Ano ang Mabuting Balita?
Ano ang Mabuting Balita?
“Ang mabuting balitang ito . . .”—MATEO 24:14.
DAPAT ipangaral ng mga Kristiyano ang ‘mabuting balita ng kaharian’ sa pamamagitan ng pagsasabi nito sa iba, na ipinaliliwanag na ang Kaharian ay ang gobyernong mamamahala nang matuwid sa buong lupa. Pero sa Bibliya, ang pananalitang ‘mabuting balita’ ay ginagamit din sa iba pang paraan. Halimbawa, may binabanggit ito na “mabuting balita ng . . . pagliligtas” (Awit 96:2); “mabuting balita ng Diyos” (Roma 15:16); at “mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo.”—Marcos 1:1.
Sa simpleng pananalita, kasama sa mabuting balita ang lahat ng katotohanan na sinabi ni Jesus at isinulat ng kaniyang mga alagad. Bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Kung gayon, ang gawain ng mga tunay na Kristiyano ay hindi lamang ipaalam sa iba ang tungkol sa Kaharian; dapat din silang magsikap na gumawa ng mga alagad.
Paano ito ginagawa ng mga relihiyon? Hindi naiintindihan ng marami sa kanila kung ano nga ba ang Kaharian kaya hindi nila ito maituro nang tama. Sa halip, mga sermon na nakapagpapagaan ng loob tungkol sa kapatawaran ng mga kasalanan at pananampalataya kay Jesus ang ipinangangaral nila. Nagpaparami rin sila ng mga miyembro sa pamamagitan ng pagkakawanggawa o pagtatayo ng mga ospital, paaralan, at bahay para sa mahihirap. Maaari nga silang dumami, pero hindi naman sila nakagagawa ng mga tunay na Kristiyano na talagang nagsisikap mamuhay ayon sa mga turo ni Jesus.
Isang teologo ang sumulat: “Alam ng karamihan sa mga iskolar o lider ng mga Kristiyano na dapat sana tayong gumawa ng mga alagad o aprentis kay Jesus at turuan silang gawin ang lahat ng bagay na sinabi ni Jesus. . . . Tutal, napakaliwanag ng mga tagubilin ni Jesus tungkol dito. Kaya lang, hindi natin ginagawa ang sinabi niya. Hindi natin sinusubukang gawin ito. At maliwanag na hindi natin alam kung paano gagawin ito.”
Sa katulad na paraan, ipinakikita ng isang surbey sa mga Katoliko sa Estados Unidos na 95 porsiyento ang sumasang-ayon na ang pangangaral ng mabuting balita ay isang kahilingan sa kanilang relihiyon. Pero para sa karamihan, ang pinakamainam na paraan para gawin ito ay hindi sa salita kundi sa gawa. Sinabi ng isa sa kanila: “Ang pag-eebanghelyo ay hindi lang puro salita. Dapat na tayo mismo ang Mabuting Balita.” Sinabi ng U.S. Catholic, ang magasin na nagsagawa ng surbey, na hindi ibinabahagi ng marami ang kanilang paniniwala dahil sa “pangit na imahe ng simbahan nang masangkot ito kamakailan sa iskandalo sa pag-abuso sa sekso at dahil sa malalabong turo ng simbahan.”
Sa ibang lugar naman, ikinalungkot ng isang obispong Metodista na ang mga miyembro nila ay nababahagi at nalilito, walang lakas ng loob na isagawa ang kanilang misyon, at walang ipinagkaiba sa ibang mga tao pagdating sa moralidad. May-pagkadismayang naitanong niya: “Sino ang responsableng mga tagapagdala ng ebanghelyo ng Kaharian?”
Hindi sinagot ng obispo ang kaniyang tanong. Pero may sagot sa tanong na iyan. Mababasa mo ito sa susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 6]
Ang mabuting balita ay tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo