Turuan ang Iyong mga Anak
Minahal Siya ng Diyos at ng Kaniyang mga Kaibigan
WALANG sinuman sa ngayon ang nakaaalam ng kaniyang pangalan. Ang alam lang natin sa kaniya ay anak na babae siya ni Jepte. Basahin natin ang Bibliya at kilalanin ang dalawang ito. Malalaman natin na ang anak ni Jepte ay minahal ng Diyos at ng kaniyang mga kaibigan.
Sa Bibliya, ang kuwento tungkol kay Jepte at sa kaniyang anak ay mababasa natin sa Hukom kabanata 11. Si Jepte ay isang tapat na lingkod ng Diyos, kaya tiyak na lagi niyang ipinakikipag-usap sa kaniyang anak ang Kasulatan.
Nabuhay si Jepte noong panahong hindi pa humihiling ng taong hari ang bayan ng Diyos, ang mga Israelita. Malakas si Jepte at mahusay makipaglaban. Kaya hiniling ng mga Israelita sa kaniya na pangunahan sila sa pakikipaglaban sa mga Ammonita, isang kalapít na bansa na kaaway ng mga Israelita.
Hiningi ni Jepte ang tulong ng Diyos para matalo ang mga Ammonita. Nangako siya na kung bibigyan siya ni Jehova ng tagumpay, ibibigay naman niya kay Jehova ang unang lalabas sa kaniyang bahay pag-uwi niya. Ang taong iyon ay habambuhay na maglilingkod sa tabernakulo ng Diyos—kung saan sumasamba sa Diyos ang mga tao noon. Alam mo ba kung sino ang unang lumabas sa bahay?— *
Ang anak na babae ni Jepte! Lungkot na
lungkot si Jepte. Iisa lang ang kaniyang anak. Pero nangako siya kay Jehova at kailangan niya itong tuparin. Hindi naman nagdalawang-isip ang kaniyang anak. Sinabi nito: “Ama ko, kung ibinuka mo ang iyong bibig kay Jehova, gawin mo sa akin ang ayon sa lumabas sa iyong bibig.” Pagkatapos, hiniling niya na payagan siyang manatili nang dalawang buwan sa mga bundok para tumangis. Bakit gayon na lang ang kalungkutan niya? Kasi sa pagtupad sa pangako ng kaniyang ama, hindi na siya puwedeng mag-asawa at magkaanak. Gayunpaman, hindi ang sarili niyang kagustuhan ang pinakamahalaga sa kaniya. Gusto niyang sundin ang kaniyang ama at maging matapat kay Jehova. Sa palagay mo, napasaya kaya niya si Jehova at ang kaniyang ama?—Kaya pinayagan ni Jepte ang kaniyang anak kasama ang mga kaibigang babae nito. Pagkabalik ng anak ni Jepte, tinupad ni Jepte ang kaniyang pangako na dalhin siya sa tabernakulo ng Diyos sa Shilo para habambuhay na maglingkod doon. Taun-taon, dinadalaw siya ng mga kabataang babae ng Israel para palakasin ang kaniyang loob.
May kilala ka bang mga kabataan na masunurin sa kanilang magulang at umiibig kay Jehova?— Makabubuting kilalanin mo sila at kaibiganin. Kung tutularan mo ang anak ni Jepte at magiging masunurin ka at matapat, magkakaroon ka rin ng mabubuting kaibigan. Mapasasaya mo ang iyong mga magulang, at mamahalin ka rin ni Jehova.
Basahin sa iyong Bibliya
^ par. 6 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.