Ano ba ang Langit?
Ano ba ang Langit?
NAPAKAGANDA ng pag-asang mabuhay sa langit! Ang mga Muslim, Hindu, Budista, mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan, at maging ang marami na hindi interesado sa relihiyon ay umaasa sa kabilang-buhay. Bagaman iba-iba ang kanilang ideya tungkol dito, karaniwan nang naiisip nila ang langit bilang isang dako ng kagandahan at kaluguran kung saan hindi na magdurusa ang mga tao at muli na nilang makakasama ang kanilang “pumanaw na mga mahal sa buhay.” Bagaman gusto ng maraming tao na mapunta sa langit, wala namang gustong mamatay para mapunta roon. Bakit?
Kung nilalang tayo para mamatay at mapunta sa langit, bakit hindi pinananabikan ng maraming tao ang kamatayan kung paanong nananabik ang mga bata na lumaki o ang mga kabataan na mag-asawa? Ayaw ng maraming tao na mamatay.
Gayunman, sinasabi ng mga mangangaral na pagkatapos ng ating maikling buhay sa lupa, sa langit talaga tayo nilayong tumira. Halimbawa, ganito ang sinabi ni Theodore Edgar Cardinal McCarrick, arsobispo noon ng Washington D.C.: “Hindi ganitong buhay ang nilayon para sa atin. Nilalang tayo para sa langit.” Ganito naman ang sinabi ng dating pangulo ng U.S. National Association of Evangelicals: “Ang layunin ng buhay ay purihin ang Diyos at magtungo sa langit . . . dahil ang langit ang ating tahanan.”
Karaniwan nang kaunting impormasyon lamang ang nalalaman ng mga taong naniniwala sa kabilang-buhay sa langit. Natuklasan ni George Barna, presidente ng isang kompanya na nagsasaliksik tungkol sa relihiyosong mga opinyon, na nakuha ng maraming tao ang “saligan ng kanilang paniniwala tungkol sa buhay at sa kabilang-buhay mula sa iba’t ibang pinagmulan, gaya ng mga pelikula, musika at nobela.” Ganito naman ang sinabi ng isang pastor ng Episkopal sa Florida: “Wala kaming alam tungkol sa langit maliban sa ito ang kinaroroonan ng Diyos.”
Gayunman ang langit ay isang mahalagang paksa sa Bibliya. Ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa langit? Nilalang ba ang tao para mabuhay sa langit? Kung mapupunta sa langit ang mga tao, ano ang gagawin nila roon?
[Blurb sa pahina 3]
Bakit gusto ng marami na mapunta sa langit, pero iilan lamang ang gustong mamatay para mapunta roon?