Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
Paano naihinto ng isang lalaking gumagamit ng marijuana at naninigarilyo mula pa pagkabata ang kaniyang bisyo? Ano ang nakatulong sa isang marahas na miyembro ng gang na makontrol ang kaniyang galit at madaig ang pagkapoot sa ibang lahi? Pansinin kung ano ang sinabi nila.
MAIKLING TALAMBUHAY
PANGALAN: HEINRICH MAAR
EDAD: 38
BANSANG PINAGMULAN: KAZAKHSTAN
DATING SUGAPA SA MARIJUANA AT SIGARILYO
ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa gawing timog ng Kazakhstan, mga 120 kilometro mula sa lunsod ng Tashkent. Tigang at mainit ang lugar na ito sa tag-init, na may temperaturang umaabot ng 45 digri Celsius, at sa taglamig naman ay bumababa sa -10 digri Celsius—tamang-tama para sa pagtatanim ng ubas at marijuana.
Aleman ang aking mga magulang. Kapuwa sila mga Kristiyanong Evangelical pero hindi aktibong mga miyembro nito. Gayunman, tinuruan nila akong sauluhin ang dasal na Ama Namin. Nang 14 anyos ako, sina Inay at Ate ay nakipag-aral ng ilang panahon sa mga Saksi ni Jehova. Minsan, napakinggan ko nang basahin ng dalawang Saksi na nakikipag-aral kay Inay ang pangalan ng Diyos, na Jehova, sa kaniya mismong Bibliya. Tumimo iyan sa isip ko. Inihinto ni Inay ang pag-aaral, at hindi pa rin ako nagkakainteres na matuto tungkol sa Diyos. Pero nang maglaon sa paaralan, paulit-ulit na ikinukuwento ng aming guro ang lahat ng maling ulat tungkol sa sektang tinatawag na mga Saksi ni Jehova. Yamang nakadalo na kami ng ate ko sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, sinabi ko sa aking guro na hindi totoo ang mga sinasabi niya.
Nang 15 anyos na ako, ipinadala ako sa Leningrad, ang St. Petersburg, Russia ngayon, upang mag-aral at magkaroon ng kasanayan sa isang hanapbuhay. Sinasabi ko sa mga kasama ko sa kuwarto ang kaunting nalalaman ko tungkol kay Jehova. Pero nagsimula akong manigarilyo. Kapag umuuwi ako sa Kazakhstan, napakadali para sa akin na bumili ng marijuana, kahit na bawal ito. Malakas din akong uminom ng vodka at alak.
Nagtapos ako sa pag-aaral at saka sumali sa hukbong Sobyet sa loob ng dalawang taon. Pero hindi ko nakalimutan ang ilang katotohanang natutuhan ko mula sa Bibliya nang
bata pa ako. Kapag may pagkakataon, ikinukuwento ko sa mga kasama kong sundalo ang tungkol kay Jehova at ipinagtatanggol ko ang mga Saksi kapag may narinig akong mga kasinungalingan tungkol sa kanila.Pagkatapos kong maglingkod sa militar, lumipat ako sa Alemanya. Habang nasa kampo ng mga nandayuhan, nakatanggap ako ng isang aklat para sa pag-aaral ng Bibliya na gawa ng mga Saksi. Sabik na sabik ko itong binasa at nasabi kong ito ang katotohanan. Pero hindi ko maihinto ang pagkasugapa ko sa sigarilyo at marijuana. Nang maglaon, lumipat ako malapit sa lunsod ng Karlsruhe. May nakilala ako roon na isang Saksi ni Jehova, at tinuruan niya ako sa Bibliya.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Matagal ko nang alam na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Pagkatapos mabasa ang natanggap kong aklat para sa pag-aaral ng Bibliya, kumbinsido ako na sinasagot ng Bibliya ang lahat ng mahahalagang tanong sa buhay. Ngunit natagalan pa bago ko naihinto ang aking mga bisyo. Nang bandang huli, naantig ako ng payo ng Bibliya sa 2 Corinto 7:1 at ipinasiya kong linisin ang aking sarili “mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu,” na nangangahulugang kailangan kong ihinto ang paggamit ng marijuana at sigarilyo.
Agad kong naihinto ang paggamit ng marijuana. Pero tumagal pa ng anim na buwan bago ko naihinto ang paninigarilyo. Isang araw, tinanong ako ng Saksi na nagtuturo sa akin ng Bibliya, “Ano ang layunin ng iyong buhay?” Talagang pinag-isip ako nito may kinalaman sa aking pagkasugapa sa sigarilyo. Ilang ulit kong sinikap na itigil ang paninigarilyo. Pero ngayon, ipinasiya kong manalangin bago ako kumuha ng isang sigarilyo sa halip na humingi ng tawad sa Diyos pagkatapos manigarilyo. Noong 1993, nagtakda ako ng araw ng paghinto sa paninigarilyo. Sa tulong ni Jehova, hindi na ako nanigarilyo mula noon.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Ngayong huminto na ako sa magastos at nakasasamang pagkasugapa sa marijuana at sigarilyo, bumuti ang kalusugan ko. Nagkapribilehiyo akong maging isang boluntaryong manggagawa sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Tuwang-tuwa ako na natutuhan kong ikapit ang payo ng Bibliya sa aking buhay! Dahil dito, nagkaroon ng tunay na layunin ang buhay ko.
MAIKLING TALAMBUHAY
PANGALAN: TITUS SHANGADI
EDAD: 43
BANSANG PINAGMULAN: NAMIBIA
DATING MARAHAS NA MIYEMBRO NG GANG
ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa isang nayon sa rehiyon ng Ohangwena sa gawing hilaga ng Namibia. Ang mga kanayon ko ay binugbog at pinatay nang magkaroon ng digmaan sa rehiyong ito noong dekada ng 1980. Sa aming nayon, matatawag lamang na lalaki ang isang bata kung mahusay siyang makipaglaban at kaya niyang mambugbog ng ibang batang lalaki. Kaya natuto akong makipag-away!
Nang matapos akong mag-aral, tumira ako sa aking tiyo sa baybaying bayan ng Swakopmund. Pagdating ko roon, sumali ako sa isang
gang ng rebeldeng mga kabataang lalaki. Pumupunta kami sa mga lugar sa bayan na bawal ang mga itim, gaya ng mga hotel at bar, para manggulo. Madalas na nakikipag-away kami sa mga guwardiya at mga pulis. Gabi-gabi, may dala akong matalim at mahabang itak, na handang sumalakay sa sinumang humarang sa akin.Isang gabi, muntik na akong mapatay habang nakikipag-away sa kalaban naming gang. Tatagain sana ako sa leeg ng isang miyembro ng kalabang gang nang pabagsakin siya ng kasamahan ko. Kahit na muntik na akong mamatay, napakarahas ko pa rin. Kapag napapaaway ako, sa lalaki man o babae, ako ang laging unang nanununtok.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nang makilala ko ang isa sa mga Saksi ni Jehova, binasa sa akin ng babaing ito ang mga talata mula sa Awit 37 at saka sinabi sa akin na may iba pang kamangha-manghang pangako sa hinaharap na mababasa sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis. Pero dahil hindi niya sinabi sa akin kung saan sa Apocalipsis mababasa ang mga pangakong iyon, kumuha ako ng Bibliya at binasa ko ang buong Apocalipsis nang gabing iyon. Gustung-gusto ko ang pangakong nabasa ko sa Apocalipsis 21:3, 4 na “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Nang bumalik ang mga Saksi, tinanggap ko ang alok nila na pag-aaral sa Bibliya.
Napakahirap baguhin ang aking pag-iisip at paggawi. Ngunit natutuhan ko sa Gawa 10:34, 35 na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” Pinagsikapan ko ring sundin ang payo sa Roma 12:18: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”
Bukod sa dapat kong kontrolin ang aking galit, kailangan ko ring ihinto ang labis na paninigarilyo. Madalas akong umiiyak habang nananalangin kay Jehova na tulungan ako. Dati, sinasabi ko na ito na ang “huli” kong sigarilyo at saka ako mananalangin. Tinulungan ako ng Saksing nagtuturo sa akin ng Bibliya na makita ang kahalagahan ng pananalangin bago ako kumuha ng sigarilyo. Kailangan ko ring iwasan ang mga taong naninigarilyo. Bukod pa riyan, sinunod ko ang payo sa akin na sabihin sa mga katrabaho ko kung gaano kasamâ ang paninigarilyo. Talagang nakatulong ito sa akin, sapagkat hindi na ako binibigyan ng mga katrabaho ko ng sigarilyo.
Nang maglaon, naihinto ko ang paninigarilyo at iniwan ko na ang dati kong pamumuhay. Pagkalipas ng anim na buwan ng pag-aaral at pagsunod sa mga pamantayan ng Bibliya, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Kumbinsido ako na ang mga Saksi ni Jehova ang tunay na relihiyon nang makita ko ang pag-ibig nila sa isa’t isa, anuman ang kanilang lahi o kulay. Bago pa man ako mabautismuhan bilang isang Saksi, inanyayahan ako ng isang puting kakongregasyon ko sa kaniyang bahay upang kumain. Hindi ako makapaniwala. Hindi ko pa naranasang maupong katabi ng isang puti, ano pa kaya ang kumain sa bahay niya. Bahagi ako ngayon ng isang tunay na pambuong-daigdig na kapatiran.
Dati, pinipilit ako ng mga guwardiya at pulis na baguhin ko ang aking pag-iisip at paggawi, ngunit hindi sila nagtagumpay. Ang Bibliya lamang ang may kapangyarihang bumago sa aking personalidad upang maging maligaya ako.
[Blurb sa pahina 29]
“Madalas akong umiiyak habang nananalangin kay Jehova na tulungan ako”