Kung Ano Talaga ang Langit
Kung Ano Talaga ang Langit
INIISIP ng ilang tao na imposibleng malaman kung ano talaga ang langit dahil wala pa namang bumaba mula roon na makapagsasabi sa atin ng tungkol dito. Marahil nakalimutan nila ang sinabi ni Jesus: “Bumaba ako mula sa langit.” (Juan 6:38) Sinabi rin niya sa ilang lider ng relihiyon: “Kayo ay mula sa mga dakong ibaba; ako ay mula sa mga dakong itaas.” (Juan 8:23) Kaya, ano ang sinasabi ni Jesus tungkol sa langit?
Tiniyak ni Jesus na si Jehova ay tumatahan sa langit. Tinawag niya ang Diyos na “aking Ama na nasa langit.” (Mateo 12:50) Pero ginamit din ni Jesus ang salitang “langit” sa ibang diwa. Halimbawa, tinukoy niya ang atmospera bilang “langit” nang sabihin niya: “Masdan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit.” (Mateo 6:26) Gayunpaman, lampas pa sa atmospera ang langit na kinaroroonan ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “May Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa.”—Isaias 40:22.
Ang “Ama [ba] na nasa langit” ay naninirahan kung saan naroroon ang mga bituin? Sa Banal na Kasulatan, tinatawag ding “langit” ang pisikal na uniberso. Halimbawa, sumulat ang isang salmista: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan?”—Awit 8:3, 4.
Ang Diyos na Jehova ay hindi nakatira sa pisikal na uniberso na nilalang niya kung paanong ang isang karpintero ay hindi tumitira sa kabinet na ginawa niya. Kaya nang ialay ni Haring Solomon ang templo sa Jerusalem kay Jehova, sinabi niya: “Totoo bang ang Diyos ay mananahanan sa ibabaw ng lupa? Narito! Sa mga langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!” (1 Hari 8:27) Kung si Jehova ay hindi tumatahan sa pisikal na langit, sa anong langit siya tumatahan?
Bagaman napag-aralan na ng mga tao ang pisikal na langit sa pamamagitan ng malalakas na teleskopyo at nakapaglakbay pa nga ang ilan sa kalawakan, nananatili pa ring totoo ang sinasabi ng Bibliya: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” (Juan 1:18) Ipinaliwanag ni Jesus ang dahilan nang sabihin niya: “Ang Diyos ay Espiritu.”—Juan 4:24.
Ang espiritu ay isang anyo ng buhay na nakahihigit sa tao. Wala itong laman at dugo, na nakikita at nadarama ng tao. Kaya nang sabihin ni Jesus na tumatahan siyang kasama ng kaniyang Ama sa “langit,” ang ibig niyang sabihin ay taglay niya ang anyo ng buhay na mas maluwalhati kaysa anumang anyo ng pisikal na buhay. (Juan 17:5; Filipos 3:20, 21) Dating nakatira si Jesus kasama ng kaniyang Ama sa dako ng mga espiritu na tinatawag sa Bibliya na “langit.” Ano ang langit na ito? Ano ang nangyayari doon?
Isang Dako na May Masayang Gawain
Inilalarawan ng Bibliya ang langit bilang isang dako kung saan maraming gawain. Binabanggit Daniel 7:9, 10) Ang bawat isa ay may kani-kaniyang personalidad. Paano natin nalaman iyan? Sa lahat ng pisikal na nilalang, walang dalawang bagay ang magkamukhang-magkamukha, kaya makatitiyak tayo na magkakaiba rin ang mga nilalang sa langit. Kapansin-pansin, lahat ng nilalang na ito sa langit ay gumagawang magkakasama at nagkakaisa. Ibang-iba ito sa makikita sa lupa ngayon kung saan ang mga tao ay bihirang nagtutulungan.
nito na may daan-daang milyong tapat na espiritung nilalang doon. (Pansinin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa gawain sa langit. “Pagpalain ninyo si Jehova, O ninyong mga anghel niya, makapangyarihan sa kalakasan, na tumutupad ng kaniyang salita, sa pakikinig sa tinig ng kaniyang salita. Pagpalain ninyo si Jehova, ninyong lahat na mga hukbo niya, ninyong mga lingkod niya, na gumagawa ng kaniyang kalooban.” (Awit 103:20, 21) Oo, napakaraming gawain sa langit at tiyak na kasiya-siya ang mga ito.
Mahabang panahon nang maligayang naglilingkod sa Diyos ang mga anghel bago pa man lalangin ang lupa. Ayon sa Kasulatan, nang itatag ni Jehova ang lupa, “magkakasamang humiyaw nang may kagalakan” at “sumigaw sa pagpuri” ang mga anak ng Diyos. (Job 38:4, 7) Gumawa pa ngang kasama ng Diyos sa paglalang ng lahat ng iba pang bagay ang isa sa mga makalangit na anak niya. (Colosas 1:15-17) Maaaring may bumangong mga tanong sa iyong isipan tungkol sa langit at sa sangkatauhan dahil sa magandang paglalarawang ito ng masayang gawain sa langit.
Nilalang ba ang Tao Para Mapunta sa Langit?
Yamang naglilingkod na sa Diyos ang mga anghel sa langit bago pa itatag ang lupa, maliwanag na hindi nilalang ang unang lalaki at babae para magpakarami sa langit. Sa halip, ito ang sinabi ng Diyos sa unang mag-asawa: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” (Genesis 1:28; Gawa 17:26) Si Adan ang unang taong nilalang sa lupa, na may kakayahang kumilala sa Diyos at maglingkod sa Kaniya nang tapat. Siya ang magiging ama ng lahat ng tao, at ang lupa ang kanilang magiging tirahan. “Kung tungkol sa langit, ang langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.”—Awit 115:16.
Ayaw ng mga tao na mamatay. Natural lamang ito dahil hindi nilayon ng Diyos na sila ay mamatay. Binanggit lamang ng Diyos kay Adan ang tungkol sa kamatayan bilang parusa kung hindi siya susunod. Kung sumunod si Adan, hindi sana siya namatay.—Genesis 2:17; Roma 5:12.
Kaya nga hindi nakapagtataka kung bakit walang binanggit ang Diyos kay Adan tungkol sa pagpunta sa langit. Ang lupa ay hindi dako upang subukin ang mga tao kung magiging karapat-dapat sila sa langit. Nang lalangin ang tao, nilayon ng Diyos na sila ay mabuhay magpakailanman sa lupa, at iyan ay malapit nang matupad. Nangangako ang Bibliya na “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Maliwanag, ang tao ay hindi nilalang para magtungo sa langit. Kung gayon, bakit ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga apostol ang buhay sa langit? Ibig bang sabihin ni Jesus na lahat ng mabubuting tao ay pupunta sa langit?