Sino ang Nangangaral ng Mabuting Balita?
Sino ang Nangangaral ng Mabuting Balita?
“ . . . ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.”—MATEO 24:14.
ANG mabuting balita ay ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ginagawa nila ito sa iba’t ibang paraan. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng . . .
Pakikipag-usap sa Iba. Gaya ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, ang mga Saksi ni Jehova ay pumupunta sa mga tao taglay ang mabuting balita. (Lucas 8:1; 10:1) Hindi nila hinihintay na ang mga tao ang pumunta sa kanila. Ang pangangaral sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos ay ginagawa ng lahat ng Saksi na mahigit nang pitong milyon. Nangangaral sila sa bahay-bahay, sa lansangan, sa pamamagitan ng telepono, at iba pang paraan. Noong isang taon, ang mga Saksi ay gumugol ng mahigit isa’t kalahating bilyong oras sa pangangaral.
Hindi lamang tungkol sa Kaharian ng Diyos ang itinuturo nila kundi tungkol din sa “lahat ng mga bagay na iniutos” ni Jesus. (Mateo 28:20) Regular silang nagdaraos ng mahigit walong milyong libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
Ang mga Saksi ay nangangaral sa lahat ng uri ng tao sa buong daigdig—sa 236 na lupain. Nangangaral sila sa nayon at sa lunsod, sa mga kagubatan ng Amazon at Siberia, sa mga disyerto ng Aprika, at sa mga kabundukan ng Himalaya. Dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, ginagawa nila ito nang walang suweldo, anupat ginagamit ang kanilang sariling pera at panahon. Ipinaaalam din nila ang mabuting balita sa pamamagitan ng . . .
Mga Publikasyon. Ang magasing ito, na ang buong pamagat ay Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova, ay inilalathala na ngayon sa 185 wika at may sirkulasyon na mahigit 42 milyong kopya bawat isyu. Ang kasama nitong magasin na Gumising!, na naghahayag din ng Kaharian, ay inilalathala sa 83 wika at may sirkulasyon na mga 40 milyong kopya bawat isyu.
Mayroon ding mga aklat, brosyur, tract, CD/MP3, at DVD na nagpapaliwanag ng mga turo ng Bibliya sa mga 540 wika. Ang mga Saksi ay nakagawa at nakapamahagi na ng mahigit 20 bilyon ng mga ito—mga tatlo sa bawat tao sa lupa—sa nakalipas lamang na sampung taon!
Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-imprenta at nagpaimprenta rin ng iba’t ibang salin ng Bibliya. Ang kabuuan o mga bahagi ng New World Translation of the Holy Scriptures ay isinalin, inimprenta, at ipinamahagi nila sa 96 na wika. Mahigit 166 na milyong kopya ang naipamahagi na. Ibinabahagi rin ng mga Saksi ang mabuting balita ng Kaharian . . .
Sa mga Kristiyanong Pagpupulong. Ang lingguhang mga pagpupulong na ginaganap sa mga Kingdom Hall sa inyong lugar ay hindi lamang mga relihiyosong serbisyo o misa; ang mga ito ay dinisenyo para magbigay-kaalaman. May mga pahayag tungkol sa mga paksang may kaugnayan sa Bibliya, at ang Bibliya ay
pinag-aaralan sa tulong ng magasing Ang Bantayan at ng iba pang publikasyon. Sa mga pagpupulong, ang mga Saksi ay natututo rin na maging mas mabisang mga tagapaghayag ng mabuting balita.Pare-pareho ang pinag-aaralan ng mga Saksi sa mahigit 107,000 kongregasyon sa buong daigdig. Nakatutulong ito para magkaisa sila. Ang mga pagpupulong na ito ay para sa lahat at walang ginagawang pangongolekta ng pera. Sabihin pa, ang lahat ng ito ay walang kabuluhan kung hindi isasagawa ng mga Saksi ang kanilang ipinangangaral. Kaya, sinisikap nilang irekomenda ang mabuting balita . . .
Sa Pamamagitan ng Kanilang Halimbawa. Sinisikap nilang maging huwarang Kristiyano sa kanilang paggawi. Ginagawa nila ang kanilang buong makakaya upang pakitunguhan ang iba sa paraang gusto nilang pakitunguhan sila ng iba. (Mateo 7:12) Bagaman hindi sila perpekto at kung minsan ay nagkukulang, sinisikap nilang magpakita ng pag-ibig sa lahat ng tao hindi lamang sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila ng mabuting balita kundi sa pamamagitan din ng pagtulong sa kanila kung posible.
Hindi sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na baguhin ang daigdig sa pamamagitan ng kanilang pangangaral. Sa halip, kapag ang gawaing iyon ay naisagawa na ayon sa nais ni Jehova, darating ang wakas, gaya ng inihula ni Jesus. Ano ang ibig sabihin niyan para sa lupa at sa mga tao?
[Larawan sa pahina 7]
Ang mabuting balita ay ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig