Tanong ng mga Mambabasa
Bakit Gusto ng Diyos na Mabuhay Nang Walang Hanggan ang mga Tao?
▪ Sinasabi ng Bibliya na gusto ng Diyos na magkaroon tayo ng “buhay na walang hanggan.” (Juan 6:40) Bakit? Dahil lamang ba sa katarungan?
Kasama sa pagpapakita ng katarungan ang pakikitungo nang patas at tama sa mga tao. Kung gayon, talaga bang karapat-dapat tayo sa buhay? Hindi. Sinasabi ng Bibliya: “Walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.” (Eclesiastes 7:20) Ang kasalanan ay may kabayaran. Nagbabala ang Diyos sa unang tao, si Adan, na sa araw na siya ay magkasala, tiyak na mamamatay siya. (Genesis 2:17) Nang maglaon, kinasihang sumulat si apostol Pablo: “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” (Roma 6:23) Kaya kung ang lahat ng inapo ni Adan ay karapat-dapat sa kamatayan, bakit nagkakaloob ang Diyos sa mga tao ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan?
Ang buhay na walang hanggan ay isang “kaloob na walang bayad.” Kapahayagan ito ng dakila at walang-hanggang pag-ibig at di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos, at isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus.”—Roma 3:23, 24.
Bagaman tayong lahat ay karapat-dapat mamatay, ibinibigay ng Diyos ang buhay na walang hanggan sa mga umiibig sa kaniya. Hindi ba iyan makatarungan? Sinasabi ng Bibliya: “Ano ngayon ang sasabihin natin? May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang magkagayon! Sapagkat sinasabi niya kay Moises: ‘Kaaawaan ko ang sinumang kinaaawaan ko, at kahahabagan ko ang sinumang kinahahabagan ko.’ . . . Sino ka nga bang talaga upang sumagot sa Diyos?”—Roma 9:14-20.
Sa ilang bahagi ng daigdig, maaaring bigyan ng pardon ng isang mataas na opisyal ng gobyerno o hukom ang isang kriminal na napatawan ng mabigat na parusa. Maaaring lubusang patawarin o bawasan ang sentensiya ng kriminal kung susunod siya sa mga kaayusan sa bilangguan at magpapakita ng pagbabago sa kaniyang saloobin at paggawi. Ito ay di-sana-nararapat na kabaitan.
Sa katulad na paraan, maaaring hindi ipataw ni Jehova ang nararapat na parusa sa lahat ng makasalanan. Sa halip, dahil sa pag-ibig, maaari siyang magkaloob ng buhay na walang hanggan sa mga umiibig sa kaniya at sumusunod sa kaniyang mga pamantayan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova ay ang pagsusugo niya ng kaniyang Anak upang magdusa at mamatay para sa atin. Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang Ama: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
Lahat ng umiibig kay Jehova at gumagawa ng kaniyang kalooban ay kaayaaya sa Diyos, anuman ang kanilang pinagmulan. Kaya ang pag-asang buhay na walang hanggan ay pangunahin nang dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan, ang kapahayagan ng pinakadakilang pag-ibig ng Diyos.
[Blurb sa pahina 29]
Ito ay pangunahin nang dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan, ang kapahayagan ng pinakadakilang pag-ibig