Kung Bakit Hindi Madaling Makilala ang Diyos
Kung Bakit Hindi Madaling Makilala ang Diyos
MAY gustong humadlang sa iyo na makilala si Jehova at magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Kaniya. Sino ang kaaway na ito? Sinasabi ng Bibliya: “Binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.” Si Satanas na Diyablo ang diyos ng kasalukuyang masamang daigdig. Nais niya na manatili kang walang-alam upang ang iyong puso ay hindi maliwanagan ng “maluwalhating kaalaman sa Diyos.” Ayaw ni Satanas na makilala mo si Jehova. Kung gayon, paano niya binubulag ang pag-iisip ng mga tao?—2 Corinto 4:4-6.
Ginagamit ni Satanas ang huwad na relihiyon para hindi makilala ng mga tao ang Diyos. Halimbawa, winalang-bahala ng ilang Judio noon ang kinasihang Kasulatan dahil sa tradisyon na humihiling na huwag gamitin ang pangalan ng Diyos. Noong unang mga siglo ng ating Karaniwang Panahon, waring inutusan ang mga Judiong tagabasa sa mga sinagoga na huwag nilang basahin sa kanilang Banal na Kasulatan ang pangalan ng Diyos, kundi sa halip ay palitan ito ng salitang ʼAdho·naiʹ, na nangangahulugang “Panginoon.” Dahil dito, marami tuloy ang hindi naging malapít sa Diyos. Kumusta naman si Jesus? Ano ang saloobin niya sa pangalan ni Jehova?
Ipinakilala ni Jesus at ng Kaniyang mga Tagasunod ang Pangalan ng Diyos
Sinabi ni Jesus sa panalangin niya sa kaniyang Ama: “Ipinakilala ko . . . ang iyong pangalan at ipakikilala ito.” (Juan 17:26) Tiyak na binigkas ni Jesus ang pangalan ng Diyos sa maraming pagkakataon nang siya’y bumasa, sumipi, o nagpaliwanag ng mga bahagi ng Hebreong Kasulatan na naglalaman ng mahalagang pangalang iyon. Kaya ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos, gaya ng ginawa ng lahat ng propetang nauna sa kaniya. Kung may mga Judiong hindi na gumagamit ng pangalan ng Diyos noong panahon ng ministeryo ni Jesus, tiyak na hindi niya sinunod ang kanilang tradisyon. Tahasan niyang pinuna ang mga lider ng relihiyon: “Pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.”—Mateo 15:6.
Pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus, patuloy pa ring ipinakilala ng tapat na mga tagasunod niya ang pangalan ng Diyos. (Tingnan ang kahon na “Ginamit ba ng Unang mga Kristiyano ang Pangalan ng Diyos?”) Noong Pentecostes 33 C.E., nang itatag ang kongregasyong Kristiyano, sinipi ni apostol Pedro ang isang hula ni Joel at sinabi sa pulutong ng mga Judio at proselita: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Gawa 2:21; Joel 2:32) Natulungan ng unang mga Kristiyano ang mga tao mula sa maraming bansa na makilala si Jehova. Kaya sa isang pagtitipon ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem, sinabi ng alagad na si Santiago: “Ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.”—Gawa 15:14.
Pero hindi pa rin sumuko ang kaaway ng Diyos. Pagkamatay ng mga apostol, agad na naghasik si Satanas ng apostasya, o pinilipit na mga turong Kristiyano. (Mateo 13:38, 39; 2 Pedro 2:1) Halimbawa, ang sinasabing Kristiyanong manunulat na si Justin Martyr ay isinilang noong panahong mamatay ang kahuli-hulihang apostol na si Juan. Gayunman, sa kaniyang mga akda, paulit-ulit na iginiit ni Justin na ang Tagapaglaan ng lahat ng bagay ay “isang Diyos na walang pangalang pantangi.”
Nang gumawa ng mga kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga apostatang Kristiyano, maliwanag na inalis nila rito ang
pangalan ni Jehova at pinalitan iyon ng Kyʹri·os, ang salitang Griego para sa “Panginoon.” Gayundin ang sinapit ng Hebreong Kasulatan. Dahil hindi na binabasa nang malakas ang pangalan ng Diyos, pinalitan ng mga apostatang eskribang Judio ang pangalan ng Diyos sa kanilang Kasulatan ng ʼAdho·naiʹ nang mahigit 130 ulit. Inalis din ang pangalan ng Diyos sa Vulgate, ang maimpluwensiyang salin ng Bibliya sa Latin na natapos ni Jerome noong 405 C.E.Mga Pagtatangkang Burahin ang Pangalan ng Diyos sa Ating Panahon
Sa ngayon, alam ng mga iskolar na ang pangalan ni Jehova ay lumilitaw nang mga 7,000 ulit sa Bibliya. Kaya ang pangalan ng Diyos ay ginamit ng ilang kilalang salin ng Bibliya gaya ng Katolikong Jerusalem Bible, gayundin ng Katolikong La Biblia Latinoamérica at bersiyong Reina-Valera, na parehong nasa wikang Kastila. Isinasalin naman ng ilang bersiyon ang pangalan ng Diyos bilang “Yahweh.”
Nakalulungkot, ginigipit ng maraming relihiyon na nag-iisponsor sa pagsasalin ng Bibliya ang mga iskolar na alisin ang pangalan ng Diyos sa kanilang mga salin. Halimbawa, sa isang liham sa mga pangulo ng mga samahan ng obispong Katoliko na may petsang Hunyo 29, 2008, sinabi ng Vatican: “Binibigkas pa rin [nitong] nakaraang mga taon ang personal na pangalan ng Diyos ng Israel.” Tahasang iniutos ng liham na ito: “Ang pangalan ng Diyos . . . ay hindi dapat gamitin o banggitin.” Bukod diyan, “kapag isinasalin ang Bibliya sa modernong mga wika, . . . ang banal na tetragrammaton ay dapat isalin na Adonai/Kyrios: ‘Panginoon.’” Maliwanag, layunin ng utos na ito ng Vatican na itigil ang paggamit sa pangalan ng Diyos.
Ganiyan din ang ginawa ng mga Protestante sa pangalan ni Jehova. Ganito ang isinulat ng isang tagapagsalita ng New International Version, na inisponsor ng mga Protestante at inilathala sa wikang Ingles noong 1978: “Jehova ang natatanging pangalan ng Diyos at dapat sana’y ginamit namin ito. Pero masasayang naman ang ginastos naming 21⁄4 milyong dolyar sa saling ito kung isasalin namin, halimbawa, ang Awit 23 na, ‘Si Yahweh ang aking pastol.’”
Hindi lang iyan. Hinadlangan din ng mga relihiyon ang mga taga-Latin Amerika na makilala ang Diyos. Ang konsultant sa pagsasalin para sa United Bible Societies (UBS) na si Steven Voth ay sumulat: “Ang isa sa patuloy na pinagdedebatihan sa mga samahan ng Protestante sa Latin Amerika ay ang paggamit ng pangalang Jehová . . . Kapansin-pansin, isang napakalaki at patuloy pang lumalaking makabagong simbahang Pentecostal . . . [ang] nagsabi na gusto nila
ang edisyong 1960 ng Reina-Valera, pero wala ang pangalang Jehová. Sa halip, ang gusto nila ay ang salitang Señor [Panginoon].” Ayon kay Voth, noong una’y tinanggihan ito ng UBS. Pero nang maglaon, nagpadala rin sila sa panggigipit at naglathala ng isang edisyon ng Bibliyang Reina-Valera “na walang salitang Jehová.”Ang pag-aalis sa pangalan ng Diyos mula sa kaniyang nasusulat na Salita at pagpapalit dito ng “Panginoon” ay nakahahadlang sa mga mambabasa na talagang makilala ang Diyos. Nakakalito ito. Halimbawa, maaaring hindi maunawaan ng mambabasa kung ang salitang “Panginoon” ay tumutukoy kay Jehova o sa kaniyang Anak na si Jesus. Kaya nga, sa teksto kung saan sinipi ni apostol Pedro ang pananalita ni David: “Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon [ang binuhay-muling si Jesus]: ‘Umupo ka sa aking kanan,’” ganito ang mababasa sa maraming salin ng Bibliya: “Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon.” (Gawa 2:34, Magandang Balita Biblia) Bukod diyan, sinabi ni David Clines sa kaniyang sanaysay na “Yahweh and the God of Christian Theology”: “Dahil hindi na kilala ng mga Kristiyano si Yahweh, mas nakapokus sila ngayon kay Kristo.” Kaya walang kaalam-alam ang maraming nagsisimba na ang tunay na Diyos na kinakausap ni Jesus sa panalangin ay isang Persona na may pangalang Jehova.
Puspusang nagsisikap si Satanas na bulagin ang pag-iisip ng mga tao tungkol sa Diyos. Magkagayunman, maaari mo pa ring makilala si Jehova at sa gayo’y maging malapít sa Kaniya.
Maaari Mong Makilala si Jehova
May-katusuhang ginagamit ni Satanas ang huwad na relihiyon upang huwag malaman ng mga tao ang pangalan ng Diyos. Pero walang kapangyarihan, sa langit man o sa lupa, ang makapipigil sa Soberanong Panginoong Jehova na ipakilala ang kaniyang pangalan sa mga gustong makaalam ng katotohanan tungkol sa kaniya at sa kaniyang maluwalhating layunin para sa mga tapat.
Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang maging malapít sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. Tinutularan nila si Jesus, na nagsabi sa Diyos: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan.” (Juan 17:26) Habang pinag-iisipan mo ang mga teksto sa Bibliya na nagsisiwalat sa iba’t ibang papel na ginagampanan ni Jehova para pagpalain ang mga tao, malalaman mo ang magagandang aspekto ng kaniyang maringal na personalidad.
Gaya ng tapat na patriyarkang si Job, maaari ka ring magkaroon ng “matalik na kaugnayan sa Diyos.” (Job 29:4) Kung may kaalaman ka sa Salita ng Diyos, maaari mong makilala si Jehova, at makapagtitiwala ka na kikilos siya kasuwato ng sinabi niyang kahulugan ng kaniyang pangalan—‘Ako’y Magiging anuman na kalugdan ko.’ (Exodo 3:14) Tiyak na tutuparin niya ang lahat ng kaniyang pangako sa sangkatauhan.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 6]
Ginamit ba ng Unang mga Kristiyano ang Pangalan ng Diyos?
Nang panahon ng mga apostol ni Jesus noong unang siglo C.E., naitatag ang mga kongregasyong Kristiyano sa maraming lupain. Ang mga miyembro ng mga kongregasyong iyon ay regular na nagtitipon upang pag-aralan ang Kasulatan. Nababasa kaya ng unang mga Kristiyano sa kanilang kopya ng Kasulatan ang pangalan ni Jehova?
Yamang ang Griego ay naging internasyonal na wika, ginamit ng maraming kongregasyon ang Griegong Septuagint, isang salin ng Hebreong Kasulatan na natapos noong ikalawang siglo B.C.E. Sinasabi ng ilang iskolar na mula pa sa unang salin nito, lagi nang pinapalitan ng Septuagint ang pangalan ng Diyos ng titulong Kyʹri·os, ang salitang Griego para sa “Panginoon.” Pero iba ang ipinakikita ng mga ebidensiya.
Ipinakikita sa larawan ang mga bahagi ng Griegong Septuagint na mula pa noong unang siglo B.C.E. Maliwanag na makikita sa Griegong saling ito ang pangalan ni Jehova na kinakatawan ng apat na titik Hebreo na יהוה (YHWH), o ang Tetragrammaton. Sumulat si Propesor George Howard: “Mayroon kaming tatlong iba’t ibang kopya ng Bibliyang Griegong Septuagint na isinulat bago ang panahong Kristiyano at walang isa mang Tetragrammaton ang isinaling kyrios o isinalin man sa iba pang wika. Halos natitiyak na namin ngayon na kaugalian ng mga Judio bago at pagkatapos ng panahon ng Bagong Tipan at nang mismong panahong iyon na isulat ang banal na pangalan . . . sa Griegong salin ng Kasulatan.”—Biblical Archaeology Review.
Ginamit ba ng mga apostol at alagad ni Jesus ang pangalan ng Diyos sa kanilang kinasihang mga akda? Sinabi ni Propesor Howard: “Kapag ang Septuagint na ginagamit at sinisipi ng iglesiya ng Bagong Tipan ay naglalaman ng Hebreong anyo ng banal na pangalan, walang alinlangan na inilakip ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang Tetragrammaton sa kanilang mga pagsipi.”
Kaya masasabi nating nababasa ng unang mga Kristiyano ang pangalan ng Diyos sa kanilang mga salin ng Hebreong Kasulatan at sa kanilang mga kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.
[Larawan sa pahina 7]
Ipinaalis ng mga relihiyon ang pangalan ng Diyos sa Bibliya dahil sa tradisyon ng mga Judio o sa pinansiyal na pakinabang
[Larawan sa pahina 4, 5]
Isang bahagi ng Isaias sa Dead Sea Scrolls kung saan makikita ang pangalan ng Diyos
[Credit Line]
Shrine of the Book, Photo © The Israel Museum, Jerusalem
[Larawan sa pahina 6]
[Credit Line]
Société Royale de Papyrologie du Caire
[Larawan sa pahina 8]
Naging huwaran si Jesus sa pagpapakilala sa pangalan ng Diyos