Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Binigyan Niya Tayo ng Kalayaang Magpasiya

Binigyan Niya Tayo ng Kalayaang Magpasiya

2 HARI 18:1-7

ANG mga magulang ay dapat magpakita ng mabuting halimbawa sa kanilang mga anak. Makatutulong ito sa isang bata na magkaroon ng magagandang katangian at makagawa ng matatalinong pasiya sa buhay. Pero maraming magulang ang hindi naging mabuting halimbawa. Ibig bang sabihin nito ay magiging gayon din ang kanilang mga anak? Makikita natin ang sagot sa nakaaaliw na katotohanang ito​—binigyan tayo ng Diyos na Jehova ng kalayaang magpasiya. Tingnan natin ang kaso ni Hezekias, na mababasa sa 2 Hari 18:1-7.

Si Hezekias ay “anak ni Ahaz na hari ng Juda.” (Talata 1) Inilayo ni Ahaz ang kaniyang mga sakop mula sa dalisay na pagsamba kay Jehova at sumamba kay Baal. Naghandog siya rito ng mga tao, kasama na ang isa o higit pa sa mga kapatid ni Hezekias. Ipinasara ni Ahaz ang mga pinto ng templo at “gumawa ng mga altar para sa kaniyang sarili sa bawat panulukan sa Jerusalem. . . . Ginalit niya si Jehova.” (2 Cronica 28:3, 24, 25) Talagang napakasama niyang ama. Matutulad kaya sa kaniya si Hezekias?

Nang maging hari si Hezekias, pinatunayan niyang iba siya sa kaniyang ama. Si Hezekias ay ‘patuloy na gumawa ng tama sa paningin ni Jehova.’ (Talata 3) Nagtiwala siya kay Jehova, at “walang sinumang naging tulad niya sa lahat ng hari ng Juda.” (Talata 5) Sa unang taon ng kaniyang paghahari, sinimulan niya ang isang kampanya para sa tunay na pagsamba. Inalis niya ang matataas na dako kung saan sinasamba ang mga paganong idolo. Muling nabuksan ang templo, at naisauli ang dalisay na pagsamba. (Talata 4; 2 Cronica 29:1-3, 27-31) Si Hezekias ay ‘patuloy na nanatili kay Jehova, at sumakaniya si Jehova.’​—Talata 6, 7.

Ano ang nakatulong kay Hezekias para hindi matulad sa kaniyang ama? Posible kayang ang kaniyang ina na si Abias​—na di-gaanong ipinakilala sa Bibliya​—ay naging mabuting halimbawa sa kaniya? Nakaimpluwensiya rin kaya sa kaniya si Isaias, na naging propeta bago siya isilang? * Walang sinasabi ang Bibliya hinggil dito. Pero isang bagay ang tiyak: Pinili ni Hezekias ang isang landasin na ibang-iba sa kaniyang ama.

Malaking pampatibay-loob ang halimbawa ni Hezekias sa mga anak na hindi nagkaroon ng mabubuting magulang. Hindi na mababago pa ang nakaraan; hindi na natin mabubura ang mapapait na alaala. Pero hindi nangangahulugan iyan na bigo na tayo. Makagagawa tayo ng mga pagpapasiya ngayon na aakay sa isang maligayang kinabukasan. Tulad ni Hezekias, maaari nating piliing ibigin at sambahin ang tunay na Diyos, si Jehova. Sa paggawa nito, magiging kasiya-siya ang buhay natin sa ngayon at maaari itong umakay sa buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Laking pasasalamat nga natin sa maibiging Diyos na nagbigay sa bawat isa sa atin ng isang napakahalagang regalo​—ang kalayaang magpasiya!

[Talababa]

^ par. 4 Naging propeta si Isaias mula mga 778 B.C.E. hanggang mga 732 B.C.E. Nagsimula namang maghari si Hezekias noong 745 B.C.E., nang siya ay 25 anyos.