Liham Mula sa Mexico
“Mahal ba Kami ni Jehova Kahit na mga Indian Kami?”
PAMINSAN-MINSAN, bumababa ng bundok si Melesio, isang lalaking nagsasalita ng wikang O’dam, para maghanap ng trabaho sa lunsod. Dumadalo siya sa mga Kristiyanong pagpupulong at nag-uuwi ng mga literatura sa Bibliya para ibahagi sa kaniyang mga kababayan. Nakiusap siya na sana’y may dumalaw at magturo sa kanila ng Bibliya.
Ang O’dam ay isang grupong etniko na nakatira sa liblib na lugar sa Sierra Madre sa hilaga ng sentral Mexico, mga 240 kilometro mula sa pinakamalapit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ipinasiya ng ilan sa amin na dalawin sila.
Nang makakuha kami ng pickup, mga tolda, bag na tulugan, sapat na pagkain, at gasolina para sa tatlong araw, umalis kami ng 4:00 n.u. sa lunsod ng Durango. Naglakbay kami nang walong oras hanggang sa dulo ng maalikabok na daan paakyat ng bundok. Ito ang pasukán sa rehiyon ng O’dam. Nasa unahan namin ang isang malalim na bangin at isa pang bundok.
Iniwan namin ang pickup sa isang ranchito [liblib na nayon], at naglakad kami nang tatlong oras dala ang aming kagamitan pababa ng bangin. Doon kami nagkampo at nagtipon ng sapat na kahoy para magsigâ upang itaboy ang mababangis na hayop. Nagsalit-salitan kami sa pagtulog nang tatlong oras upang patuloy na gatungan ang sigâ.
Maaga kinabukasan, umakyat na kami ng bundok. Maraming landas, at ilang beses kaming naligaw. Ang isa sa aming grupo ay nakapagsasalita ng kaunting O’dam, kaya ibinabahagi namin ang isang maikling mensahe ng Bibliya sa mga taong nakatira sa kahabaan ng daan. Nagtaka kami nang sabihin nilang may mga Saksi ni Jehova sa Los Arenales na pupuntahan namin, at nagdaraos sila ng mga pagpupulong doon tungkol sa Bibliya. Nakakagulat na balita ito pero nakapagpapatibay.
Dumating kami sa Los Arenales na may paltos na mga paa. Ang mga bahay roon ay yari sa adobe at karton ang bubungan—walang paaralan, walang kuryente. Palibhasa’y malayo sa kabihasnan, napakahirap ng buhay ng mga tagaroon. Halos tortilyang mais lamang ang kinakain nila.
Tuwang-tuwa si Melesio, isang payat na binata, nang makita niya kami. Inanyayahan niya kami sa kaniyang simpleng bahay at sinabi sa amin na araw-araw siyang nananalangin kay Jehova na magpadala ng Kaniyang mga Saksi para turuan ng Bibliya ang kaniyang pamilya at mga kababayan. Hindi niya kasi kayang sagutin ang lahat ng tanong nila.Ang mga O’dam ay nagsasagawa ng shamanismo. Gumagamit sila ng mga balahibo at buto ng agila bilang anting-anting, sumasamba sila sa mga puwersa ng kalikasan, at kinatatakutan nila ang mga shaman, na nagsasamantala naman sa kanila. Ipinaliwanag ni Melesio na noong pumupunta siya sa lunsod, nalaman niyang si Jehova ang tunay na Diyos. Kaya sinira niya ang lahat ng kaniyang diyus-diyusan. Inaasahan ng mga kababayan niya na parurusahan siya ng kamatayan ng kanilang mga diyos. Nang walang nangyari, napag-isip-isip nila na si Jehova ay mas makapangyarihan kaysa sa kanilang mga diyos. Kaya dumalo sila sa pag-aaral sa Bibliya na idinaraos ni Melesio sa kaniyang pamilya gamit ang ating mga literatura.
“Sinabi ko sa kanila na kailangan muna nilang sunugin ang lahat ng kanilang anting-anting at diyus-diyusan,” ang sabi ni Melesio. Napagtagumpayan ng marami ang pagkatakot na dulot ng mga pamahiin, at ang bilang ng mga dumadalo ay umabot nang mahigit 80. Namangha kami nang marinig namin ito, kaya nagpasiya kaming magdaos ng isang pulong nang hapong iyon. Sa tulong ng mga mensaherong sakay ng kabayo, ipinasabi namin ito sa mga regular na dumadalo sa bahay ni Melesio. Bagaman kalagitnaan ito ng sanlinggo at kaunting panahon lamang ang abiso, 25 ang dumating. Ang ilan sa kanila ay naglakad at ang iba naman ay sumakay ng buriko.
Sinagot namin ang mga tanong ng mga tao tungkol sa Bibliya at si Melesio ang nagsalin nito sa kanilang wika. Nagtanong sila: “Mahal ba kami ni Jehova kahit na mga Indian kami?” “Naririnig ba niya ang mga panalangin sa wikang O’dam?” “Kapag dumating ang Armagedon, ililigtas ba kami ni Jehova kahit na napakalayo namin sa kabihasnan?” Gamit ang Bibliya, tiniyak namin sa mapagpakumbabang mga taong ito na si Jehova ay nagmamalasakit sa maaamo, anuman ang wika nila o gaano man sila kalayo. Nakiusap sila sa amin na magpadala ng magtuturo sa kanila ng higit pa.
Pagkatapos ng pulong, pinagsaluhan namin ng aming bagong mga kaibigan ang baon namin. Gabi na, at napakalamig doon. Kaya laking pasasalamat namin nang alukin nila kaming matulog sa isang ginagawang silid. Kinabukasan, sinamahan nila kami sa isang shortcut pabalik sa aming pickup, at naglakbay kami pauwi ng Durango na pagód pero masaya.
Isa ngang karangalang makilala ang taimtim na mga taong ito, na walang literatura sa Bibliya sa kanilang wika pero gustong matuto tungkol sa tunay na Diyos at sumamba sa kaniya! Mula noong dumalaw kami, anim na Saksi na ang nakapunta roon at nanatili sa loob ng tatlong linggo. Tinulungan nila ang mga 45 taimtim na tao na matuto tungkol kay Jehova. Silang lahat ay regular na dumadalo sa mga pagpupulong.
Kapansin-pansin din, hindi na nagtitinda ng sigarilyo ang nag-iisang tindahan sa Los Arenales. Bakit? Napakaraming tao ang nag-aaral ng Bibliya at huminto na sa paninigarilyo. Ginawa ring legal ng marami ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa.
[Larawan sa pahina 24]
Si Melesio at ang kaniyang asawa, apat na anak, at biyenan
[Mga larawan sa pahina 25]
Isang pag-aaral sa Bibliya at Kristiyanong pagpupulong sa Los Arenales
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Servicio Postal Mexicano, Correos de Mexico