Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Susi sa Maligayang Pamilya

Kung Paano Makikitungo sa mga Biyenan

Kung Paano Makikitungo sa mga Biyenan

Sabi ni Jenny *: Harap-harapang sinasabi ng nanay ni Ryan na ayaw niya sa akin. Ganoon din naman ang ginagawa ng magulang ko kay Ryan. Pero kay Ryan ko lang sila nakitang ganoon! Nakaka-stress sa aming mag-asawa ang pagdalaw sa aming mga magulang.

Sabi ni Ryan: Napakataas ng pamantayan ni Nanay, at walang pumapasa sa kaniya. Kaya ayaw niya kay Jenny noong una pa lang. At gayundin naman ang magulang ni Jenny sa akin​—lagi nila akong pinipintasan. Ang problema pa, ipinagtatanggol ni Jenny ang kaniyang magulang at gayundin naman ang ginagawa ko. Pinipintasan ko ang kaniyang magulang at pinipintasan naman niya ang magulang ko.

GINAGAWANG katatawanan ng mga komedyante ang awayan ng mga manugang at biyenan. Pero sa totoong buhay, hindi ito nakakatawa. “Sa loob ng maraming taon, nanghimasok ang biyenan kong babae sa buhay naming mag-asawa,” sabi ni Reena, isang asawang babae sa India. “Kadalasan nang ibinubunton ko ang aking galit sa mister ko dahil hindi ko naman ito puwedeng gawin sa nanay niya. Sa tingin ko, parang lagi siyang nahihirapang mamili kung magiging mabuti siyang asawa o mabuting anak.”

Bakit kaya nanghihimasok ang mga biyenan sa buhay ng kanilang mga anak na may asawa na? Ganito ang sinabi ni Jenny na nabanggit sa simula: “Baka hindi nila matanggap na isang bata at wala pang karanasan ang mag-aasikaso sa kanilang anak.” Sinabi naman ni Dilip, ang mister ni Reena: “Baka nadarama ng mga magulang na nagpalaki at nagsakripisyo para sa kanilang anak na naisasantabi na sila. Maaari din namang nag-aalala talaga sila na hindi pa kaya ng kanilang anak na maging mahusay na asawa.”

Kung minsan, ang mga mag-asawa na rin ang pumapayag na makialam ang kanilang mga biyenan. Halimbawa, isaalang-alang ang isang mag-asawa sa Australia, sina Michael at Leanne. “Galing si Leanne sa isang pamilya na malapít sa isa’t isa kung saan lahat ng bagay ay pinag-uusapan,” sabi ni Michael. “Kaya kahit kasal na kami, kinokonsulta pa rin niya sa kaniyang tatay ang mga desisyong dapat na kaming dalawa ang nagpapasiya. Totoo, malawak ang karanasan ng kaniyang tatay, pero nasasaktan ako kapag sa tatay niya siya nagtatanong sa halip na sa akin.”

Maliwanag, ang problema hinggil sa mga biyenan ay nakaaapekto sa pagsasama ng mag-asawa. Totoo ba iyan sa iyo? Paano mo pinakikitunguhan ang biyenan mo? Paano naman pinakikitunguhan ng asawa mo ang iyong magulang? Isaalang-alang ang dalawang problema na maaaring bumangon at kung ano ang magagawa ninyo tungkol dito.

UNANG PROBLEMA:

Sa tingin mo, masyadong malapít ang asawa mo sa kaniyang magulang. “Naisip ng misis ko na kung hindi kami titira malapit sa magulang niya, parang tinalikuran na niya sila,” ang sabi ni Luis na taga-Espanya. “Pero nang isilang naman ang aming anak na lalaki,” dagdag pa niya, “nai-stress ang asawa ko dahil halos araw-araw bumibisita ang magulang ko. Dahil dito, madalas kaming mag-away.”

Mga isyu:

Ganito inilalarawan ng Bibliya ang kaayusan sa pag-aasawa: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Ang pagiging “isang laman” ay hindi lamang basta pagsasama sa iisang bubong. Nangangahulugan ito na ang asawang lalaki at babae ay bubuo ng isang bagong pamilya​—ang isa na mas mahalaga kaysa sa kani-kanilang pamilya. (1 Corinto 11:3) Sabihin pa, kailangan pa rin nilang parangalan ang kanilang mga magulang, at karaniwan nang nangangahulugan ito ng pagbibigay ng atensiyon sa kanila. (Efeso 6:2) Paano kung sa pagbibigay ng atensiyon ng iyong asawa sa kaniyang magulang, nadarama mong ikaw ay nababale-wala o napababayaan?

Kung ano ang magagawa mo:

Pag-aralang mabuti ang sitwasyon. Talaga bang masyadong malapít ang iyong asawa sa magulang niya, o baka hindi ka lamang gayon sa iyong magulang? Kung oo, hindi kaya naaapektuhan nito ang iyong pananaw sa sitwasyon? Hindi kaya nagseselos ka lamang?​—Kawikaan 14:30; 1 Corinto 13:4; Galacia 5:26.

Kailangan mong magpakatotoo para masagot nang tama ang mga tanong na iyan. At mahalaga na gawin mo ito. Tutal, kung laging pinagmumulan ng away ninyong mag-asawa ang problema hinggil sa mga biyenan, kayong mag-asawa ang may problema​—hindi ang inyong mga biyenan.

Maraming problema ang bumabangon sa pag-aasawa dahil wala namang mag-asawa ang pareho ang pananaw sa lahat ng bagay. Maaari mo bang isaalang-alang ang pananaw ng iyong kabiyak? (Filipos 2:4; 4:5) Iyan ang ginawa ni Adrián na taga-Mexico. “Hindi maganda ang kinalakhang pamilya ng misis ko,” ang sabi niya, “kaya umiiwas ako sa aking mga biyenan. Nang maglaon, hindi na talaga ako nakikipag-ugnayan sa kanila​—sa loob ng maraming taon. Naapektuhan nito ang aming pagsasama dahil gusto pa rin ng asawa ko na maging malapít sa kaniyang pamilya, lalo na sa nanay niya.”

Nang maglaon, nagkaroon ng timbang na pananaw si Adrián hinggil dito. “Kahit na alam kong may negatibong epekto sa emosyon ng misis ko ang labis na pakikipag-ugnayan sa kaniyang magulang, magkakaproblema rin kami kung puputulin niya ang kaugnayan niya sa kanila,” ang sabi ni Adrián. “Hangga’t maaari, sinikap kong ibalik at panatilihin ang mabuting kaugnayan sa aking mga biyenan.” *

SUBUKIN ITO: Isulat ninyong mag-asawa ang inaakala ninyong pangunahing problema hinggil sa mga biyenan. Hangga’t maaari, magsimula sa “Pakiramdam ko . . . ” Pagkatapos, magpalitan kayo ng papel at saka ninyo pag-usapang magkasama kung paano ninyo lulutasin ang mga iyon.

IKALAWANG PROBLEMA:

Palaging nanghihimasok sa inyong mag-asawa ang inyong mga biyenan, anupat nagbibigay ng payo kahit hindi naman kayo humihingi. “Nakitira kami sa pamilya ng mister ko sa unang pitong taon ng aming pagsasama,” ang sabi ni Nelya na taga-Kazakhstan. “Laging may pagtatalo tungkol sa pagpapalaki namin sa aming mga anak hanggang sa aking pagluluto at paglilinis ng bahay. Kinausap ko ang aking asawa at biyenang babae tungkol dito, pero lalo lamang lumala ang problema!”

Mga isyu:

Kapag nag-asawa ka na, wala ka na sa awtoridad ng iyong magulang. Sa halip, sinasabi ng Bibliya na “ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki”​—ang kaniyang asawa. (1 Corinto 11:3) Gayunpaman, gaya ng nabanggit kanina, dapat parangalan ng asawang lalaki at babae ang kanilang mga magulang. Sa katunayan, sinasabi sa atin ng Kawikaan 23:22: “Makinig ka sa iyong ama na nagpangyari ng iyong kapanganakan, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa tumanda na siya.” Pero paano kapag binabale-wala ng iyong magulang o biyenan ang pagkaulo ng iyong asawang lalaki at ipinipilit ang kanilang gusto?

Kung ano ang magagawa mo:

Sikaping magpakita ng empatiya at unawain kung ano talaga ang motibo ng mga magulang sa tila panghihimasok nila sa inyong pagsasama. “Minsan, kailangang maramdaman ng mga magulang na mahalaga pa rin sila sa buhay ng kanilang mga anak,” ang sabi ni Ryan na nabanggit sa simula. Baka hindi naman sinasadya ang gayong panghihimasok, at maaari na itong palampasin sa pamamagitan ng pagkakapit sa payo ng Bibliya na “patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.” (Colosas 3:13) Paano naman kung sobra na ang panghihimasok ng inyong mga biyenan anupat nag-aaway na kayong mag-asawa?

Ang ilang mag-asawa ay nagtatakda ng makatuwirang mga limitasyon sa kanilang mga magulang. Hindi mo naman ito kailangang prangkahang sabihin sa kanila. * Kadalasan na, maipakikita mo sa iyong pagkilos na inuuna mo sa iyong buhay ang iyong asawa. Halimbawa, ganito ang sinabi ni Masayuki, isang asawang lalaki sa Hapon: “Huwag agad sumang-ayon sa sinasabi ng mga magulang. Tandaan, may sarili ka nang pamilya. Kaya alamin mo muna kung ano ang nadarama ng iyong kabiyak tungkol dito.”

SUBUKIN ITO: Ipakipag-usap sa iyong kabiyak kung bakit nagiging dahilan ng inyong pag-aaway ang panghihimasok ng mga magulang. Isulat ninyong dalawa ang mga limitasyon at kung paano ninyo masusunod ang mga ito habang nagpapakita pa rin ng paggalang sa inyong mga magulang.

Maraming problema hinggil sa mga biyenan ang maaaring malutas kung aalamin ninyo ang kanilang mga motibo at hindi ninyo hahayaang maging sanhi ito ng inyong pag-aaway. Tungkol dito, sinabi ni Jenny: “Kung minsan, medyo nagiging emosyonal ang pag-uusap naming mag-asawa tungkol sa aming mga magulang, at talagang masakit sa damdamin kapag napag-uusapan ang tungkol sa mga pagkukulang ng aming mga magulang. Nang maglaon, natutuhan naming huwag gamitin ang pagkukulang ng aming mga biyenan para isumbat sa isa’t isa, at sa halip ay nilulutas namin kung ano talaga ang problema. Dahil dito, naging mas malapít kaming mag-asawa sa isa’t isa.”

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.

^ par. 14 Maaaring magkaproblema ang ugnayan ng pamilya at makatuwiran lamang na limitahan ito kung may ginagawang hindi tama ang mga magulang​—lalo na kung patuloy nila itong ginagawa at hindi nagsisisi.​—1 Corinto 5:11.

^ par. 19 Sa ilang kalagayan, baka kailangan mong kausapin nang puso sa puso ang iyong magulang o biyenan. Kung gagawin mo ito, maging magalang at mahinahon.​—Kawikaan 15:1; Efeso 4:2; Colosas 3:12.

TANUNGIN ANG SARILI . . .

  • Ano ang magagandang katangian ng aking mga biyenan?

  • Paano ko mapararangalan ang aking magulang nang hindi naman napababayaan ang aking asawa?