Liham Mula sa Russia
Paglalakbay Hanggang sa “Dulo ng Daigdig”
LUMIPAD ang aming maliit na eroplano mula sa Yakutsk at unti-unting tumaas sa ibabaw ng Tuymaada Valley. Nadaanan namin ang maraming nagyeyelong lawa na iba’t iba ang hugis at laki, at ang Verkhoyanskiy—mga kabundukang ang tuktok ay natatakpan ng niyebe at nasisikatan ng araw. Sa wakas, pagkatapos maglakbay nang 900 kilometro, lumapag kami sa nayon ng Deputatskiy.
Ito ang pasimula ng mga paglalakbay ko sa Sakha Republic, na kilala ring Yakutia, isang magandang lupain ngunit napakahirap panirahan, at mas malaki pa kaysa sa buong Kanlurang Europa. Ang temperatura dito ay umaabot ng 40 digri Celsius kung tag-araw at -70 digri Celsius naman kung taglamig. Dito rin natuklasan ang mga fosil ng pagkalaki-laking mga hayop na hindi na ngayon umiiral. Mga ilang taon na ang nakalipas nang huli akong dumalaw rito. Parang kahapon lamang, naaalaala ko pa ang maliliit na bayang ito na natatakpan ng makapal na ulap, ang maningning na liwanag ng aurora borealis, at ang masasayahin, malalakas, at matiising mga Yakut.
Hindi kami papunta sa nayon ng Deputatskiy. Kami ng kasama ko ay dadalaw sa iba pang mga nayon. Una, pupunta kami sa Khayyr na 300 kilometro pahilaga, malapit sa Dagat Laptev, sa hilagang Siberia. Bakit kami pupunta roon? Noon, isang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa mga nayong ito at marami siyang nakausap na mga tao na interesadong matuto pa nang higit tungkol sa Bibliya. At kami na nasa Yakutsk, mga 1,000 kilometro ang layo, ang pinakamalapit sa kanila! Alam namin na kailangan ng mga taong ito ng tulong at pampatibay-loob.
Pagdating namin sa Deputatskiy, may nakilala kaming lalaki na papunta sa Khayyr, at inalok niya kaming makisakay sa kotse niya na mura lang ang bayad. Medyo nag-aalangan kami nang makita namin ang kaniyang kotse—luma na at kakarag-karag. Pero nakisakay na rin kami, at umalis kami kinagabihan. Hindi namin alam kung ano ang mangyayari sa amin.
Napakalamig ng mga upuan sa kotse gaya ng nagyeyelong paligid, at naisip naming maninigas kami sa ginaw hanggang sa makarating kami sa aming pupuntahan. Kaya pinahinto namin ang kotse at naghalughog kami sa aming bag ng makakapal na kasuutang lana, na isinuot namin. Pero nanunuot pa rin ang lamig.
Masayahin ang aming drayber, na sanáy na sa pamumuhay sa Hilaga. Bigla niya kaming tinanong kung nakita na ba namin ang aurora borealis. Hindi pa ako nakakita nito, kaya inihinto niya ang kotse at dahan-dahan kaming lumabas. Nang sandaling iyon, nakalimutan namin ang lamig. Natulala ako sa ganda ng kumikinang na
liwanag na may iba’t ibang kulay at parang nagdaraan sa harap namin—isang kamangha-manghang tanawin sa kalangitan na tila abot-kamay lang namin.Sa pagbubukang-liwayway sa nagyeyelong kapaligiran, sumadsad ang aming kotse sa isang bunton ng niyebe. Tinulungan namin ang drayber na makaalis doon. Ilang ulit pa itong nangyari habang papunta kami sa Khayyr sa kahabaan ng mga kalsada na naalis na ang makapal na niyebe. Noong umaga ko lang napansin na ang mga “kalsadang” dinaanan namin ay mga nagyelong ilog pala! Sa wakas, noong tanghali, 16 na oras mula nang umalis kami sa Deputatskiy, narating namin ang Khayyr. Inaasahan kong magkakasakit ako dahil sa matinding lamig, pero paggising namin kinabukasan, ang ganda ng aming pakiramdam. Kaya lang medyo manhid ang aking mga daliri sa paa, marahil dahil sa matinding lamig. Binigyan ako ng mga taganayon ng taba ng oso para ipahid dito.
Karaniwan na, nagbabahay-bahay kami upang ipakipag-usap sa mga tao ang mabuting balita. Pero dito sa Khayyr, nang malaman ng mga taganayon ang aming pagdating, hinanap nila kami! Araw-araw sa loob ng dalawa at kalahating linggo, tinuruan namin sa Bibliya ang mga tagaroon, kung minsan mula umaga hanggang sa kalaliman ng gabi. Nakatutuwang makilala ang napakaraming palakaibigan at mapagpatuloy na tao na interesado sa Bibliya. Sinabi sa amin ng ilang babaing Yakut na may-edad na: “Naniniwala kami sa Diyos. Ang pagpunta pa lamang ninyo rito, sa dulo ng daigdig, ay patunay na may Diyos nga!”
Nakatawag ng aming pansin ang mga kaugalian doon. Halimbawa, nagsasalansan sila sa tabi ng kanilang bahay ng mga bloke ng yelo na gaya ng panggatong na kahoy. Kapag kailangan nila ng tubig, kumukuha lamang sila ng isang bloke at inilalagay ito sa malaking kaldero, saka iinitin para matunaw. Pinakain kami ng mga taganayon ng isda nila roon, ang chir, na napakasarap kapag ginawang stroganina, isang espesyal na pagkain doon. Pagkahuli ng isda, iniilado ito, saka hinihiwa nang maninipis, isinasawsaw sa asin at paminta, at kinakain na. Tuwang-tuwa ring ikinuwento sa amin ng mga taganayon ang tungkol sa mga fosil, tulad ng mga pangil ng pagkalalaking elepante at mga puno, na madalas nilang makita sa lugar na ito.
Mula sa Khayyr, naglalakbay ako ng daan-daang kilometro, kadalasan sakay ng eroplano, para dalawin ang mga interesado sa Bibliya sa iba pang nayon sa Yakutia. Palakaibigan at maibigin ang mga tao rito! Minsan, may nakilala akong isang batang lalaki na nakaalam na ninenerbiyos ako kapag sumasakay sa eroplano. Para palakasin ang loob ko, gumawa siya ng isang kard para sa akin. Nagdrowing siya ng dalawang maya at isang maliit na eroplano at isinulat niya: “Sasha, kapag nakasakay ka sa eroplano, huwag kang matakot . . . Mateo 10:29.” Talagang naantig ang damdamin ko nang mabasa ko ang tekstong iyon! Nabasa ko roon ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga maya: “Walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama.”
Ilan lamang ito sa maraming magandang alaala ko sa Yakutia. Ang napakalamig na lupaing iyon na napakahirap panirahan ay laging nagpapaalaala sa akin sa mga palakaibigan at mababait na mga taong nakatira sa “dulo ng daigdig.”
[Mga larawan sa pahina 25]
Palakaibigan at mapagpatuloy ang mga Yakut