Liham Mula sa Estados Unidos
Paglalakbay sa Nakaraan
TUNAY na kawili-wiling maglakbay upang makita kung paano namuhay ang iyong mga ninuno. Sa diwa, gayon ang aming ginawa. Naglakbay kami mula sa Switzerland patungo sa Estados Unidos ng Amerika. Iniisip ng karamihan na napakamoderno ng Estados Unidos, pero dinala kami ng aming paglalakbay roon pabalik sa nakalipas na dalawang daang taon. Hayaan mong ikuwento namin ito sa iyo.
Dahil nagsasalita kami ng wikang Swiso Aleman, naanyayahan kaming mamalagi nang tatlong buwan sa estado ng Indiana. Layunin naming ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga pamilyang Amish na nagsasalita pa rin ng wika ng kanilang mga ninuno. Daan-daan sa mga pamilyang ito ay nakatira sa Indiana.
Ang mga Amish ay nagmula sa isang grupo ng Anabaptist noong ika-17 siglo. Ang kanilang pangalan ay galing sa pangalan ng kanilang lider na si Jacob Amman na nanirahan sa Switzerland. Sa pag-aaral nila ng Bibliya noon, naunawaan ng mga taong ito na may takot sa Diyos na mali ang pagbibinyag sa sanggol at pagsusundalo. Dahil sa kanilang paniniwala, pinag-usig sila ng pamahalaan. Ang ilan ay nagbuwis pa nga ng kanilang buhay. Patuloy na tumindi ang pag-uusig, at marami sa kanila ang napilitang lumikas sa ibang bahagi ng Switzerland at Pransiya. Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, libu-libo ang nagtungo sa Estados Unidos. Dala-dala nila ang kanilang kultura at wikang Swiso Aleman.
Nang dalawin namin ang mababait na taong ito, nagulat sila dahil nagsasalita kami ng kanilang wika! Ganito ang nangyari.
“Bakit marunong kayo ng wika namin?” ang tanong nila sa wikang Swiso Aleman.
“Kasi galing kami sa Switzerland,” ang sagot namin.
“Pero hindi naman kayo Amish!,” ang pagtataka nila.
Marami ang nagpatulóy sa amin, at nakita namin na makaluma pa rin ang kanilang pamumuhay. Sa halip na mga bombilya, lampara ang gamit nila; sa halip na kotse, kabayo at karwahe; sa halip na gripo, balon at windmill; sa halip na radyo, kantahan.
Pero ang labis naming hinangaan ay ang kapakumbabaan at pagiging simple nila. Tinitiyak ng maraming Amish na mabasa ang Bibliya araw-araw, at gustung-gusto nilang pag-usapan ito. Dahil dito, napag-usapan namin ang tungkol sa layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at sa lupa.
Mabilis na kumalat ang balita na may mga bisitang galing sa Switzerland. Hiniling ng marami na dalawin din namin ang kanilang mga kamag-anak, na pinaunlakan naman namin.
Tuwang-tuwa kami nang anyayahan kaming dumalaw sa isang paaralang Amish. Alam ba ninyo kung ano ang nangyari?Kumatok kami sa pinto. Agad kaming pinagbuksan ng guro at pinapasok sa silid-aralan. Naroon ang 38 bata na nakatingin sa aming apat. Walong klase ang nasa isang silid, na binubuo ng mga mag-aaral na edad 7 hanggang 15. Ang mga babae ay nakauniporme ng asul at may puting sombrero; ang mga lalaki naman ay itim na pantalon at asul na polo. Mataas ang kisame ng silid. Tatlo sa mga dingding ay may asul na pintura, at sa harap ay may pisara. Sa tabi nito, may isang globo at ilang nakarolyong mapa ng daigdig. Sa sulok, may isang malaking kalan na yari sa bakal.
Habang umuupo kami sa harap ng klase, pinagmamasdan kaming mabuti ng mga bata. Ang bawat klase ay pinapupunta ng guro sa kaniyang mesa at tinatanong tungkol sa kanilang takdang-aralin. Nagulat kami nang bigyan ng guro ng maikling pagsusulit ang mga bata tungkol sa Swiss Alps. Luma na ang kanilang mga aklat-aralin, kaya tinanong kami ng guro kung ang Switzerland ay katulad pa rin ng paglalarawan dito ng kaniyang aklat. Umaakyat pa rin ba ang mga baka sa matataas na pastulan kung tag-araw, o may niyebe pa rin ba sa mga bundok? Napangiti siya nang ipakita namin sa kanila ang makulay na mga larawan ng mga bundok na nababalutan ng niyebe at ikumpara ito sa larawan sa kaniyang aklat-aralin.
Ang misis ng guro, na tumutulong sa kaniya, ay nagtanong, “Marunong ba kayong mag-yodel?” * Hindi. Pero dahil alam naming napakahusay umawit at mag-yodel ng mga Amish, hinilingan namin silang umawit. Pinagbigyan naman nila kami, at hangang-hanga kami sa koro ng 40 boses. Pagkatapos, pinalabas ng guro ang mga bata para magrises.
Kami naman ngayon ang hinilingan ng misis ng guro na umawit. Yamang may alam kaming ilang katutubong awit sa wikang Swiso Aleman, pumayag kami. Nang marinig ito ng mga bata, dali-dali silang nagbalikan sa silid-aralan. Habang nakatayo sa harap ng klase, pinagbuti namin ang pag-awit.
Nang maglaon, inanyayahan kaming mananghalian ng isang pamilyang Amish na binubuo ng 12. Ang mahabang mesa na yari sa kahoy ay punung-punô ng masasarap na pagkain—minasang patatas, hamón, mais, tinapay, keso, gulay, pastel, at iba pang panghimagas. Bawat isa ay tahimik na nanalangin bago kumain. Habang ipinapasa ang mga pagkain, ikinuwento namin sa kanila ang tungkol sa Switzerland, ang bansa ng kanilang mga ninuno, at ikinuwento naman nila sa amin ang kanilang buhay sa bukid. Nagbubulungan at tuwang-tuwa naman ang mga bata habang kumakain. Nang matapos kumain ang lahat, muling nanalangin. Hudyat ito na puwede nang umalis sa mesa ang mga bata—pero hindi para maglaro. Bawat isa ay may gawain sa pagliligpit ng mesa at sa paghuhugas ng mga pinggan, kasali rito ang pag-iigib at pag-iinit muna ng tubig.
Habang naghuhugas sila ng pinggan, niyaya kami ng mag-asawa sa salas. Walang sofa kaya naupo kami sa mga silyang tumbatumba. Kinuha nila sa kabinet ang isang lumang Bibliyang Aleman, at gaya ng iba pang pamilyang Amish, nagkaroon kami ng masiglang usapan tungkol sa espirituwal na mga bagay. Ano ang layunin ng Diyos na Jehova para sa lupa at sa sangkatauhan? Ano ang ibig sabihin ni Jesus na mamanahin ng maaamo ang lupa? Talaga bang gustong pahirapan ng Diyos ang masasamang tao sa maapoy na impiyerno magpakailanman? Sino ang sumusunod sa utos ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita sa buong tinatahanang lupa? Masayang-masaya kaming sagutin ang mga tanong na ito—at marami pang iba—sa mga taong palaisip sa espirituwal at may hawak na Bibliya.
Masaya kami kapag naaalaala namin ang mga karanasang iyon sa paglalakbay sa nakaraan. Umaasa kami at nananalangin na ang pagdalaw at pakikipag-usap sa mga Swiso Aleman ay nagbukas ng daan para marami pa ang tumanggap ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
[Talababa]
^ par. 15 Ang pag-yodel ay pangkaraniwan sa Switzerland at Austria. Ito ay pag-awit nang malamyos at may palagiang pagpapalit sa pagitan ng falsetto at normal na tinig.