Masaker sa Paaralan—Kaaliwan Para sa mga Biktima Nito
Masaker sa Paaralan—Kaaliwan Para sa mga Biktima Nito
ITIM ang unang pahina ng diyaryo. Nakasulat doon sa malalaking letra ang salitang, “Bakit?” Ito ang paulit-ulit na tanong matapos mamaril ang 17-anyos na lalaki sa Winnenden sa timog ng Alemanya. Napatay niya ang 15 katao at saka nagbaril sa sarili. Ang mga bandila sa buong Alemanya ay naka-half-mast, at napabalita sa buong daigdig ang kalunus-lunos na pangyayaring ito.
Ang Winnenden ay isang maunlad at payapang bayan, na napaliligiran ng mga ubasan at taniman ng prutas. Pero noong Marso 11, 2009, mga 9:30 n.u., biglang nagkaroon ng karahasan at kaguluhan sa Mataas na Paaralan ng Albertville.
Isang kabataang lalaki na may dalang baril na kinuha niya sa kuwarto ng kaniyang mga magulang ang biglang pumasok sa dati niyang paaralan. Sunud-sunod niyang pinagbabaril ang siyam na estudyante at tatlong guro sa tatlong silid-aralan at sa pasilyo. Namatay ang mga ito at marami pa ang nasugatan. Dumating ang mga pulis pagkaraan ng ilang minuto. Tumakbo ang namaril sa kalapit na klinika para sa mga maysakit sa isip. Napatay rin niya roon ang isang trabahador. Pagkatapos nang-hijack siya ng isang kotse at tinutukan ng baril ang drayber nito. Nang makalayo sila ng mga 40 kilometro, nakatakas ang drayber. Sa isang tindahan ng kotse, napatay niya ang isang ahente at parokyano at malubhang nasugatan ang dalawang pulis na humahabol sa kaniya. Nang masukol na siya ng mga pulis, nagbaril siya sa ulo.
Ayon sa mga nakakakilala sa namaril, karaniwang tin-edyer lamang siya at gusto niyang tanggapin siya ng iba at magkaroon ng mga kaibigan. Bakit siya nagkagayon? Marahil mayroon siyang pasumpung-sumpong na depresyon. Naglalaro din siya ng air gun at ilang popular at marahas na computer game. Pero gayundin naman ang ginagawa ng libu-libo pang kabataan, ang sabi ng ilan. Kumusta naman ang mga biktima? Pinili ba niya kung sino ang kaniyang babarilin, o basta namaril na lamang siya? May mga nag-isip kung bakit walo sa kaniyang mga binaril ay babae at isa lamang ang lalaki. Walang sinuman ang makapagpaliwanag.
Mga Naging Reaksiyon
“Hindi ako makapaniwala nang tawagan ako ng aking anak na lalaki at sabihing may barilan sa kanilang paaralan,” ang naalaala ni Heike. “Pero nang marinig ko ang sirena ng mga kotse ng pulis at ambulansiya, ninerbiyos ako.” Malamang na dahil sa mabilis na pagtugon ng mga pulis kung kaya hindi na siya nakapamaril sa paaralan. Pagkatapos ay pinaalis ang lahat ng tao sa paaralan. Nagdatingan ang mga paramedik, saykayatris, at kapilyan upang tulungan ang mga estudyante at hindi nila ininda ang pagod.
Agad ding nagdagsaan ang mga reporter sa paaralan. Gusto nilang interbiyuhin ang mga estudyante na karamihan ay tulalá pa. Isang estudyante ang nakapansin na may 28 sasakyan mula sa 26 na istasyon ng telebisyon na nakaparada sa harap ng paaralan. Matindi ang kompetisyon sa media at nag-uunahan sila sa pag-uulat ng hindi pa tiyak na mga impormasyon. Pinuntahan ng isang reporter ang pamilya ng batang babaing napatay noong araw na iyon mismo ng masaker upang humingi ng mga litrato. Binayaran naman ng ibang reporter ang mga estudyante upang litratuhan sila. Dahil sa kaguluhan at sa kagustuhang mauna sa pagbabalita, ang ilang reporter ay hindi naging timbang at hindi nagpakita ng konsiderasyon at paggalang sa mga biktima.
Kapag may ganitong pangyayari, karaniwan nang bumabaling sa relihiyon ang mga tao para sa kaaliwan at paliwanag. Noong araw ng masaker, sama-samang nagmisa ang iba’t ibang relihiyon at dinaluhan naman ito ng marami. Pero bigung-bigo naman ang mga naghahanap ng kaaliwan mula sa Salita ng Diyos o ng sagot sa
kanilang nakalilitong mga tanong. Isang pamilya ang pumunta sa libing ng kaklase ng kanilang anak. Ganito ang sinabi ng ina: “Binanggit ng obispo ang tungkol sa mga pagdurusa ni Job. Hinintay kong ipaliwanag niya ang aral o ang kaaliwan na makukuha rito—pero wala. Wala akong narinig na anumang paliwanag kung bakit nagdusa si Job o kung ano ang nangyari sa kaniya.”Nainis naman ang isang lalaki sa walang-saysay na mga salita na narinig niya. Dati siyang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, mga 30 taon na ang nakalipas, pero huminto siya. Ngayon, dumadalo na siyang muli sa pulong ng mga Saksi.
Si Valisa, isang 14-anyos na babae na regular na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, ay nasa isang silid-aralan na malapit sa pinangyarihan ng pamamaril. Nang marinig niya ang mga putok ng baril, nanalangin siya kay Jehova. Nang tanungin siya kung paano niya nakayanan ito, sinabi niya na pinatutunayan ng mga pangyayari ang natutuhan niya sa Bibliya tungkol sa mapanganib na mga huling araw na ito. (2 Timoteo 3:1-5) Dalawang Saksi ang abala sa pagsasabi sa kanilang mga kapitbahay ng nakaaaliw na mga salita. Isang may-edad na babae ang lumapit sa kanila at nagsabi, “Sana marami pa ang gumawa ng ginagawa ninyo.” Bagaman nakalulungkot at nakapangingilabot ang masaker na iyon, napakilos naman nito ang ilan na makinig sa pag-asa at kaaliwang mula sa Salita ng Diyos.
Di-malilimutang Trauma
Sabihin pa, walang anumang taimtim at nakaaaliw na mga salita ang lubusang makapapawi sa pagkagitla at lungkot na nadama ng mga biktima. Ni mapapawi man nito ang pighati ng isang magulang na namatayan ng anak o ang panlulumo ng isang pulis na sumugod sa paaralan at natuklasang kabilang sa mga napatay ang kaniyang asawa.
Lubhang natrauma ang mga estudyanteng nakaligtas, pati na ang kanilang mga pamilya. Tumalon si Vassilios mula sa emergency exit nang marinig niya ang putok ng baril. Naalaala niya: “Pagtalon ko, nanalangin ako kay Jehova. Akala ko, katapusan ko na. Inisip ko na ito na ang aking huling panalangin.” Nang sumunod na mga linggo, lagi siyang nananaginip nang masama, at ayaw niyang makipag-usap kahit kanino. Galit siya lalo na sa mga media na nag-uunahan sa pagbabalita tungkol sa masaker at sa kawalan ng damdamin ng mga ito para makakuha ng impormasyon. Nang maglaon, natanggap din niya ang katotohanan.
Kasama ni Vassilios sa silid-aralan ding iyon si Jonas. Nakita niyang binaril ang lima sa kaniyang mga kaklase. Sinabi niya: “Pagkatapos ng pamamaril, parang wala lang sa aking ikuwento ang nangyari; para lang itong horror movie. Pero ngayon, hindi ko na maintindihan ang sarili ko. Kung minsan ayaw kong pag-usapan ito; kung minsan naman, gustung-gusto kong ikuwento ito.” Madalas din siyang managinip nang masama at hindi mapagkatulog.
Pagkaraan ng ilang araw, isinauli sa mga estudyante ang kanilang mga gamit mula sa silid-aralan. Sinabi ng mga espesyalista sa trauma na kapag nakita nila ang mga bagay na iyon, maaaring bumalik ang kanilang alaala sa trahedya. Noong una, ayaw hawakan ni Jonas ang kaniyang dyaket, bag, at helmet sa motorsiklo. Takot na takot din siya tuwing makakakita ng kamukha ng namaril o ng isa na may dalang backpack na gaya ng sa namaril. Nang marinig niya ang
putok sa pelikulang pinanonood ng kaniyang mga magulang, ninerbiyos siya. Tinulungan ng mga terapist na malimutan ng mga biktima ang kanilang trauma.Si Jürgen, ang ama ni Jonas, ay nagtatrabaho sa klinika kung saan napatay ang isang trabahador. Sinabi niya na palaging tinatanong ng maraming magulang at kasamahan sa trabaho ang kanilang sarili kung bakit nangyari iyon at paano kung nangyari iyon sa kanila. Halimbawa, kinailangang magpagamot ng isang empleado sa klinika sa isang saykayatris. Natatakot kasi siya sa tuwing maiisip niya na muntik na siyang maging biktima dahil nakita niya ang namaril mula sa balkonahe.
Kung Paano Natulungan ang Ilan
Ano ang nakatulong sa ilan na makayanan ang gayong kakila-kilabot na karanasan? Ganito ang sabi ni Jürgen: “Bagaman gusto mong mapag-isa kung minsan, gumagaan naman ang pakiramdam mo kapag may kasamang iba. Nakatutulong na malamang nagmamalasakit ang iba at hindi ka nag-iisa.”
Pinahalagahan din ni Jonas ang pagmamalasakit ng iba: “Marami ang nagpadala ng kard at mensahe. Ang ilan ay may mga teksto sa Bibliya na binasa ko. Nakatulong iyon sa akin.” Ano pa ang nakatulong sa kaniya? “Kapag nagigising ako sa gabi at hindi ko na makayanan ang takot, nananalangin ako. Kung minsan, nakikinig ako ng musika o ng rekording ng Gumising!” * Idinagdag pa niya na sinasabi sa atin ng Bibliya kung bakit nangyayari ang lahat ng ito: Si Satanas ang namamahala sa sanlibutan, at nabubuhay na tayo sa panahon ng kawakasan. Sinabi ng tatay niya na ang gayong kaunawaan ay nakatulong sa kanila.
Malapit Nang Magwakas ang Pagdurusa
Sa loob ng ilang araw, napunô ng mga kandila, bulaklak, at liham ang harapan ng paaralan. Napansin ni Kerstin ang sulat ng maraming tao na nagtatanong kung bakit nangyari ito at bakit pinahintulutan ito ng Diyos. Naisip niyang kailangang sagutin ang mga tanong na ito, kaya siya at ang dalawa pang Saksi ay sumulat ng liham at inilagay ito kasama ng iba pa.
Sa opisyal na pag-alaala sa mga namatay, ipinakita ng isang istasyon ng telebisyon ang kaniyang liham at sinipi ang unang mga linya: “Bakit? Sa mga huling araw, parami nang parami ang nagtatanong nito, lalo na ang mga tanong na: Nasaan ang Diyos? Bakit niya ito pinahintulutan?” Sayang, iyon lamang ang sinipi nila.
Bakit sayang? Kasi ipinaliwanag pa sa liham ang pinagmulan ng lahat ng pagdurusa at binanggit nito na “tiyak na aalisin [ng Diyos] ang lahat ng pinsalang dulot ng tao.” Idinagdag pa nito: “Sa huling aklat ng Bibliya, sinasabi ng Diyos na papahirin niya ang bawat luha sa mga mata ng mga tao, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Maging ang mga patay ay bubuhaying muli ng Diyos na Jehova. Sa ilalim ng kaniyang Kaharian na malapit nang dumating, wala nang mga trahedya, masaker, o pagdurusa. Nangako ang Diyos: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 21:4, 5.
[Talababa]
^ par. 20 Ang nakarekord at nakalimbag na format ng magasing Gumising! ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 12]
Tumanggap ng kard si Jonas na nagsasabing, “Lagi kang nasa aming alaala”
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Focus Agency/WPN
[Picture Credit Line sa pahina 9]
© imagebroker/Alamy
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Foto: picture alliance
[Picture Credit Line sa pahina 11]
Foto: picture alliance