilato ang kaso
▪ Hindi totoo ang mga akusasyon
▪ Para kay Pilato, walang-sala si Jesus pero ipinapatay pa rin niya ito
[Kahon sa pahina 22]
Mananagot ang mga Saksi
Sa mga kasong kamatayan ang parusa, ganito ang babala ng mga hukumang Judio sa mga saksi tungkol sa kahalagahan ng buhay, bago sila magbigay ng patotoo:
“Marahil intensiyon mong magbigay ng testimonya ayon sa pala-palagay, sabi-sabi, o ayon sa sinabi ng isang saksi; o baka naiisip mo, ‘Narinig namin ito mula sa isang mapagkakatiwalaang tao.’ O, baka hindi mo alam na sa dakong huli ay isasailalim ka namin sa kinakailangang mga interogasyon at pagsusuri. Dapat na alam mong ang mga batas sa paglilitis para sa mga kaso tungkol sa ari-arian ay iba sa mga batas sa paglilitis para sa mga kasong kamatayan ang parusa. Sa kaso tungkol sa ari-arian, ang isa ay nagbabayad ng salapi bilang pambayad-sala sa kaniyang sarili. Sa mga kasong kamatayan ang parusa, ang dugo [ng akusado] at ang dugo ng lahat ng isisilang sa kaniya [na hindi dapat nahatulan] ay sisingilin sa kaniya [na nagpapatotoo nang may kabulaanan] magpakailanman.”—Babylonian Talmud, Sanhedrin, 37a.
Kapag nahatulan ang akusado, ang mga saksi ay magiging mga tagapaglapat ng parusa.—Levitico 24:14; Deuteronomio 17:6, 7.