Maging Malapít sa Diyos
“Akong si Jehova na Inyong Diyos ay Banal”
“BANAL, banal, banal ang Diyos na Jehova.” (Apocalipsis 4:8) Sa mga salitang iyon, ipinaliliwanag ng Bibliya na si Jehova ay banal, na nangangahulugang siya ang pinakadalisay at pinakamalinis sa lahat. Ang Diyos ay hindi maaaring mabahiran ng kasalanan sa anumang paraan. Nangangahulugan ba ito na wala nang pag-asang mapalapít ang di-sakdal na mga tao sa napakabanal na Diyos? Hindi naman! Isaalang-alang natin ang mga salitang punung-punô ng pag-asa na nakaulat sa Levitico kabanata 19.
Sinabi ni Jehova kay Moises: “Salitain mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel.” Ang kasunod na mga salita ay para naman sa buong bansa. Ano ang sasabihin ni Moises sa kanila? Sinabi pa ng Diyos: “Sabihin mo sa kanila, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Jehova na inyong Diyos ay banal.’” (Talata 2) Dapat magpakita ng kabanalan ang bawat Israelita. Ang mga salitang “magpakabanal kayo” ay hindi mungkahi kundi isang utos. Imposible ba ang hinihiling ng Diyos?
Pansinin na binanggit ni Jehova ang kaniya mismong kabanalan, hindi bilang isang pamantayan na dapat tularan kundi ang dahilan kung bakit niya ibinigay ang utos. Ibig sabihin, hindi sinabi ni Jehova sa kaniyang di-sakdal na mga mananamba sa Israel na maging kasimbanal niya. Imposible iyan. Si Jehova, na “Kabanal-banalan,” ang pinakabanal sa lahat. (Kawikaan 30:3) Gayunman, dahil banal si Jehova, inaasahan niyang magiging banal din ang kaniyang mga mananamba—ibig sabihin, ayon sa buong makakaya ng di-sakdal na mga tao. Sa anu-anong paraan sila magiging banal?
Pagkatapos ibigay ang utos na maging banal, sinabi ni Jehova kay Moises ang mga kahilingang sasaklaw sa bawat aspekto ng buhay. Ang bawat Israelita ay inaasahang sumunod sa mga pamantayan ng paggawi na gaya ng: igalang ang mga magulang at mga may-edad na (talata 3, 32); maging makonsiderasyon sa mga bingi, bulag, at iba pang napipighati (talata 9, 10, 14); maging tapat at hindi nagtatangi sa pakikitungo sa iba (talata 11-13, 15, 35, 36); at ibigin ang kaniyang kapuwa mananamba na gaya ng kaniyang sarili. (Talata 18) Sa pagsunod sa mga ito at sa iba pang mga pamantayang nabanggit, pinatutunayan ng isang Israelita na siya ay banal nga sa kaniyang Diyos.—Bilang 15:40.
Itinuturo sa atin ng utos hinggil sa kabanalan ang pag-iisip at mga paraan ng Diyos na Jehova. Una, natututuhan natin na upang maging malapít sa kaniya, kailangan nating gawin ang ating buong makakaya na mamuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan ng banal na paggawi. (1 Pedro 1:15, 16) Sa pagsunod sa mga pamantayang iyon, maaari tayong magkaroon ng pinakamagandang uri ng buhay.—Isaias 48:17.
Ipinakikita rin ng utos na maging banal na nagtitiwala si Jehova sa kaniyang mga mananamba. Hindi kailanman humihiling si Jehova ng higit sa magagawa natin. (Awit 103:13, 14) Alam niya na tayong mga tao, na nilalang ayon sa kaniyang larawan, ay may potensiyal na makapaglinang ng kabanalan. (Genesis 1:26) Nauudyukan ka bang matuto pa nang higit kung paano ka lalong mapapalapít sa banal na Diyos, si Jehova?
[Larawan sa pahina 9]
May potensiyal tayong makapaglinang ng kabanalan