Turuan ang Iyong mga Anak
Gusto ni Rebeka na Pasayahin ang Puso ni Jehova
KARANIWANG pangalan sa maraming lugar ngayon ang Rebeka. May kilala ka bang ganiyan ang pangalan?— * Isang mahalagang tauhan si Rebeka sa pinakakilalang aklat sa daigdig, ang Bibliya. Kilala mo ba siya?— Gusto nating makilala si Rebeka dahil ang kaniyang halimbawa ay makatutulong sa atin na maglingkod sa tunay na Diyos, si Jehova.
Si Rebeka ang ikalawang babae na pinanganlan sa Bibliya na naging tunay na mananamba ni Jehova. Alam mo ba kung sino ang una?— Si Sara, ang asawa ni Abraham. Matanda na si Sara nang ipanganak niya si Isaac—ang kaniyang kaisa-isang anak. Tingnan natin kung bakit gusto ni Rebeka na pasayahin ang puso ni Jehova at kung paano niya nakilala si Isaac.
Mahigit 60 taon ang nakalipas mula nang utusan ng Diyos sina Abraham at Sara na pumunta sa lupain ng Canaan mula sa Haran. Nang matanda na sina Abraham at Sara, nangako sa kanila ang Diyos na magkakaanak sila at tatawagin nila itong Isaac. Gaya ng maiisip mo, mahal na mahal ng kaniyang mga magulang si Isaac. Nang mamatay si Sara sa edad na 127, lungkot na lungkot ang binata na niyang anak na si Isaac. Ayaw ni Abraham na mag-asawa si Isaac ng isang babaing taga-Canaan dahil ang mga ito ay hindi sumasamba kay Jehova. Kaya isinugo ni Abraham ang kaniyang lingkod, malamang na si Eliezer, upang pumili ng asawa para kay Isaac mula sa mga kamag-anak ni Abraham sa Haran na mahigit 800 kilometro ang layo.—Genesis 12:4, 5; 15:2; 17:17, 19; 23:1.
Nang maglaon, nakarating sa Haran si Eliezer kasama ang iba pang lingkod ni Abraham. Dala
nila ang mga regalo para sa magiging nobya at ang kanilang mga kakailanganin na isinakay sa sampung kamelyo. Huminto sila sa balon kasi alam ni Eliezer na sumasalok ng tubig ang mga tao para sa kanilang mga hayop at pamilya tuwing hapon. Nanalangin si Eliezer na ang pipiliin niyang maging asawa ni Isaac ay ang sinumang magsasabi: “Uminom ka, at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo.”At gayon nga ang nangyari! Ang kabataang si Rebeka na “lubhang kaakit-akit” ay dumating sa balon. Nang humingi si Eliezer ng maiinom, sinabi ni Rebeka: “Ang iyong mga kamelyo rin ay isasalok ko ng tubig.” Habang siya ay tumatakbo “nang pabalik-balik sa balon upang sumalok ng tubig,” si Eliezer ay napatitig sa kaniya “sa pagkamangha.” Isip-isipin! Upang masapatan ang uhaw ng sampung kamelyo, kailangang sumalok si Rebeka ng mga 250 galon ng tubig!
Binigyan ni Eliezer si Rebeka ng magagandang regalo. Nalaman din niya na si Rebeka ay anak ni Betuel, isang kamag-anak ni Abraham. Inanyayahan ni Rebeka si Eliezer at ang kaniyang mga kasama sa kanilang bahay ‘upang doon magpalipas ng gabi.’ Tumakbo siya upang sabihin sa kaniyang pamilya ang tungkol sa mga isinugo ni Abraham mula sa Canaan para dalawin sila.
Nang makita ng kapatid ni Rebeka na si Laban ang mamahaling mga regalo na ibinigay sa kaniyang kapatid at malaman kung sino si Eliezer, inanyayahan niya ito. Pero sinabi ni Eliezer: “Hindi ako kakain hanggang sa masabi ko ang tungkol sa aking sadya.” Pagkatapos, ipinaliwanag niya kung bakit siya isinugo ni Abraham. Si Betuel, pati na ang kaniyang asawa, at si Laban ay natuwa at pumayag sa kasalan.
Pagkatapos kumain, doon na nagpalipas ng gabi si Eliezer at ang kaniyang mga kasama. Kinaumagahan, sinabi ni Eliezer: “Payaunin ninyo ako sa aking panginoon.” Pero gusto ng nanay at kapatid ni Rebeka na manatili pa sila roon nang “kahit man lamang sampung araw.” Nang tanungin si Rebeka kung sasama siya, sinabi niya, “Handa akong sumama.” Agad-agad siyang sumama kina Eliezer. Nang makarating na sila sa Canaan, naging asawa siya ni Isaac.—Genesis 24:1-58, 67.
Madali kaya para kay Rebeka na iwan ang kaniyang pamilya at mga kaibigan upang pumunta sa malayong lugar, kahit alam niyang maaaring hindi na niya sila makitang muli?— Hindi. Pero pinagpala si Rebeka dahil gusto niyang pasayahin ang puso ni Jehova. Isa siya sa mga naging ninuno ng ating Tagapagligtas, si Jesu-Kristo. Tulad niya, pagpapalain din tayo kung gagawin natin ang mga bagay na makapagpapasaya sa puso ni Jehova.—Roma 9:7-10.
^ par. 3 Kung binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.