Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Namatay ang Iyong Kabiyak

Kapag Namatay ang Iyong Kabiyak

Kapag Namatay ang Iyong Kabiyak

SA ARAW ng kanilang kasal, maraming lalaki’t babae ang masayang nangako na sila’y magsasama habang buhay. Pero hindi nila napag-iisipan na maaari silang paghiwalayin ng kamatayan balang-araw. Maaaring mamatay ang isang mahal sa buhay dahil sa katandaan, sakit, o aksidente, anupat nangungulila at nagdadalamhati ang naiwang kabiyak.​—Eclesiastes 9:11; Roma 5:12.

Ayon sa estadistika, halos kalahati ng bilang ng mga babaing edad 65 o higit pa ay biyuda. Sa katunayan, tatlong beses na mas malamang na mabalo ang mga babae kaysa sa mga lalaki, kaya karaniwan nang iniuugnay sa mga babae ang pangungulila sa asawa. Pero nagdadalamhati rin naman ang mga lalaki. Ang totoo, milyun-milyong tao na ang nakaranas nito. Isa ka ba sa kanila?

Ikaw man ay biyudo o biyuda, ano ang maaari mong gawin? May maitutulong ba ang Bibliya upang maharap mo ang gayong sitwasyon? Paano ito nakayanan ng ilang balo? Bagaman walang isang solusyon na kapit sa lahat ng kalagayan, may mga simulain at mungkahi na makatutulong sa iyo.

Kung Paano Haharapin ang Pagkamatay ng Asawa

Bagaman iniisip ng ilan na ang pag-iyak ay isang tanda ng kahinaan o nakasasama pa nga, inihalintulad ng sikologong si Dr. Joyce Brothers, isa ring biyuda, ang pag-iyak sa paglalapat ng paunang lunas sa namimighating puso. Sa katunayan, ang pag-iyak ay normal sa isang nagdadalamhati at nakatutulong ito upang maibsan ang kirot. Huwag kang mahiyang umiyak. Mababasa sa Bibliya ang karanasan ni Abraham, isang lalaking may namumukod-tanging pananampalataya, at tinawag mismong kaibigan ng Diyos. Pero nang mamatay ang minamahal niyang asawang si Sara, ‘humagulhol siya at tumangis.’​—Genesis 23:2.

Bagaman normal lamang kung minsan na gusto mong mapag-isa, huwag mong ibukod ang iyong sarili. Ang Kawikaan 18:1 ay nagbababala: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin.” Sa halip, hingin ang suporta ng mga kamag-anak at kaibigan na nagmamalasakit. Hinggil dito, isang kahanga-hangang paglalaan ang may-gulang sa espirituwal na mga kapatid na lalaki sa kongregasyong Kristiyano na maaaring magbigay ng alalay at payo kung kinakailangan.​—Isaias 32:1, 2.

Nasumpungan ng ilan na nakatutulong ang pagsagot sa mga liham at card na ibinigay ng mga nakiramay. Isa itong pagkakataon para isulat ang mabubuting bagay na naaalaala mo tungkol sa iyong kabiyak at ang inyong masasayang sandali. Makatutulong din sa iyo na mabata ang pangungulila kung gagawa ka ng album ng mga alaala ninyong dalawa, gaya ng mga litrato, liham, at maiikling sulat.

Karaniwan nang magulo ang isip ng isa na kamamatay pa lamang ng mahal sa buhay, ngunit makatutulong na sundin pa rin ang nakagawiang iskedyul at mga gawain. Halimbawa, kung may espesipiko kang oras ng pagtulog, paggising, pagkain, o paggawa ng ilang gawain sa bahay, sikapin mong panatilihin ito. Dahil mas matindi ang iyong pangungulila sa mga dulo ng sanlinggo at pantanging mga araw gaya ng anibersaryo ng inyong kasal, planuhin kung paano mo gagawing abala ang iyong sarili sa mga araw na ito. Lalo nang mahalaga na ipagpatuloy ang iyong rutin sa pagsamba sa Diyos.​—1 Corinto 15:58.

Maaaring makagawa ng maling desisyon kapag ang isa ay dumaranas ng matinding pighati. Baka samantalahin pa nga ng mga taong may masamang motibo ang iyong kalagayan. Kaya iwasang gumawa ng padalus-dalos na desisyon hinggil sa mga bagay na gaya ng pagbebenta ng iyong bahay, pamumuhunan ng malaking pera, paglipat ng tirahan, o muling pag-aasawa. Ganito ang sabi ng isang kawikaan: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan, ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” (Kawikaan 21:5) Ang gayong mabibigat na desisyon sa buhay ay dapat munang ipagpaliban hanggang sa maging matatag na muli ang iyong emosyon.

Ang pag-aayos ng personal na mga gamit ng iyong kabiyak ay napakahirap lalo na kung mahabang panahon kayong nagkasama, pero bahagi ito ng pagdadalamhati. Lalo lamang tatagal ang sakit na nadarama kung ipagpapaliban ang paggawa nito. (Awit 6:6) Pinipili ng ilan na gawin ito nang mag-isa; nakatutulong naman sa iba na samahan sila ng isang malapít na kaibigan na maaari nilang kuwentuhan ng nagbabalik na mga alaala. Maaari mo ring hingin ang tulong ng isang kaibigan o kamag-anak sa pag-aasikaso ng anumang papeles, gaya ng pagkuha ng sertipiko ng kamatayan; pag-abiso sa mga ahensiya ng gobyerno, bangko, at mga kompanya ng credit card; pagpapalit ng mga titulo ng pag-aari; pagkuha ng mga benepisyo; at pagbabayad ng mga gastusin sa pagpapagamot.

Tandaan na namumuhay tayo sa isang imoral na daigdig. Ngayong nag-iisa ka na, masusubok ang iyong pagsisikap na manatiling malinis sa moral. Talagang napapanahon higit kailanman ang pananalita ni apostol Pablo: “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na pita sa sekso na gaya rin niyaong sa mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos.” (1 Tesalonica 4:4, 5) Kaya makabubuting iwasan ang mga pelikula, aklat, at musikang tungkol sa romansa o sekso.

Higit sa lahat, dapat maunawaan na panahon ang kailangan para maibsan ang pangungulila. Iniulat ng USA Today na ayon sa pag-aaral ng University of Michigan Institute for Social Research, mga 18 buwan ang kailangan ng isang nangungulilang asawa para bumalik sa normal ang kaniyang katawan at isip. Manalangin sa Diyos para mabata ito, at makatutulong din ang mga bunga ng kaniyang espiritu. (Galacia 5:22, 23) Bagaman hindi pa sa ngayon, tiyak na bubuti rin ang iyong pakiramdam sa paglipas ng bawat araw.

Kung Paano Napagtagumpayan ng Ilan ang Kanilang Pagdadalamhati

Pagkatapos ng 40 taon ng maligayang pagsasama, naging isang matinding dagok kay Anna ang pagkamatay ng kaniyang asawa. “Namatay ang nanay ko noong ako’y 13 anyos, pagkatapos sumunod naman ang tatay ko at dalawa kong kapatid na lalaki, gayundin ang aking kapatid na babae. Pero masasabi ko na talagang wala nang mas sasakit pa kaysa sa mamatayan ng asawa. Napakasakit talaga, para na rin akong namatay.” Ano ang nakatulong sa kaniya para maharap ito? “Gumawa ako ng malaking aklat ng mga e-mail at card na puno ng magagandang kapahayagan ng pagmamahal at pagpapahalaga sa lahat ng mabuting katangian ni Darryl. Bawat isa ay may binabanggit na katangiang naaalaala nila sa kaniya. Natitiyak ko na hindi rin siya kalilimutan ni Jehova at bubuhayin Niya siyang muli.”

Ito naman ang nakatulong sa 88-anyos na si Esther: “Pagkatapos ng 46 na taon ng pagsasama, ang pangungulila ang pinakamahirap na pinagdaanan ko. Pero napansin ko na malaking tulong ang pagiging abala sa espirituwal na mga bagay. Regular akong dumadalo sa mga pulong Kristiyano, lagi kong binabasa ang Bibliya at ibinabahagi ang mensahe nito sa iba. Nakatulong din sa akin ang pakikisama sa mga kaibigan na handang makinig sa akin. Kung minsan, wala naman silang gaanong sinasabi, pero pinahahalagahan ko ang kanilang panahon at pakikinig sa akin.”

Namatay ang asawa ni Robert dahil sa kanser matapos ang 48 taon nilang pagsasama. Ganito ang sinabi niya: “Napakasakit mawalan ng isang kabiyak na makakausap, katuwang sa paggawa ng mga desisyon, kasa-kasama sa paglalakbay at mga bakasyon, at isa na mapagsasabihan ko ng nangyari sa akin sa buong araw. Napakahirap man, pero determinado akong magpatuloy sa aking buhay. Nakatulong din sa akin ang paggawa ng mga bagay na magpapasigla sa aking katawan at isip. Nagdulot din sa akin ng malaking kaaliwan ang panalangin.”

Isang Makabuluhang Buhay Pagkatapos ng Pamimighati

Bagaman ang mamatayan ng minamahal na kabiyak ay isa sa pinakamapait na karanasan, hindi ito nangangahulugan na wala nang halaga ang buhay. Sa halip, baka ito na ang pagkakataon para magkaroon ka ng panahon na gawin ang mga bagay na hindi mo masyadong nagagawa noon, gaya ng paglilibang o paglalakbay. Makatutulong ito sa iyo para makalimutan mo ang iyong lungkot. Para sa ilan, baka ito na ang panahon upang lubusang makibahagi sa pangangaral at pagtuturo ng Bibliya sa mga tao. Talagang magkakaroon ka ng kagalakan at kasiyahan sa pagtulong sa iba sapagkat sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Huwag mong isiping hindi ka na magiging maligayang muli. Tandaan na kung lalapit ka sa Diyos na Jehova, madarama mo ang malasakit Niya sa iyo. Sinabi ng salmistang si David: “Ang babaing balo ay pinagiginhawa [ni Jehova].” (Awit 146:9) Nakaaaliw malaman na inilalarawan ng Bibliya si Jehova bilang “Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.” Sinasabi rin nito hinggil kay Jehova: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.” (2 Corinto 1:3; Awit 145:16) Oo, hindi lamang gustong tumulong ng ating maibiging Diyos na si Jehova sa mga masikap na humihingi ng tulong sa kaniya, kundi kaya at handa rin niyang gawin ito. Madama mo nawa ang nadama ng mga Israelita na umawit: “Ititingin ko ang aking mga mata sa mga bundok. Saan magmumula ang tulong sa akin? Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova, ang Maylikha ng langit at lupa.”​—Awit 121:1, 2.

[Blurb sa pahina 19]

Milyun-milyon ang namimighati at nalulungkot dahil sa pagkamatay ng kanilang kabiyak. Isa ka ba sa kanila?

[Kahon sa pahina 21]

Muling Pag-aasawa?

Sinasabi ng Bibliya na pinuputol ng kamatayan ang buklod ng pag-aasawa, kaya ang naiwang kabiyak ay maaaring mag-asawang muli. (1 Corinto 7:39) Ito ay personal na desisyon. Pero mahalaga na malaman ng mga anak ang desisyon ng kanilang magulang at suportahan siya hangga’t maaari. (Filipos 2:4) Halimbawa, sa simula’y hindi matanggap ni Andrés ang muling pag-aasawa ng kaniyang ama. Mahal na mahal niya ang kaniyang ina anupat iniisip na walang makapapalit dito. “Pero di-nagtagal, natanto kong tama ang naging desisyon ng aking ama,” ang sabi niya. “Muling siyang sumaya nang mag-asawa siya. Ginawa niyang muli ang mga bagay na hindi niya ginawa sa loob ng ilang panahon, gaya ng paglalakbay. Nagpapasalamat din ako na inaasikaso siyang mabuti sa pisikal at emosyonal na paraan ng kaniyang bagong asawa.”

[Mga larawan sa pahina 20, 21]

Ang pagiging abala at pananalangin sa Diyos na makapagbata ay tutulong para maibsan ang pagdadalamhati